Friday, March 24, 2006

Sambot

Dumadaan sa maraming ritwal, at libel ng paghahanda ang isang kaluluwa bago niya marating ang sukdulan.

Habang daan, mamamaypay ka muna, Daniel. Dahil kasi'y napagod ka sa pag-iwas sa mga buwitre sa iyong likuran, harapan at paanan habang ikaw ay naglalakbay. Pinili mong iwasan sila, kaysa kastiguhin sa kanilang pagbabalat-kayo.


Palibahasa, mahirap makakita ng gintong panaklong sa iyong unti-unting pagpailanlang.

Nung isang araw, abalang idinudukwang ni Petra ang kanyang litanya laban kay Maria. Sa kabilang linya ang kaibigang si Nena, ay sulsol na ang muwestra'y tila isang maestra at hindi alila. Rigodon ng mga panlalait, palabok ng maiinit na tsika.


Muntik nang lumubog ang araw kaya't pinili ng dalawa na huminga pansamantala.

Pilit ang aliwalas na mukha ni Maria habang papunta sa baile ng bayan kinabukasan.Paano?Naunahan siya ng dalawa kay Manuelito na, mailap pa sa kabayo kung magpakita sa mga nagsusumamo...nang magkita ang tatlo, ulit ay tila bulang napawi si kabayo..ehek si Manuelito.Maaaring normal ang lahat sa kanilang pag-aakala...sa kinang ng napawing bula,ngunit ang bula ay bula pa rin hanggang huli.


Hungkag hanggang sumabog sa kawalan.

Matinik ang daan sabi ni Daniel, at nangako siyang tatapakan ang mga ito upang sa kanyang pagdurugo ay gumapos sa kanyang talampakan ang simoy ng isang malayang nilalang...

PS: Tungkol sa totoong mundo, ito'y kahalintulad nito.Sa kasamaang palad, iiral pa rin ang isang bagong henerasyon (ng mga manunulat?) upang silang nilamon ng dilim ay tuluyang lumaya at kumawala.

Saturday, March 04, 2006

Ang maging tatay sa daang-bakal: Macho man naglalaba rin
Kakambal ng daang-bakal ang mga nagsampirang buhay doon. Isang tagpo ito sa mahabang daan tungo sa ilang.

Pailanlang

Kung nakakapagsalita ang konfeti---kung maihuhulma nito ang hugis ng lipunan sa araw na iyon, ang hitsura marahil ay ganito: pailanlang ngunit pababa, dausdos, tila masayang manlalakbay patungo sa pagkakawatak-watak, o tila paghihiwa-hiwalay tungo sa pangmatagalang pagkakaisa.

Lalatag ang mga konfeti, dadapo saanman dalhin ng kanilang hangin. Ang kaninang isinaboy ngayo'y pulutong ng kalat sa kahabaan ng kalye. Pero ito's ekstra-ordinaryong dumi, ang pagsaboy nito ay kawangis ng tuwa, ng luha, ng tagumpay at ng pighati - ng rebolusyon- sa Edsa.

Sa kabila ng umaatungayaw na mob, abala naman kami ni Priam sa mga ambus interbyu. Partner kami sa shipping section ng Malaya, pero ngayo'y ibang dagat ang tumatangay sa amin---ang ngalit na mob na lumilikha sa alon ng atungayaw na sambayanan.

Kanina'y dinispers sa mas malawak na kalye ng Edsa ang mga militante, ilan ang nasaktan, hinuli at iditine ng mga pulis, alinsunod sa bagong kautusan ng kanilang presidente sa araw ding iyon.

Ito na nga ba ang pangatlong Edsa? Ang martsa sa Ayala, larawan ng atungayaw na sambayanan na nais likhain ang susunod na sigwa, ay natapos nang nakatirik na ang buwan. Karaniwan kapag bagong taon, ang kahabaan ay nagsisilbing langit para sa mga mahilig sa party. Ngayon ito'y magsisilbi kapuwa sa mga blue collars at sa mga hindi nakakaintindi niyon.

Ang mga sumugod sa Ayala -hapo, pagod ngunit palaban pa- ngayo'y isa isa nang umuuwi hindi upang magpahinga. Paano nga ba ang matulog na ang isang mata'y kailangang dilat dahil sa pangil ng idineklarang bagong polisiya?

Gayunpaman, darating ang umagang silang mga dilat ang mga mata'y hindi mamamatay ng ganon na lamang. Hindi, hangga't hindi idinuduyan ng isang bagong liwayway ang kanilang pagtulog.