Parang nalulunod ka sa lungkot na inilulutang sa saya. Naka-drugs kang parang hindi. Tila gusto mong magwala, itapon sa kadulu-duluhan ng mundo ang lahat, ang sarili mo pati. Maiiyak ka, marahil sa sobrang lungkot o saya, sa iyong kababawan. Pero higit sa lahat, sa ganitong state yata higit na naging malaya ka sa isip at kaluluwa.
Sabi ni Gelen*, sobra daw ako sa toma. Mapag-aya, o madaling maaya, o kaya naman nandadaya para lang makatagay.
Depensa ko naman, hindi ako lasenggero. Gusto kong uminom pero hindi araw-araw. Iinom kung kelan nasa mood. Kung may usapan, at hindi ako ang aareglo sa pantoma, sige lang ako. Kung kailangang pumatak, papatak kahit singko.
Usapin ng pera ang dispusisyon ko sa pag-inom. Nung nasa Maynila pa ako't salat na salat ang pera, madalang akong tomoma. Kapag trip lang, pampadulas. Pampamanhid sa kabaliwan ng buhay. Hindi naman pagtakas, lalo kung hindi naman madalas.
Ayoko ng inom sa bar, o disco dahil maingay, at binibilang mo ang boteng kaya ng bulsa mo. Kung mag-uusap kayo'y sigawan. Walang consistency ang ilaw. Madalas malikot, madilim at mapanlinlang sa totoong dama ng kausap. At, mahirap kausap ang cellphone ng kung ilang oras din, habang nag-aapuhap ng mapag-uusapan. Sa kumustahan, at kuwentuhan sa kung anu-anong nangyari kamakailan lang, hanggang dito lang ang nararating ng usapan.
Mas gusto ko ng toma na sa bahay lang, o habang nanunood ng senting pelikula. Mas gusto ko ng inom habang naliligo sa beach o pool. Mas gusto kong uminom ng mag-isa. Mas sanay akong uminom sa bote mismo at hindi sa baso. Tila unti-unting pagkilala sa ispiritu ng beer, habang unti-unti ring humahalo sa'yo ang kalasingan.
May inom kami ni Jopes na sa tindahan lang. Dalawang beses iyon minsan na buryung na buryong kami sa bahay. Maalinsangan at masarap magpalamig sa labas. Alala ko pa nung unang inom namin sa isang tindahan sa Krus na Ligas dahil in-indian kami ni Agatha. Yun pala'y naipit ito sa isa pang inuman bago sa oras ng aming usapan.
Alala ko din yun pagkat duda kami sa anawnsment niya nung gabing iyon, na sila na ng kanyang sinta ngayon. :)
Higit na natatandaan ang mga tomang may komedi. Marami noon nung nasa UP pa ako habang tumatanda kasama ng nagisnang barkada. May naglulupasay sa hagdan, may gustong umakyat sa rebulto ni Bonifacio, may nagda-dive sa mesa, may humihiga sa kalsada, may halatang nanananching at marami pang kakyemehan na sa inom lamang nailalabas.
At siyempre. Ala-ala ng mga inumang nagpapaiyak. (Part two yan)
RHB ang paborito kong inumin. Swabe sa lalamunan lalo kung malamig. Manlalaban ka sa mabilis na pagkalasing. Nakakadalawa lamang ako't lumilikwad na ang aking bituka. May sariling hilo ding nilalabanan ang mga tuhod. Makatatlo ka'y iikot na ang iyong mata sa antok at kalasingan.
Ito ang state na ayaw na ayaw ko sa inuman. Kaya't gusto ko ng inom na may pinagkakaabalahan. Hindi rin epektib sa akin ang pagkanta o videoke, pagkat pumapangit ang boses habang sinasagad ang inom.
Talagang nakakasuka ang pagsusuka. Parang metro mo iyon na tanda ng iyong limitasyon. Hindi alam nila Gelen, ngunit dalawang bote lamang ng red horse ay nasusuka na ako't pilit na pilit ang pag-aktong normal at wala pang tama. Alin sa dalawa, magaling akong uminom o magaling akong umarte.
Pinakamasarap laging inuman kapag si tatay ang ka-one-on-one ko. Tatay at anak, maski paano'y seryoso ang pag-uusap at may pagka-heart-to-heart. Siguro'y kay tatay ko namana ang hilig sa beer.
Pero siya, mapili sa inumin. Gusto pa yung stateside. O basta inuming de-klase kahit hindi siya sanay dito wala siyang dalawang-isip na inumin.
Ah, pag-inom. Nung nakaraan lang, bahagi ng summary ko ng mga gusto kong gawin sa buhay ang uminom ng paborito kong beer---kasabay ng mga simpleng pangarap na magsulat, maggitara, mamuhay sa beach, magbiyahe...
Masama bang gustuhin ang isang simpleng bagay lang? Ang matandang manunulat ngang si Nick Joaquin, kaulayaw ang kanyang paboritong beer habang pinapanawan ng sariling ispiritu.#
Tagay ito kay Kuya, na tiyak na umiinom ngayong araw na kanyang kaarawan.
No comments:
Post a Comment