Paikot-ikot nang ikot nang ikot ang mundo hanggang ika'y maidlip sa walang-hanggan.
Pero sa totoo lang, inis ka sa tuwing mangyayari yun pagkat gusto mo pang pagmasdan ang mundo---sa mata ng isang lasing. Ang hagod ng hangin sa mga dahon, ang ingay na nagagawa nuon, ang sigaw ng maliwanag na headlights ng mga sasakyan, ang senti ng kausap mo, pansin mong malinaw na malinaw ang ang kanyang mukha sa ilalim ng buwan.
Ah, masarap huminga ng malalim. Ayan,nasesenti ka na tuloy.
May mga bagay kang ayaw nang mabalikan, may mga bagay kang gustong maulit ulit, mayroon namang gustung-gusto mo nang makita, tulad ng anak o pamilyang masaya. Nangingiti ka, dahil alam mong kasing-gulo ng naghambalang na mga basyo ng bote o nagkalat na tirang pulutan, ang iyong present. Ganun talaga, ang tangi mo lang masasabi, tungkol sa buhay.
Gusto mo ang hangin sa labas. Gusto mong naaabala ang iyong mga mata sa ibang tao. Gusto mong ibaling ang iyong senti. Pinipilit mong maging dramatiko ang bawat mong makita, parang MTV o kaya naman eksena sa telesine. Maglalakad-lakad ka, at aaktong normal ang lahat.
Ilang tao ba ang lasing ngayon at nagsesenti din tungkol sa pag-ibig? (ano pa nga ba). Masarap din balikan ang mga pagsisimula at pagtatapos ng bawat isa mong pag-ibig. Mangingiti ka na lang sa mga kumplikasyong pinagdaanan mo at kung gaano ka kasaya (o kalungkot) at dumating ka sa punto ngayon na inaalala mo na lamang sila.
Hindi ko masisisi ang ilan na gusto lamang uminom para kunwari, mawala ang hinanakit sa pag-ibig. Kung may mas madaling paraan lamang para sa isang manginginom kaysa alak. Gaya ng pagsusulat.
Sa dulo ng isang araw, gusto mo ring uminom dahil pakiramdam mo'y pagod na pagod ka. Nakakapagod ang paulit-ulit mong ginagawa. Nananakit ang iyong mga kalamnan, mahapdi ang iyong sikmura sa gutom at lupaypay ang buo mong kaluluwa, sa pagod. Sa atin sa Pinas, masarap ang may inuuwiang pamilya. Salu-salo kung anuman ang magkasya sa hapag. Saka isang litro ng coke, ayos na tayo.
Ang ibang pagod at walang inuuwian kundi sarili, parang nauubusan ng lakas pag-uwi. Gusto lang kumain saka mahiga, ang iba'y gusto na lang humiga hanggang-hanggang.
Ang iba, sinasagad ang araw sa pag-inom kahit isang bote ng beer. Hanggang sila'y makatulog sa hilo at lungkot.#
No comments:
Post a Comment