Friday, April 21, 2006

Takipsilim

Una ko itong "sunset" series

Buhay na buhay ang araw, at mga katawang nakabilad dito, ngayong tag-init. Ang singasing na sikat nito, ang init na tumatagas sa buto at ang alibadbad ng magdamag ay halos magkakapanabay na dumadaloy sa ispiritu ng sinumang nais magwala at kumawala kapiling ang araw.

Tingin ko'y malamyos pa sa hanging Disyembre ang mainit na hangin ng ngayon kapag sumapit na ang gabi. Ang malamig na hangin, nakakapagpabaluktot sa gustong matulog, kung hindi pa Pasko (at kakatwang ideya na masaya habang sumasapit ito)ay hindi ka makumbinsing tumayo sa kama at sumalo sa hapag, makisaya sa pamilya.O, kahit Pasko na'y mas gusto pa nating magsumiksik sa kama at mahimbing.

Kung tag-init nama'y kahit maalinsangan, gumalaw o bumabad, ay masarap. Masayang mag-isa, ayos lang din ang may kasama. Perpekto ang maghapon kahit bumabad lang sa harap ng telebisyon (habang nakababad din sa pool...na may rhb* sa isang kamay...at komiks sa kabila)

Masarap ang buhay..

Ang totoo, paborito ko ang tag-init sa dalawang panahong mayron ang Pilipinas. Ito ang panahon ng mahaba o sumandaling pahinga, mga araw na maikli ang maghapon, malapad ang magdamag, mabilis tumirik ang araw at mabagal habang sumasapit ang gabi.

Palibahasa'y laid back akong tao, nakakapagod ang maghapon at gusto kong sulitin ang bawat sandaling makapagpahinga.

Pahinga, hinga, pahingi, paki-hinga. Kahit ang taong buryong ay umaasam niyan.Pero ako, natural akong tunganga, mahalaga sa akin kahit ang simple, pinakapayak na pahinga.

Umupo sa hagdan, mamaluktot sa mob, humikab sa presscon, sumandal sa puno, humiga sa sunken garden, humilakyab sa dyip, lahat ng paraan at panahon upang mawili sa gitna ng mainit na summer ay gusto kong gawin at walang makakapigil.

Masarap isipin na wala niyan sa States.

itutuloy

Wednesday, April 19, 2006

Krus (na ligas)

Kung may masamang naidulot ang sandaling bakasyon, yun ay ang pakiramdam na sana'y hindi na muna ako bumalik sa gubat ng Maynila.

Yung pakiramdam na hindi mo nalubos ang lahat-lahat sa probinsya. Na hindi mo pa nasino ang mga taong gustong makita, dibale nang umasa ka lang na gusto ka rin nilang makita pa upang pigtasin ang ampaw na panahon.

Liyag ng sandaling bakasyon, marahil dama lahat ng mga taga-probinsyang ang ganito. Parang aringking sa bolang kinapos sa pag-shoot ng Ginebra. Parang maaliwalas na pelikula na open-ending. Parang nasirang tono sa magaling, bet mong singer.

Hindi dismayado, pero siguradong palyado sa rurok ng ligaya, ng isang simpleng bakasyon. Hindi talaga nakakamis ang Maynila para sa mga probinsyanong tulad ko.

Pero hindi,marami pang naghihintay mabalikan..(halimbawa ang blog na to.wahaha!)

Masarap matulog sa kangkungan ng lunsod, matapos ang isang mahabang paglalakbay mula sa ilaya. Mis ko kahit pano ang kama sa Krus na Ligas :)

Kakambal siya ng tiim na pagtulog ng aking lungkot, tuwa at pagod. Kahit siguro ako magutom basta makatulog nang mahimbing, na bagay sa lahat ng walang laman ang sikmura ngunit busog naman sa pala-asang panaginip.

Buo ako sa piling ng kama ko. Naron ang Devisoryang-unan ko,ang SM-bed spread na kulay blue, ang Bohol-malong, at katabi-tabi ko ang cellphone ko (brand new :) Kumpleto ang pag-iral ng buhay, maski pano sa isang kahig na tulog habang lumilipas ang gabi.

Sa pusod ng lunsod, tulog lang ang katapat ng salaulang Maynila. Kaya't langit ang mga lansangan, ang mga bangketa at mga iskenita ng lunsod para sa isang libreng bisyo, puwera na ang istorbong MMDA.

Sa linggo ay muli kaming maglilipat ng lugar. Magiging isang masayang panaginip na lamang ang mga sandaling kapiling ng aking lumang kama.