Friday, June 23, 2006

Awiwang

Awiwang – ang tahimik na pananatili ng bangka sa dagat – ang bago kong likhang salita.

Ang bentahe ng Pilipinong gumagamit sa sariling salita, mkalikha ng sandaa’t sanlibong salita mula sa tumpok ng mga lingwahe sa tinubuang lupa.

Ang pakiramdam na nasa dagat ka. Sa isang pisngi ng mundo, sumasalubong sa mga daluyong ang pangamba – na baka tangayin ka sa ilaya at hindi na makabalik pa sa pampang. Sa isang kumpol ng pino, madalas magaspang, itim at mas aliw na puting dalampasigan ng buhangin, ay naron ka’t bahagi ng isang-tinakpan.

Hindi mo ito pag-aari, o ng iba kahit sabihing may papel ang iba para sa patunayan ang kanilang pag-angkin.

Ang mas matindi, pangamba na kitlin ka ng hindi mo nakikita pagsapit mo sa pusod ng dagat. May isang araw, o maraming oras ka upang ariin ang isang malaking tipak ng langit, pero dahil hindi ito ultimo iyo, may ibang malayang makakagamit nito.

Malaya ka sa isang wagas ng pagtatampisaw. Malaya sa tila walang wakas na pag-iyak. Malaya ka sa isang isla.

May pagpipilian sa kabila ng lahat. Ang manatili sa bangka, at hayaang lunurin ng awiwang – awit na karugtong ay payak, tahimik na pahinga sa pusod ng dagat at mundo. Kung yari sa papel ang bangka’y may maliliit na lungkot na puwedeng paandarin at hayaang lunurin sa malalim na dagat.

Kakambal ng awiwang ay ‘di mahagip na sikat ng araw, ang bato’t tila hininga ng higanteng mulalang hangin ng dagat at ang magiliw na imik ng tubig-dagat. Lahat ay mahimbing na umiindayog sa tugtugin ng awiwang.

Panatag at masaya, yan ang pakiramdam ko ngayon. Mas simple ang mga bagay, mas taimtim ang pahinga at mas may paraang upang humanap ng kabuluhan sa mundo.

Yan ako, pansamantala.

No comments: