Wednesday, May 13, 2009

Anak

Alam mo bang hindi ka namin inaasahan ng iyong nanay? Pero ang hindi namin mas napaghandaan, ay ang pag-apaw ng saya at dumating ka..

Ano ba ang saysay ng mundong ito kung wala ka anak?

Siguro'y nakapagsarili pa kaming lalo ng iyong ina. Nakatapos muna ako habang abala ang iyong nanay sa pagtulong sa akin at sa iyong lola't uncle sa atin.

Nakakapag-ipon na sana kami para makauwi sa Disyembre. Unang Paskong makakasama ko, ang pamilya naman ng iyong nanay, ang kalahati ng aking pamilya.

Siguro'y makakapamasyal din kami sa ilang lugar dito sa Canada. Siyempre, magtatag-init dito ngayon. Maganda naman ang panahon para makasagap ng ibang uri ng hangin.

O kaya naman, simulang bumili ng kapirasong lupa sa atin na siyang pagtatayuan ng sarili nating bahay.

O kahit na lang ang paminsan-minsang magkaroon ng oras sa sarili..

Ah anak...mga mumunting pangarap lamang kumpara sa'yo.

Ang iyong mga hikbi, mga pagsibi, munting mga labi, at panimulang ngiti. Mapungay ang iyong mga mata, singkit, matingkad na bilog, maikling mga talukap. Malusog din ang iyong mga pisngi, mapula, maliit mong labi.

Alam mo bang marami ang nakakapansin sa'yo? Namamangha sila sa malago mong buhok. Silang mga puti na napapatanga sa'yo.

Ikaw ang buhay ko, kayo ng iyong nanay. Kayo ang nagbibigay kahulugan sa salitang saysay.#

Thursday, March 26, 2009

At siya'y naging si Andres

Anak ang kyut kyut mo. Mana sa tatay...at nanay :) Tama po ang inyong nabasa, Andres po ang kanyang pangalan sa kabila ng paglaban ng aking pamilya. Payak, tulad ng kanyang pagka-Pilipino. :)


Friday, March 13, 2009

la lang...

Tuesday, December 30, 2008

Sipat

Kasi, mabilis lumipas ang mga araw.

Kahapon lang, mag-isa ako. Ngayon, magiging tatlo na kami, ng aking mahal, ng aking magiging panganay. Noon lang bente singko akong tao na nasa kalagitnaan ng buhay, noong nakaraang araw lang bente-syete na ako.

Ah, wala akong reklamo. Pagkat ginawa ko naman ang mga pinakamabuti, at maayos din ang naging mga kapalit. Wala naman akong mahihiling pa sa aking present, siguro lang ang patuloy na makaagapay sa araw-araw hanggang maabot ang mga pangarap.

'Di ako umaasa sa pinaka, hindi ako magpapakahirap na abutin ito, gaya ng ibang mga Pilipino dito sa kabilang mundo. Hindi ko sila masisisi, dahil sila'y nangangarap din lang. Ang pangarap ko naman, simple lang. Maging nars, maging mabuting asawa, maging matatag na tatay.

Oo, ang maging nars. Oo, dahil "in-demand". Oo, dahil sa kabilang banda, alam kong magiging mahusay akong bantay para sa aking panganay, asawa, ina at tatay, mga kapatid ko, at ibang mga tao.

Dati pa, alam ko na ang kakaibang kaligayahang nakukuha sa pakikisama, sa kanilang mga walang-wala. Masarap din naman ang magsulat tungkol sa kanilang mga istorya. Hindi ko naman iwinawaglit ang propesyung ito.

Siguro lang, kailangan ding gamutin ang mga sakit na dulot ng kalam ng kanilang sikmura, gaya ng matagalang-gamutan na kailangan sa ugat ng kanilang problema. Kasabay ng pagmumulat sa kanila sa kanilang kalagayan, ang pansamantalang lunas na maaring ibigay sa sari-sari nilang karamdaman sa katawan.

Higit pa rin ang lunas na maibibigay ng habambuhay na pagkamulat, pero doble ito kung maisasalba ang katawang bibigay na sa kahirapan.#

Monday, December 08, 2008

mewi kwismas

Saturday, November 22, 2008

Taguan

Nasa tiyan ka pa'y gustung-gusto mo nang maglaro anak! haha. Eksayted ka na ba? Konting hintay pa. :)

Friday, November 07, 2008

Muling Pagkikita


Ang totoo, pangalawang beses ka pa lang naming nakita anak. Pero gusto kong malaman mo na noon ka pa namin minahal.

Isang buwan pa lang ang lumipas, pero malaki na ang ipinagbago mo. Madalas na rin naming nararamdaman ang mga pagkislot mo.

Buong-buo ka na, kaunting paglaki na lamang at maaari ka na naming ipakilala sa mundo. Alam na rin naming, magiging junior ka ng ating pamilya. :)

Hayan, sana'y maging maayos ang paglaki mo. Eksayted na yata ang buong mundo sa pagdating mo!