Thursday, December 27, 2007

Flickr

This is a test post from flickr, a fancy photo sharing thing.

Sunday, December 23, 2007

Ikaw

Gusto kong sabihing, mahal kita nang buong buhay ko…at ikaw ang nakakapagpangiti sa akin.
Para kang tala na tinatanaw ko sa aking bintana; hindi ako namamalikmata
Sa aking pag-alala. Pagkat ikaw ri’y nakatingin
Sa paslit kong damdamin.
‘Di na ako iibig nang katulad ng ganito.
Pagkat mayron nang kakambal ang bulong sa aking puso
Sabik ito sa impit na hagikgikan, habang lumilipad sa loob ng kumot
Ang kiliti, ang mga kuwento, ang malalambing mong
Pagsuyo.
Lagi kitang inaalala nasaan mang panig ako
Isang kudlit sa malawak na himpapawid
Na ikaw ang kasing-kahulugan.#

Saturday, December 22, 2007

Beer-dey

Ang makahulugang parang kailan lang.

Kaka-bente singko ko pa lang. Para akong nag-uumpisa pa lang sa buhay. Gusto kong umpisahan ang mga panay sa himutok na hilig ko sa pagsusulat, pagguhit at litrato.

Isang taon na iyon, parang isang malikmata lang. At nasa punto na naman akong parang hinihingi ng panahon na isa-isahin kung anong naging katuturan ng nakaraang taon.

Hah! Gusto kong gawing sentimental ang entri na to, ayoko ng parang comparative analysis ng aking wish-list unang patak ng aking pagka-bente singko hanggang unang patak nang ako’y magbente seis.

Ano kayang kaibhan kung nagpakasal ako nang hindi bente-singko, kundi…trenta? Ano ang naging diprensya?

Marami ding kabaliwang pwedeng gawin ang limantaon. Lumilipad ang oras, lumiligwak ang distansya, lumulutang ang pagmamahal.

Ang bente singko ng buhay ko, totoong masaya, panahon ng pagpapasya.

Panahon ng marami akong nagawang pampersonal na mga bagay-bagay. Panahon ng sari-sari, mumunting pag-uumpisa. Isang nakaraang may makulay na pahina.

Pagpapakasal, pagbabagong-buhay, paglilipat-bahay, tuluy-tuloy na pagdama sa aking, present…

Ngayo’y ako’y a-bente seis. Ayokong isiping, ilang panahon na lang at ako’y talagang matanda na.

Parang umuurong ang aking pantog, nababahag ang buntot sa humaharap na mga taon, ng pagtanda. Na parang hanging darating at aalis.

Hm. Tsk. Oks. Lng. Yan.

Grrr. Brrr. (malamig sa Canada.)

Wednesday, December 19, 2007

Team Canada!

Taken Dec. 15, 2007 Olds, Alberta, Canada

Sunday, December 16, 2007

Buhay may asawa #1


Nalalaloko talaga ang buhay ano? Nagtatanong na nagtatapat na sabi ni Ryan, pinsan ko sa tatay.

Sabi niya, paano nagkaanak nga siya noong Hunyo, hindi naman niya kasama. Nakauwi siya ilang linggo pagkapanganak ng asawa upang pabinyagan ang anak. Ilang libo din daw ang nagastos nila sa binyag na ang nakapunta lang ay nanay niya, kuya saka isa pang kapatid.

Magka-edad kami ni Ryan. Laki silang Tondo at dumadalaw lamang sa aming probinsya kapag nataong walang pasukan o kaya tuwing magpapa-Pasko. Natatandaan ko pa siya at ng kuya niyang si Randy na payat, at may mumunting kagat ng lamok (sa iskwater sila lumaki) sa maraming bahagi ng katawan. Hindi nila maitago ang mga iyon dahil sila’y mapuputi, na tanda rin na sila’y laki sa lunsod.

Hindi kami naging malapit na magpinsan noon dahil sa madalang nilang pagdalaw.

Saka na lang kami nakapagpalagayan nang magkita kami dito sa Canada, sa araw ng libing ng kanilang tatay. Sa mga buwan na bagong salta kami nasa Pilipinas sila ni tita. Nauna pang umuwi ang kanyang ina, at saka siya, ngunit habang nandoon ay nalaman na naming buntis ang kanyang asawa.

Sa pana-panahong pagkikita namin tuwing may pampamilyang okasyon, na madalas ay bertdey ng mga anak sa magkabilang-panig, ay nakakapagkuwentuhan kami lalo na ng ibalita kong balak ko na ring magpakasal.

At iyon na nga. Nang huli kaming magkita ay sa bertdey ng kanyang pamangkin, at bago iyon, ay sa bertdey naman ng aking pamangkin. Nagpapayo siya tungkol sa ma-prosesong paraan ng pagkuha sa asawa. Pagkat siya’y ay magiisan-taon na ding kumukuha sa kanyang asawa, at naging doble na nang mabuntis nga ito't makapanganak.

Noong sa bertdey ng pamangkin ko, habang bumabangka ako sa magic sing, at panabay na umiinom ng aking beer, nagbiro siyang iba talaga ang malayo sa asawa. Pareho kaming natawa, sa aming parehong sitwasyon.

Sa kanya’y mas mabigat ang alalahanin. Ang kanyang asawa, na swerte niyang nasamahan sa halos buong panahon ng kanyang pagbubuntis, at ang kanyang bagong silang na junior ay matagal-tagal na din niyang hinihintay.

Nakukuwento lamang sa kanya na maayos naman ang paglaki ng bata.

Nagsesenti siya noong nakaraan naming pagbisita sa kanila. Iba raw ang Pasko sa atin. Walang-dalawang isip akong sumang-ayon sa kanya. Hindi ko alam kung dala iyon na siya’y malayo sa kanyang mag-ina, o dahil malungkot ang Pasko dito sa ibang bansa, o parehong ganuon.

Iyon pala’y balak niyang magpakasal sila sa simbahan ng kanyang asawa Disyembre ng 2009. Buong pamilya ang nagbabalak na makauwi. Si tita ang nagbalita sa akin, na para na ring pag-imbita.

Ang akin naman, wala pang Pasko na nagkasama kami ng aking mahal. Umalis ako kaagad matapos naming magpakasal. Gusto ko na rin maranasan kung ano ba ang buhay na katabi ang asawa, pagkat halos yata buong buhay namin ng aking mahal ay magkalayo kami. Alam ko na ang buhay na malayo sa asawa, naiinip na akong maranasan ang maging asawa, at sa kalaunan, ay maging tatay.#

Friday, December 14, 2007

Isang pahimakas



Maayos naman ako, wag kang mag-alala

Kung tatanungin mo ako, okey naman. Siguro.
Marami-rami namang nabago sa’ken. Kahit papaano.
Hindi pa rin ako nakakapagsulat ng kuwento.
Pero alam mo kung ano?
Meron saking nabago.
Litrato.

Kasi nahihiya ako.
Hindi naman ako magaling, at para akong tange.
Nagmamagaling kunware.
Kung aling anggulo ang makate
Sa lente ng aking kamera.

Anu-ano naman ang mga pinagkukunan mo?
Kahit anu-ano. Lang. Muna. Sa ngayon.
Pero wag kang mag-alala.
Ang pangarap kong
I-aanggulo

Ay ang kining sa kanilang mga mata
Ang dayukdok nilang pag-asa
Ang magdamag nilang paglikha
Ang munti nilang saya
At kanilang pakikibaka.

Hindi na nga sila makapaghintay, alam ko.
(Paano ko ba sasabihing pasensya muna?)

Saturday, December 08, 2007

White krismas



Si ate ito, na unang makakaranas ng winter sa kanyang tanang-buhay.

Sabi ng mga tao dito sa Canada, "We don't put up decors not until Christmas is 2 or 3 days close...it makes us sick if we have them up way too early."

Sabi ko naman, "Back home, we begin our Christmas, late in September. It just keeps building up and doesn't stop until the kings' day in January."

At sabi nila, "That's crazy."

At sabi ko naman, "Yeah, I know. I guess we are just happy people."

Na totoo. Ang snow dito, hindi mo makakatuwaan, kahit magpa-Pasko.

Marami pa rin ang mas gusto ay hanging magpa-Pasko sa Pilipinas. Me snow man o wala, mas gusto ko pa ring bumalik sa panahong ganito, na ang hatid ng malamig na snow ay pangungulila, at pag-iisa.#