Tuesday, December 12, 2006

Untitled

Ganun pala kapag awang-awa ka sa sarili mo. Nakikisabay sa agos ng luha mo ang lahat ng nakatagong pagod at sakit, saka ka hihikbi nang pigil na pigil. Hanggang mag-umaga.

Mabuti pa nga sigurong mag-isa ka na lang muna sa mundo. Gusto mong tignan ang mundo nang diretso sa mata mula ngayon.

Marami silang umaagaw ng atensyon mo, mga problemang tinatanggap mo na lang. Hindi ka humihindi pagkat sobrang bait mo. Gusto mo lang naman ng masayang mundo, pero hindi ganun kadali. Mahirap pa sa inakala mo na basta tanggapin na lang.

Ngayon mo lamang nadama na puro hagupit ka ng mga bagyong nagdaan. At masakit, pero kailangan mong tumayo higit kaninuman, para sa sarili mo.

Nakikita mong nasa isang sulok ka lang ng mundo, at sila'y nakatitig sa'yo. Gusto mo ng pansamantalang espasyo. Kung sana'y madali lamang ang pagtakas, pero iyon ang lagi mong ginagawa. Ngayo'y kailangan mo silang titigan nang mata sa mata dahil eto ka. Eto ka lang, kung hindi mo sila mapasaya dahil sa'yong mga pagkukulang, pasensya na, pero 'eto ka lang.

At doon ka magsisimula, para sa iyong sarili. Hihingi ka ng pasensya pero hindi dahil marami kang hindi kayang gawin o pagkukulang, ngunit dahil hanggan doon lamang ang kaya mong gawin. Kung meron pa'y malugod mong iaalay sa kanila ang natitira pa, bakit hindi?

Pero para sa iyong sarili, sige hinga ka lang. Kailangan mo ding huminga, bakit ba?

Sa gayon ka higit na magiging malaya, at totoo, at masaya. Hanggang umaga.#

No comments: