Siguro, maraming maraming oras ang nasasayang ng mga tao sa pag-iisip tungkol sa buhay.
Ako, maupo lang ako sa bus, tumutulay na sa isip ko ang kasalukuyan kong buhay. Uminom lang ako ng kape sumasabay sa halimuyak ng caffeine ang mga pinagdaanan ko. Manood lang ako ng korning pelikula nagsesenti ako sa buhay. Lalo pa kapag nakakainom ako ng paborito kong beer (rhb, koda o daglit sa red horse beer).
Kapag nataon na may masayang pag-uusap, yung tipong tila nadadama mo lahat ng senses sa katawan mo, napapaisip ka sa buhay. Ako, medyo alangan akong sumobra sa mga sasabihin, may konting editing pa. Minsan naman kapag ganun kasarap ang usapan, nawawalan ako ng pakialam sa nangyayari sa paligid at parang flash ng kamera, nakikita ko ang bawat eksena ng buhay ko.
Kanina, nagsusumbong ang pamangkin kong lalaki. "Im having a bad dream," humihikbi pa siya. Tinanong ko kung gusto bang nasa kuwarto niya ako hanggang makatulog siya. Um-oo naman. May malamlam, mapag-ala-alang lights na meron siya sa kanyang kuwarto.
Habang nakahiga sa tabi niya, naalala ko ang kaparehong mga ilaw na ganuon. Ilaw ng gasera, ang makislot na ilaw na nabubuhay lamang sa mga bahay na walang kuryente.
Sa dulang, nagsasalo kami nuon nila nanay at tatay, buong pamilya dahil wala pa kaming kuryente. Napapamura ako ngayon dahil wala akong mahagilap na malinaw na ala-ala tungkol diyan, pero tiyak kong minsan tulad ng dati, kumakain kami ng buong pamilya sa harap ng gasera. Ang mga ate, ang kuya, ako, si bunso at sila nanay at tatay.
Ngayon, may kanya-kanya na kaming buhay. Ako, tulad ng dalawa ko pang ate, pilit lumilikha ng sariling buhay.
Nagdadamdam si nanay, dahil si Ate Vina, ang pangatlong panganay na anak, ay nasa ibang probinsya dito sa Canada at tila wala nang balak bumalik pa dito sa Red Deer. Gusto ng unang dalawang panganay na ate, na sana andito kasama namin siya nila tatay at nanay, na bagong salta lamang. Para daw makapagsarili kami, makabili ng bahay o anuman. Sa akin, gustuhin ko man na andito siya, may sarili siyang buhay na kailangan niyang pagpasyahan. Naiinggit tuloy ako sa mga puti minsan, pagkat kusa silang umaalis sa kanlungan ng tahanan pagsapit ng 18 taon, habang tayo'y magkapamilya na't magkasariling apo'y sama-sama pa rin sa iisang bahay.
Paano na nga ba sila nanay at tatay ngayong may tinatahak nang mga sariling buhay ang kanilang mga anak? Alin na ngang pahina ang sunod nilang dapat puntahan? Ah, babalik at babalik sila sa pusod ng luma, munti naming tahanan.
Babalik din naman kami isang araw sa tahanang iyon. Kaming lahat, magulo, maingay ngunit masaya. Masayang-masaya sa mga pinili naming buhay. At pagdating ng panahon na iyon, sila nanay at tatay naman ang mapapaisip ng buod ng pinili nilang buhay...mangingiti sila.
Naiisip kong magsarili na, 2 buwan matapos kaming lumuwas dito. Sabi ko sa girlfriend ko nung isang araw sa email, "I'm happy about myself, gusto ko lang maging simple alam mo un. Kilala mo naman ako diba? kung isusummarize ko lang ang sarili ko that would be: 1. laid back 2. simple 3.anti-social 4.deviant 5.carefree 6.malapit sa maliliit na tao. pagdating sa pagmamahal, i am 1. loyal 2.mapagtiis 3.thoughtful 4.committed. pagdating sa mga gusto kong gawin sa buhay 1.magsulat (my part of reb) 2.maggitara 3.kumanta 4.mag-beach 5.magkape 6.uminom ng beer 7. manuod ng movie.pagdating sa pamilya ko, i can be caring but i can take them forgranted and just mind myself (but most of the time, hindi ko sila matiis) at the same time."
Ang punto, ito ako at ito ang buhay ko, ngayon. Malungkot ang pansamantalang pagkakalayo ng mga pamilya sa totoo lang. Ibang usapin din naman kapag nanay ang nahiwalay upang makapagtrabaho lamang sa ibang bansa, o maski tatay. Ngunit kapag anak ang humiwalay (mag-aral sa malayo, maghanap ng trabaho sa Maynila, mag-OFW muna, mag-seaman etc.) marahil iyon na ang simula ng kanyang pagpalaot.
Kung sa sarili kong anak, siguro magdadamdam din ako. Ilang taon mong kapiling, umiyak sayo't humilig sa balikat mo pagka't siya'y natututo sa sariling mga problema, ngayo'y aalis upang hanapin ang sariling buhay.
Naalala ko tuloy ang linyang "ang anak ay hindi mo anak, siya'y anak ng panahon etc." sa pelikulang dekada sitenta. Siguro nga'y masakit na masakit na tanggapin iyon ng isang magulang. Ngunit dahil ako'y isa pa lamang anak, magpapasya ako batay sa gusto kong kahinatnan ng sarili kong buhay sampung taon mula ngayon.
Ah, buhay. Ang mahalaga'y buhay pa ako't humihinga. Gusto ko lang madamang buhay nga ako't nakakapagpasya.
Simula ngayon, may sumpa ako sa buhay. Ilang taon na nga ako? Beynte-kuwatro. (Inis ako lagi sa mga matatandang nagsasabing batang-bata pa ako). Tatakdaan ko siya kung ano ang dikta ng aking pandama. Ayokong intindihin ang pakiramdam ng malaking pagsisisi ng iba dahil hinayaan nilang may magpaikot ng sarili nilang buhay, ayokong dumating ako sa puntong iyon. May mga nagsasabi ring, may sariling isip ang panahon at mga pagkakataon.
Ha'mo ang panahon na manggulo sa buhay ng may buhay, pagkat yan ang kanyang papel sa buhay. Sa kadulu-duluhan, muli kang mag-iisip tungkol sa buhay mo. Naging mali-mali man ang pasya mo, mas malaki mang bahagi ang malungkot at miserable, posible pa ring may makita kang munting saya.
Ang sabi nga, ang importante ay buhay ka pa't humihinga. Walang huli pagka't di naghihintay ang iyong katapusan.#
No comments:
Post a Comment