Kung may masamang naidulot ang sandaling bakasyon, yun ay ang pakiramdam na sana'y hindi na muna ako bumalik sa gubat ng Maynila.
Yung pakiramdam na hindi mo nalubos ang lahat-lahat sa probinsya. Na hindi mo pa nasino ang mga taong gustong makita, dibale nang umasa ka lang na gusto ka rin nilang makita pa upang pigtasin ang ampaw na panahon.
Liyag ng sandaling bakasyon, marahil dama lahat ng mga taga-probinsyang ang ganito. Parang aringking sa bolang kinapos sa pag-shoot ng Ginebra. Parang maaliwalas na pelikula na open-ending. Parang nasirang tono sa magaling, bet mong singer.
Hindi dismayado, pero siguradong palyado sa rurok ng ligaya, ng isang simpleng bakasyon. Hindi talaga nakakamis ang Maynila para sa mga probinsyanong tulad ko.
Pero hindi,marami pang naghihintay mabalikan..(halimbawa ang blog na to.wahaha!)
Masarap matulog sa kangkungan ng lunsod, matapos ang isang mahabang paglalakbay mula sa ilaya. Mis ko kahit pano ang kama sa Krus na Ligas :)
Kakambal siya ng tiim na pagtulog ng aking lungkot, tuwa at pagod. Kahit siguro ako magutom basta makatulog nang mahimbing, na bagay sa lahat ng walang laman ang sikmura ngunit busog naman sa pala-asang panaginip.
Buo ako sa piling ng kama ko. Naron ang Devisoryang-unan ko,ang SM-bed spread na kulay blue, ang Bohol-malong, at katabi-tabi ko ang cellphone ko (brand new :) Kumpleto ang pag-iral ng buhay, maski pano sa isang kahig na tulog habang lumilipas ang gabi.
Sa pusod ng lunsod, tulog lang ang katapat ng salaulang Maynila. Kaya't langit ang mga lansangan, ang mga bangketa at mga iskenita ng lunsod para sa isang libreng bisyo, puwera na ang istorbong MMDA.
Sa linggo ay muli kaming maglilipat ng lugar. Magiging isang masayang panaginip na lamang ang mga sandaling kapiling ng aking lumang kama.
No comments:
Post a Comment