Saturday, September 16, 2006

‘Di Natatapos ang Dapithapon

Malaya, malawak, dramatiko, magiliw, marahan, mapanuyo, mapula at samu’t sari. Hay, wala talagang katulad ang sunset sa Pilipinas.

Madalas akong tangayin ng emosyon sa tuwing minamasdan, sinasabayang lumubog ang araw sa dapithapon. Tinatangay ang lahat-lahat sa akin, mga ala-ala at damdaming ‘di mapasubalian.

Karamay mo ang buong senaryo anumang damdamin meron ka, kahit ang hanging nagmumula sa dagat at nagtutulak sa mga alon. Tinatangay nang paunti-unti ang mga hinanakit mo upang lunurin sa kabilang ilaya ng mundo na ‘di mo abot-tanaw.

Bumabalik-balik ang mga ala-ala. Masarap pagtampisawan kahit ang pinakamasakit sa buhay.

Para sa lahat, ay pasasalamat, at pangakong magbabalik. Isang pahina sa buhay ko ang muling mabubuklat na magiliw kong maikukuwento sa inyo isang dapithapon.

ISANG BUKAS NA LIHAM PARA SA AKING MAHAL

Sa mahal ko, pinakamahalaga ka sa akin. Tiyak na malungkot doon habang magkalayo tayo. ‘Di ko mapapangako ang hindi pag-iyak, kung sa ganitong paraan ay maibsan man lang ang pananabik na muling makita ka.

Naging napakabuti mo sa akin. Sa iyong pag-unawa nakakatagpo ako ng linaw sa buhay. Hindi ko matitiis na tuluyan kang mawala sa buhay ko, hindi ko kaya. Magsasara akong tila pinto, na walang pandamdam sa malungkot na pamamaalam.

Kaya kong talikuran ang lahat, pero hindi ikaw. Masaya ako na napagsisilbihan ka, napapagaan nang bahagya ang gawain mo.

Ngayo’y panatag ko nang nalilingunan ang mga pinagdaanan natin. Sa hirap at ginhawa, ika nga. Masarap isiping kasama kita sa lahat ng iyon, pinili mong harapin ang mga sakripisyo kahit napakahirap para sa’yo. At dahil dun lalo kang napamahal sa akin.

Sa tuwing minamasdan ka, napapaiyak ako. Dalisay ang alay mong pagmamahal, kaya’t ikamamatay ko kung ako mismo ang magkamali at talikuran itong pag-iibigan.

Walang saysay ang bawat sunset, kung tuluyan kang maglalaho. ‘Di ko gugustuhing antayin ang tila walang hanggang paglubog ng araw kung kinabukasa’y walang bukang-liwayway na darating, dahil wala ka na.

Umaasa akong kakayanin natin ang mga pagsubok, gaya ng dati, kung ang kapalit nito ay buhay na pinakaaasam.

‘Di kita kayang talikuran. ‘Di kita matitiis. Pagka’t hindi ko kaya. Masarap ang mabuhay at sumalubong sa mga daluyong na kasama ka.

Mahal kita ng buong buhay ko. Wala akong ibang nanaisin kundi makapiling ka, bawat sandali nitong maikling buhay.

Mag-ingat ka mahal ko…maraming dapithapon na tayong napagmasdan at ang bukang-liwayway ng bagong araw ay kumakaway sa atin sa hinaharap.


(Ang larawan ay kuha mula sa telepono, ika-29 ng Abril sa baybayin ng La Union)

No comments: