Saturday, May 20, 2006

Alipato*

*gusto ko sanang gamitin ang titulong ito isang araw na masaya akong bumibiyahe pauwi sa amin, kung kailan panatag ang ilaya at masuyo ang paglubog ng araw sa silangan. kahit pa, kailangan ko itong gamitin ngayon, hindi bukas o sa ibang panahon. Pagkat ito'y alipato ng kahapon...

Bagama't buhay ay sumasanib sa dilim ang buhay na mayron ako sa salaulang lunsod.

Mabuti pa nga ang alipato, may tiyak na lugar paitaas, kahit man na sa dulo ng kanilang buhay ay hanggang doon lamang sa aninag ng maikli nilang ningas. Tinatangay sila ng hangin, sa direksyon na wala silang pakialam.

Noon pa'y itinuring ko nang therapy ang biyahe. Malapit o malayo, maligalig o payapa, kahit sandali ay gusto kong naiiwan sa pagitan ng mga singit ng puno, sa madidilim na eskinita, sa mabalukbok na kalyehon, sa banig ng palayan ang mga alalahanin.

Mas madalas kong maisip ang tungkol sa future. Isang bukas na panahong walang sinuman ang eksaktong nakakakita. Sa biyahe, ang alaala ay winawalis at pilit na winawaglit kung masakit, at kasing-linaw ng masayang imahe sa salamin kung maaaliwalas. Sa biyahe, marami tayong mga what if, at sana.

Pero sa dulo ng mundo, ang pagbibiyahe ay may sariling mapa na hindi maiiwasan. Paano kung dead end? O kaya'y bangin? Kung gayon, sa malao't madali, ito ang kanyang direksyon.

May magagawa sa kabilang banda. Lagi't lagi, may hatid na pag-asa ang liwanag na nagmumula sa mga alipato, kahit ito'y pansamantala...


Dala na rin ng kapaguran, gusto ko muna sanang magpahinga. Pero umaasa din akong muling makapagsimula sa isang mas bago, mas makabuluhang mundo. Ano ba kasi sa Filipino ang superficial? Plastik? Sa mas madali, kasinungalingan.

Marangya ito, at nabulag ako. Kung uumpisahan ko sa pinaka, mahabang magulong kuwento. Ang masasabi ko lang, muntik na akong malunod sa isang biyaheng bagama't mapaglaro, maluho ay nakakalunod. At ayokong sa kalaunan ay matangay ako sa isang biyaheng walang saysay, sa aking panahon.

Magulo 'no? Basta.

Go alipato!

(lagom: natapos na sa nakalipas na anim na buwan ang nakakawindang na trabaho bilang business reporter. ngayon ako'y magsisimula ulit, NGAYON na, ngunit hindi sa umpisa.)

1 comment:

Anonymous said...

Ang galing ah... sa isang paglalakbakbay nakakita ako ng alipato. Alipato na sa kabila ng hiram na lakas mula sa hanging mulasa init ng siga ay nagpupumilit itong makaalpas. Makaalpas sa kabila ng pilit na paghila paibaba ng balani at sa kapangahasan ng langay-langayan... [ang bahaging ito ay bahagi ng isang kwento na aking ginagawang aklat... Ang Alipato at Langay-langayan]