Una ko itong "sunset" series
Buhay na buhay ang araw, at mga katawang nakabilad dito, ngayong tag-init. Ang singasing na sikat nito, ang init na tumatagas sa buto at ang alibadbad ng magdamag ay halos magkakapanabay na dumadaloy sa ispiritu ng sinumang nais magwala at kumawala kapiling ang araw.
Tingin ko'y malamyos pa sa hanging Disyembre ang mainit na hangin ng ngayon kapag sumapit na ang gabi. Ang malamig na hangin, nakakapagpabaluktot sa gustong matulog, kung hindi pa Pasko (at kakatwang ideya na masaya habang sumasapit ito)ay hindi ka makumbinsing tumayo sa kama at sumalo sa hapag, makisaya sa pamilya.O, kahit Pasko na'y mas gusto pa nating magsumiksik sa kama at mahimbing.
Kung tag-init nama'y kahit maalinsangan, gumalaw o bumabad, ay masarap. Masayang mag-isa, ayos lang din ang may kasama. Perpekto ang maghapon kahit bumabad lang sa harap ng telebisyon (habang nakababad din sa pool...na may rhb* sa isang kamay...at komiks sa kabila)
Masarap ang buhay..
Ang totoo, paborito ko ang tag-init sa dalawang panahong mayron ang Pilipinas. Ito ang panahon ng mahaba o sumandaling pahinga, mga araw na maikli ang maghapon, malapad ang magdamag, mabilis tumirik ang araw at mabagal habang sumasapit ang gabi.
Palibahasa'y laid back akong tao, nakakapagod ang maghapon at gusto kong sulitin ang bawat sandaling makapagpahinga.
Pahinga, hinga, pahingi, paki-hinga. Kahit ang taong buryong ay umaasam niyan.Pero ako, natural akong tunganga, mahalaga sa akin kahit ang simple, pinakapayak na pahinga.
Umupo sa hagdan, mamaluktot sa mob, humikab sa presscon, sumandal sa puno, humiga sa sunken garden, humilakyab sa dyip, lahat ng paraan at panahon upang mawili sa gitna ng mainit na summer ay gusto kong gawin at walang makakapigil.
Masarap isipin na wala niyan sa States.
itutuloy
No comments:
Post a Comment