Saturday, March 04, 2006

Pailanlang

Kung nakakapagsalita ang konfeti---kung maihuhulma nito ang hugis ng lipunan sa araw na iyon, ang hitsura marahil ay ganito: pailanlang ngunit pababa, dausdos, tila masayang manlalakbay patungo sa pagkakawatak-watak, o tila paghihiwa-hiwalay tungo sa pangmatagalang pagkakaisa.

Lalatag ang mga konfeti, dadapo saanman dalhin ng kanilang hangin. Ang kaninang isinaboy ngayo'y pulutong ng kalat sa kahabaan ng kalye. Pero ito's ekstra-ordinaryong dumi, ang pagsaboy nito ay kawangis ng tuwa, ng luha, ng tagumpay at ng pighati - ng rebolusyon- sa Edsa.

Sa kabila ng umaatungayaw na mob, abala naman kami ni Priam sa mga ambus interbyu. Partner kami sa shipping section ng Malaya, pero ngayo'y ibang dagat ang tumatangay sa amin---ang ngalit na mob na lumilikha sa alon ng atungayaw na sambayanan.

Kanina'y dinispers sa mas malawak na kalye ng Edsa ang mga militante, ilan ang nasaktan, hinuli at iditine ng mga pulis, alinsunod sa bagong kautusan ng kanilang presidente sa araw ding iyon.

Ito na nga ba ang pangatlong Edsa? Ang martsa sa Ayala, larawan ng atungayaw na sambayanan na nais likhain ang susunod na sigwa, ay natapos nang nakatirik na ang buwan. Karaniwan kapag bagong taon, ang kahabaan ay nagsisilbing langit para sa mga mahilig sa party. Ngayon ito'y magsisilbi kapuwa sa mga blue collars at sa mga hindi nakakaintindi niyon.

Ang mga sumugod sa Ayala -hapo, pagod ngunit palaban pa- ngayo'y isa isa nang umuuwi hindi upang magpahinga. Paano nga ba ang matulog na ang isang mata'y kailangang dilat dahil sa pangil ng idineklarang bagong polisiya?

Gayunpaman, darating ang umagang silang mga dilat ang mga mata'y hindi mamamatay ng ganon na lamang. Hindi, hangga't hindi idinuduyan ng isang bagong liwayway ang kanilang pagtulog.

No comments: