Alam kong mag-aalala pa rin ako,alam kong dadalawin pa rin ako ng mga pangamba.
Ang sabi ko sa sarili,kung kaya mong harapin ang katotohanan, right smack in my face tatalunin ko ang mga ito.
Nay, pasensya ka na't hindi muna kita mauuwian ng gusto kong coffee set para sa'yo,magtiis muna tayo sa luma mong takure at mga pingaw na tasa, masaya tayo kahit kulang ang asukal at matapang ang kape, dahil mainit naman ang tubig na husto lang para tayo makapag-agahan...
Tay, huwag ka munang umasa na mabibigyan kita ng pampusta mo sa iyong panabong,o maibili ka man ng inumin sa gabi-gabing dinadalaw ka rin ng alalahanin at gusto mong magpakalunod sa alak upang mahimbing kapagka...
Panatag ka, ate. Matatag na sandalan ni nanay at ng iyong sarili.Kahit palagi kang humihiling,alam mong dalawa tayong magpupuno sa mga bagay na kaya at gusto natin..
Kapatid ko,may malaki akong pagkukulang sa'yo.Hindi kita magabayan bilang kuya,dahil kasi'y nasanay din akong manginig, matakot ngunit magtiwala sa kapangyarihan ng kuya nating pumanaw na.Pero alalahanin mong nandito lang ako,para sa iyo at sa iyong si...
Mikaela,pamangkin ko.Kahit wala ka pang malay,alam mo nang masaya ang mabuhay sa mundo.Pagbibigyan kita,hanggang sa aking makakaya.Hindi kita matitiis,hindi kita matitikis...
At sa'yo mahal ko,higit kitang kailangan katumbas ng pagpapahalagang ipinapakita mo sa akin.Kaysa sa inaaakala mo,lalong kaparis ka ng kaliwang bahagi ng buhay ko.Tandaan mong nasa tabi mo ako,kailangan mo man o hindi...
Nariyan lang ang pangamba,pero nariyan din kayo...
Isang bukas na liham
No comments:
Post a Comment