Friday, November 24, 2006

Oyayi para kay Nanay


Kung babalik lang ang mga taon, kung puwede lang hilahin pabalik ang panahon, siguro'y ginawa ko na.

Mga panahon kung saan higit na nadama ni ina ang saysay niya sa mundong ito. Ang papel ng isang karaniwang nanay na buong puso niyang sinarili hanggang bawat isa sa kanyang mga anak ay magkayapak at kusang maghanap ng kanilang mga pugad.

Siguro'y isa-isa niya kaming tinititigan kapag nakahiga kaming parang hinilerang lumpiya dati sa pagtulog. Siguro'y iniisip niya kung magiging ano kami paglaki. O paano kami kinabukasan kung walang maisalang sa hapag-kaninan. O magpasalamat dahil dumating kaming lahat sa buhay niya.

Tinatapik-tapik niya ang sa may bandang puwitan ko, para lamang makatulog. Minsan may kahalo pa iyong kanta. Kung sa ilang paslit kailangan niyang gawin iyon, hanggang sa siya ang pinakahuling mahimbing. Siya rin ang mauunang magigising kinabukasan, para asikasuhin ang mga ate. Si tatay ang pinakahuli, buhat sa pagtatraysikel sa nakaraang madaling-araw.

Kung ano ang tira sa nakaraang gabi, siya niyang ihahanda sa umagahan. Madalas, tuyo na may kamatis, o pritong itlog at pan de sal, at sinangag. Higit sa lahat, may mainit na kape sa dambuhalang tasa para sa lahat.

Si nanay ang kamay na bakal sa bahay. Namamalo at nanghahabol ng pamalo. Makirot ang kanyang kurot. Basta siya ang bosing sa bahay, hindi si tatay.

Binabaha kami parati pagsapit ng tag-ulan. Doble-doble ang hirap nuon para sa kanya. Kailangang iakyat ang lutuan, ang mga pagkakainan, ang pansamantalang palikuran, kung maaaring ang buong banggerahan ay kaya niyang buhatin siguro'y gagawin niya. At ang kanyang mga halaman, kailangang maiwan at mababad sa baha. Basta't lahat kami ay ligtas na nakasampa sa aming munting dampa hanggang humupa ang baha.

Kapag ganitong umuulan at kahit ang elementarya's binabaha rin, lumalakad siya upang sunduin ako. Malakas ang hangin at ulan, ngunit nasa labas siya ng aming kuwarto hinihintay na matapos ang klase. Kung swerteng masalubong si tatay ay makakalibre kami ng sakay pauwi. Kundi ay lusong kami sa baha, ulanan at malamig na haplit ng hangin hanggang bahay.

Siguro'y ipinagmamalaki din niya ako kahit paano. Sa buong panahon ko sa elementarya at hayskul ay lagi siyang umaakyat sa stage upang magsabit ng medalya. Mas sa kanya ang karangalan at hindi sa akin. Nakakatawa, si tatay ang umaangkin sa minana ko daw na talino niya.

May panahon ding nagloko si tatay. Mabigat na dinala iyon ni nanay. Doon ko natatandaang nagsimula siyang maging sumpungin o magagalitin. Dinadaan sa sigarilyo o beer ang dinadalang hinanakit.

Ngunit noon din siya nagpasyang kumayod nang siya lamang upang itaguyod kami. Nagtinda siya ng balut, katu-katulong ang dalawang ate. Minsan ako ang nagbabantay, dalawang puwesto sa harapan ng botika sa bayan. Pagkat paslit ay nahihiya pa akong gawin ito, na baka makita ako ng mga kaklase at maharap sa tukso.

Hindi ko tuloy matandaan kung paano kami nagkikita kapag umaga na. Darating siya ng madaling araw na, sila ate ang mag-aasikaso sa agahan, at kami naman ay diretso iskwela. Habang lumalaki kami'y naiiwan siyang mag-isa sa pagtitinda. Ang mga ate ay may kanya-kanyang trabaho upang iraos ang pagkokolehiyo. Hanggang lumuwas sila sa ibang bansa at nahinto ang pagtitinda ni nanay.

Lumipas ang mga taon at pati kami'y nasa bansa ngayon.

Sabi niya'y di tulad ng dati, hindi na siya makangiti tuwing umaga. wala siyang halamanang tinutubigan pagkagising. Wala siyang katsismisan sa maliit naming patio dahil hindi uso ang tsismisan dito. Higit sa lahat hindi na niya iniintindi ang aming bunsong kapatid. Ngunit makakapagtiis siya, hanggang dumating ang panahon ng pagbabalik. Narito ang lahat ng kanyang kailangan, mas magaan kung tutuusin ang buhay dito, ngunit wala dito ang mga kailangan niya upang madamang buhay siya sa araw-araw.

Ipapasyal ko si nanay bukas, sa araw ng sweldo ko, kahit hindi siya mamalikmata sa bago niyang makikita.#

1 comment:

Anonymous said...

Ano ang Oyayi?