Friday, September 29, 2006

Sunken

Sunken Garden, UP. Mis ko na Yupi.

Bus, maaliwalas

Ang una kong pagsakay sa bus, maaliwalas.

Kahit manginig-mangilo ang kamay ko sa maagang sikat ng umaga, habang nag-hihintay sa loob ng 30 minutong pag-sigida ng bus.

Malinaw na malinaw ang Maynila: haragan ang mga hari ng kalsadang pinaiikot ng mga namamanginoong tsuper. At kundoktor na walang kasing tapang.

Sana'y may dyip dito, naibulong ko ng ilang beses. Dahil kung magkameron, malamang ay kanina pako nakarating sa serye ng aking biyahe.

Sa dyip o bus sa Pilipinas, magkakamukha ang mga tao. Dito'y iba-iba (madalas pa ngang higante ng ilang ulit sa akin ang mga pasahero) at palabati, lalo ang mga matatanda.

Pagsalubong ng isang maaaliwalas na araw.

Ang larawan sa bawat bintana ng bus ay tila anggulo sa kamera: malamig din ang syudad, nagkukulay-dilaw sa mga dahon ng punong naghahanda para sa taglamig, at sikat ng araw na tila 'di matapos na umaga.

Ilang ulit pa? Na mananabik sa hari ng kalsada ng salaulang lunsod?

Tuesday, September 26, 2006

pasensya-post-sa-mga-gustong-magcomment-pero-istrikto-daw-puwede-na-thank-you

Buhay

Bali-balikong daang-bakal ang buhay Pinoy. Ang nagsampirang bahay ay tanawing nasa puso ng reyalidad.

PS. Minsan ko nang na-post ang larawang ito ngunit ngayo'y ibinabalik ko upang muling tanawin

Sunday, September 24, 2006

Ibang Mundo

Lunes ngayon sa Pinas, isang linggo matapos kaming bumyahe upang mangibang-bansa.

Abstrakto pa ang lahat, mula sa kung paano gumamit ng ganto-at-ganung makinarya, at kung saan hahantong itong pangingibang-bayan.

May ibang mundo dito, 180 degri ang pinagkaiba sa alumpihit na lipunang pinanggalingan. Kung paanong nilibot ng sinakyang eroplano ang dagat pasipiko, ganun din ang layo sa mundong sinilangan.

Simula sa de-motor na gamit sa kusina. Walang gasinong lakas na nauubos dahil kuryente ang nagdidikta sa pagtimpla ng kape, paghugas ng pinggan, paglalaba ng damit, at pag-iinit ng pagkain.

Palagay ko'y sanlaksang makina ang nagpapa-ikot sa mga modernong pagawaan ng sanlaksang kagamitang 'di maubos ng mga taga-rito.

Sabi ng mga ate, mabuti't nandito kami. Ngayo'y 'di masasayang ang pagkaing sa tagal na naimbak ay sa basurahan din ang tuloy. 'Di lamang nakapanghihinayang ang pagkain, kundi ang lakas na iniambag para sa lumikha ng mga yon.

Sa umaga, parang ghost town ang buong paligid. Walang tao kang makikita, na nakatambay sa may kanto, o nagti-tsismisan sa umaga. Nakikipagtitigan ka sa mga bahay na walang buhay dahil pare-pareho lamang ang itsura.

Ni ang tanong ng cashier sa department store, "how are you? are you good?" ay malamig pa sa hangin na lalong nag-papaalala sa alinsangan ng buhay sa Maynila.

Kanya-kanya umano ang buhay dito. Malakas ang loob ng mga Pinoy dito, sa kuwento nila ate. Napagkakatiwalaan sa sipag at tiyaga. Kaya umaasenso. Pero ako, pinanabikan ko ang simpatya ng mahirap sa kapwa mahirap sa Pinas.

Nananabik na'ko kahit sa malabusaw na mundo ng mahirap sa Maynila. Kahit ganito, may santalaksang buhay na magkakakapit-kamay sa tanang rebolusyon.

Saturday, September 16, 2006

‘Di Natatapos ang Dapithapon

Malaya, malawak, dramatiko, magiliw, marahan, mapanuyo, mapula at samu’t sari. Hay, wala talagang katulad ang sunset sa Pilipinas.

Madalas akong tangayin ng emosyon sa tuwing minamasdan, sinasabayang lumubog ang araw sa dapithapon. Tinatangay ang lahat-lahat sa akin, mga ala-ala at damdaming ‘di mapasubalian.

Karamay mo ang buong senaryo anumang damdamin meron ka, kahit ang hanging nagmumula sa dagat at nagtutulak sa mga alon. Tinatangay nang paunti-unti ang mga hinanakit mo upang lunurin sa kabilang ilaya ng mundo na ‘di mo abot-tanaw.

Bumabalik-balik ang mga ala-ala. Masarap pagtampisawan kahit ang pinakamasakit sa buhay.

Para sa lahat, ay pasasalamat, at pangakong magbabalik. Isang pahina sa buhay ko ang muling mabubuklat na magiliw kong maikukuwento sa inyo isang dapithapon.

ISANG BUKAS NA LIHAM PARA SA AKING MAHAL

Sa mahal ko, pinakamahalaga ka sa akin. Tiyak na malungkot doon habang magkalayo tayo. ‘Di ko mapapangako ang hindi pag-iyak, kung sa ganitong paraan ay maibsan man lang ang pananabik na muling makita ka.

Naging napakabuti mo sa akin. Sa iyong pag-unawa nakakatagpo ako ng linaw sa buhay. Hindi ko matitiis na tuluyan kang mawala sa buhay ko, hindi ko kaya. Magsasara akong tila pinto, na walang pandamdam sa malungkot na pamamaalam.

Kaya kong talikuran ang lahat, pero hindi ikaw. Masaya ako na napagsisilbihan ka, napapagaan nang bahagya ang gawain mo.

Ngayo’y panatag ko nang nalilingunan ang mga pinagdaanan natin. Sa hirap at ginhawa, ika nga. Masarap isiping kasama kita sa lahat ng iyon, pinili mong harapin ang mga sakripisyo kahit napakahirap para sa’yo. At dahil dun lalo kang napamahal sa akin.

Sa tuwing minamasdan ka, napapaiyak ako. Dalisay ang alay mong pagmamahal, kaya’t ikamamatay ko kung ako mismo ang magkamali at talikuran itong pag-iibigan.

Walang saysay ang bawat sunset, kung tuluyan kang maglalaho. ‘Di ko gugustuhing antayin ang tila walang hanggang paglubog ng araw kung kinabukasa’y walang bukang-liwayway na darating, dahil wala ka na.

Umaasa akong kakayanin natin ang mga pagsubok, gaya ng dati, kung ang kapalit nito ay buhay na pinakaaasam.

‘Di kita kayang talikuran. ‘Di kita matitiis. Pagka’t hindi ko kaya. Masarap ang mabuhay at sumalubong sa mga daluyong na kasama ka.

Mahal kita ng buong buhay ko. Wala akong ibang nanaisin kundi makapiling ka, bawat sandali nitong maikling buhay.

Mag-ingat ka mahal ko…maraming dapithapon na tayong napagmasdan at ang bukang-liwayway ng bagong araw ay kumakaway sa atin sa hinaharap.


(Ang larawan ay kuha mula sa telepono, ika-29 ng Abril sa baybayin ng La Union)

Kayumangging paningin

Palasing-singang kayumanggi ang matang ito ng tarsier. Hindi alam ng mata ng kamera kung sa kanya ba nakatingin ang munting nilalang. Ang tiyak lang, tila sanay ang hayop sa mapaglarong lente. (Kuha mula sa telepono, Bohol, ika-20 ng Mayo)

Dear Ate Kat

Ate Ko,

Matanda ka sa'ken ng higit isang buwan lang pero magiliw kitang tinatawag na ate, dahil masarap ang pakiramdam.

Tingin mula sa malayo, ikaw ang nakakakita sa hindi ko makita noon. Ang mundo natin sa UP, sa session road, sa Cabinet Hills o sa apat-at-mabahong-sulok ng OutcroP ay lumigwak pa dahil kinaya nating tignan ang mga bagay-bagay labas sa pulitika, paloob sa isang pagkakaunawaang tayo lang ang nakakaalam.

Dangan kasi, gusto nating magsulat nang magsulat hanggang lumutang ang mga letra, salita. At pag-ibig, pag-alala, pag-iyak, pagtawa at ligaya. May hiraya ang bawat nating pag-uusap na nakatanghod sa kape o mainit na noodles.

Kung susukatin, siguro'y milya-milya na rin ang nabiyahe nating magkasama -sa paglalakad, pagsakay sa dyip o pagtakbo- katulad ng pagkakapatirang namamagitan sa atin.

Gusto kong langhapin ang dati nating halakhak. 'Di ba't mas gusto nating tumanghod sa kape, pagmasdan ang ulang malamig, o magbabad sa mga kuwentong nagsampiran sa araw-araw nating pagkikita?

Mapapabuti ka, alam ko. Pagka't alam mo kung paano ang magpasya. Maging malaya ka sana sa mga bagay na nakakapagpaligaya sa'yo.

Mahal kita, ate ko. Gusto kong lumipas ang mga araw, na hindi nagpilat ang pag-alis ko. Basta isang araw uupo na lang ako sa isang tabi, na may hawak na dalawang tasa ng kape, kasama ka upang magsalo sa mga bagong kuwento-kuwento ng ating buhay.

May hiraya ang bawat nating pag-uusap. Hinding-hindi ko matitiis yun. Babalik ako, pagkat walang ibang ateng katulad mo sa kabilang dulo ng mundo.

Salamat, salamat. Sa ating pagsusulat.

En

Tuesday, September 12, 2006

My La Union

Panahon ng pangarap, ang magiliw na pagsapit ng dapit-hapon sa baybay. Nakuwento ko na dati pang may affinity ako sa summer, sunset...etc tungkol sa araw. (Kuha mula sa telepono, ika-29 ng Abril)

Monday, September 11, 2006

Luntiang paningin

Kaya paborito ko ang green. Sa lahat ng kulay ito ang nakaka-relaks talaga. Walang gustong maniwala mga mata ko 'to. Kinunan ko 'to sa kamera ng aking telepono, at dahon ng bugambilya ang preskong kulay.

Friday, September 08, 2006

Mikase

Ako kase.

Wala, gusto ko lang na may masisi sa mga bagay na ‘di ko hawak. Kung nalulungkot ang ibang tao, nagagalit o nanliliit dahil sa mga bagay na ‘di nila hawak, ako ang dapat sisihin.

Kung puwede nga lang, inako ko na ang lahat ng masama sa paligid ko. Manlulumo ako’t maiiyak sa isang tabi, pero hihinga ng konti, iiyak ng konti, tingin sa langit, hinga ulit, at tapos na.

Kung ganun kadali ang mabuhay…
Isang linggo mula ngayon may sasambulat. Na parang bula. Mawawala.

Ako kase.

Siguro hindi na lang ako magsasalita, mas masakit sa lalamunan yun, at masikip sa dibdib. Ang pag-iyak, lalong nakaka-antig.

Sige lang, kase naman.

Saturday, September 02, 2006

Una kong Setyembre

Unang araw ng Setyembre, at malamig pa sa nakapangingilong yelo ang bumuhos sa ordinaryong araw ng Biyernes.

Dumating ang pinakahihintay; inaasahang kagulat-gulat pa rin na parang hedlayn sa pahina ng diyaryo. Ala-alang pagkasakit-sakit nung unang karanasan*, ngayon nama’y giyera-pataning emosyon na sa una’y lungkot na ‘di mapasubalian.

May birtud ang sariling bayan. Kaya nga’t ipinangako ko nang sa maraming ulit ay babalik at babalik ako kung sakali man. Ang hindi mapipigilan, bagkus inaasahan din nama’y matagal nang pinaghandaan (ngunit pagkahandang nauwi din naman sa di mawawaang lungkot, at ginhawa.)

Nagsisisi na nga ba ako? Hindi siguro. Hindi ko pa alam. Gusto kong magsilbi, hindi nga.

Sa malao’t madali, may mga pagkakataong dumarating sa isang tao. Ito’y bahagi lamang ng makitid niyang mundo. Kumbinsido na akong hindi’t hindi sa ibang bansa akoy mahihimlay. Hinding-hindi.

Pagka’t maraming dapat balikan. Itong pagbabalik na hindi pangangailangang dapat tugunan lang. Itong pagpapasya sa habang buhay na pagpapaubaya, para sa iba.

May maghihintay. Kung hindi marami, tiyak may isang gustong makapiling upang buuin ang buhay na mapagpasya.

Dito man o sa ibayo, may Setyembreng umaalis, may Setyembreng bumabalik. Kaya’t hindi huli ang unang araw kong ito ng Setyembre.

*Panaklot sa dibdib ang pagkamatay ni Kuya, na isang masamang balitang sa kawad ipinahatid sa isang ate