Sunday, December 16, 2007

Buhay may asawa #1


Nalalaloko talaga ang buhay ano? Nagtatanong na nagtatapat na sabi ni Ryan, pinsan ko sa tatay.

Sabi niya, paano nagkaanak nga siya noong Hunyo, hindi naman niya kasama. Nakauwi siya ilang linggo pagkapanganak ng asawa upang pabinyagan ang anak. Ilang libo din daw ang nagastos nila sa binyag na ang nakapunta lang ay nanay niya, kuya saka isa pang kapatid.

Magka-edad kami ni Ryan. Laki silang Tondo at dumadalaw lamang sa aming probinsya kapag nataong walang pasukan o kaya tuwing magpapa-Pasko. Natatandaan ko pa siya at ng kuya niyang si Randy na payat, at may mumunting kagat ng lamok (sa iskwater sila lumaki) sa maraming bahagi ng katawan. Hindi nila maitago ang mga iyon dahil sila’y mapuputi, na tanda rin na sila’y laki sa lunsod.

Hindi kami naging malapit na magpinsan noon dahil sa madalang nilang pagdalaw.

Saka na lang kami nakapagpalagayan nang magkita kami dito sa Canada, sa araw ng libing ng kanilang tatay. Sa mga buwan na bagong salta kami nasa Pilipinas sila ni tita. Nauna pang umuwi ang kanyang ina, at saka siya, ngunit habang nandoon ay nalaman na naming buntis ang kanyang asawa.

Sa pana-panahong pagkikita namin tuwing may pampamilyang okasyon, na madalas ay bertdey ng mga anak sa magkabilang-panig, ay nakakapagkuwentuhan kami lalo na ng ibalita kong balak ko na ring magpakasal.

At iyon na nga. Nang huli kaming magkita ay sa bertdey ng kanyang pamangkin, at bago iyon, ay sa bertdey naman ng aking pamangkin. Nagpapayo siya tungkol sa ma-prosesong paraan ng pagkuha sa asawa. Pagkat siya’y ay magiisan-taon na ding kumukuha sa kanyang asawa, at naging doble na nang mabuntis nga ito't makapanganak.

Noong sa bertdey ng pamangkin ko, habang bumabangka ako sa magic sing, at panabay na umiinom ng aking beer, nagbiro siyang iba talaga ang malayo sa asawa. Pareho kaming natawa, sa aming parehong sitwasyon.

Sa kanya’y mas mabigat ang alalahanin. Ang kanyang asawa, na swerte niyang nasamahan sa halos buong panahon ng kanyang pagbubuntis, at ang kanyang bagong silang na junior ay matagal-tagal na din niyang hinihintay.

Nakukuwento lamang sa kanya na maayos naman ang paglaki ng bata.

Nagsesenti siya noong nakaraan naming pagbisita sa kanila. Iba raw ang Pasko sa atin. Walang-dalawang isip akong sumang-ayon sa kanya. Hindi ko alam kung dala iyon na siya’y malayo sa kanyang mag-ina, o dahil malungkot ang Pasko dito sa ibang bansa, o parehong ganuon.

Iyon pala’y balak niyang magpakasal sila sa simbahan ng kanyang asawa Disyembre ng 2009. Buong pamilya ang nagbabalak na makauwi. Si tita ang nagbalita sa akin, na para na ring pag-imbita.

Ang akin naman, wala pang Pasko na nagkasama kami ng aking mahal. Umalis ako kaagad matapos naming magpakasal. Gusto ko na rin maranasan kung ano ba ang buhay na katabi ang asawa, pagkat halos yata buong buhay namin ng aking mahal ay magkalayo kami. Alam ko na ang buhay na malayo sa asawa, naiinip na akong maranasan ang maging asawa, at sa kalaunan, ay maging tatay.#

No comments: