Wednesday, January 31, 2007

Haywey


Gaano ba kasimple ang buhay dati?

Naalala kong umuuwi akong may hawak-hawak na supot ng coke at inihaw na mais, kahit maalikabok ang daan. Enjoy ako, lalo kapag tag-init at ma-trapik. Ang mga mukha ng mga taong pagod sa biyahe, nakasilip sa akin na inggit na inggit.

Inggit silang pagmasdan mula sa bus o sa dyip na may isang taong naglalakad lang at tila alang pakialam sa init at alikabok. Ang daan na yun, halos 30 metro ang layo mula palengke hanggang sa krus-na-kalye, na tagpuan ng mga biyahero mula norte patungong Maynila.

Maraming maliliit na tindahan na nagsara na, dahil lalakihan daw ang lapad ng kalye. Makitid kasi ito kung tutuusin, kasya lang ang isa’t kalahating sasakyan. Tama, ang isa’y kalahati lamang dahil ang kalahati nito ay nakatagilid at halos mahulog na. Ito ang pangunahing daan sa munting lunsod.

Inabot ng isang taong nagtitiis ang mga tao, lalo ang mga biyahero, sa nilalagareng daan. Kapag nagsisikip na ang trapik dito, parang parada naman ng mga taong bumababa para maglakad na lang. Sayang ang limampisong pamasahe!

Sa maliit naming bayan, maraming maraming maraming traysikel. Pagta-traysikel ang pinakabatayang trabaho dito, lalo ng mga nagbibinatang ayaw nang mag-aral, o mga tatay na hindi naman nakapag-aral. Ang traysikel din ang nagsisilbing, ‘kotse’ ng mga pamilya. Gamit sa araw-araw na pamamalengke, panunood ng sine, pamamasyal sa beach.

Sa katunayan, dalawang henerasyon sa pamilya namin ang nagta-traysikel. Dalawang tito, at si tatay, ang nagtraysikel. Si tatay, huminto nang maging kabo sa jueteng. Si uncle Eddie ay bumibiyahe pa rin, maging nuong pumalaot ang tita Lourdes, at hindi na nagbalik pa, sampung taon na ang lumipas. Si uncle Od naman, ay hindi na nagdadalas bumiyahe, matapos na magpunta sa Japan si Mailyn, malapit kong pinsan.

Ikalawang henerasyon ang bunso naming kapatid at isa ko pang pinsan, si Onyor. Si Iyong kapatid ko, binigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay ng mga ate sa pamamagitan ng traysikel, ngunit dalawang taon lang ata nagtraysikel, huminto dahil sa kapabayaan. Iyon na lang ang tangi niya sanang sandalan, kung natuto lamang siya.

Ako, kuntento na akong maglakad lang. Hah! Simpleng simple lang ang kaligayahan. Uulitin ko pa rin yun, ang kaibhan nga lang ay tiyak na wala na ang alikabuking daan. Ang maganda'y naroon pa rin ang trapik, at mga tindero ng mais sa daan.#

No comments: