Sa bahaging ito ng mundo, 'di lang mahirap ang gumising sa isang natural na tamad. Ang naninigas na ugat, lalong maninigas, habang dumadapo ang santalaksang tinatawag na snow pagkatapos na pagkatapos ng taglagas.
Pero kailangang salubungin sa nakakapanginig na lamig ng umaga ang hinayupak. Ni hindi ko inasahan, hindi ko man lang napaghandaan. Ganun marahil ang pakiramdam ng ekstra-ordinaryo---hindi mo pilit masalubong dahil, iyon na nga nilalamig ka na. Wala kang maisip na iba dahil ang utak mo, naghahalukipkip din sa nginig. At kamay pati, 'di mapakaling makatagpo ng mainit na bahagi ng katawan.
Naisip kong magpayong. Bakit hindi? Sa science class, ulan din naman ang snow. Ang diperensya lang, ang mga butil na dapat sana'y tubig ay yelong bumabalot sa buong paligid. Natutunaw din at nakakapamasa sa katawan. Kung nagkataong mayron ako, mabilis pa sa alas-kuwatrong nakatingala yun sa langit, mapagtawanan man.
Namumutiktik sa puti ang paligid. Dumaan ang kotse't maski sa sinag ay mumunting tila mumo ng kanin ang bumabagsak. Puting kanin! At mga magsasaka, siguro'y hindi na sila kailangan pang magbabad sa linang upang makapag-ani. O tanging suyod na panghagod sa mga kakanin sa umaga, tanghalit gabi.
Habang maghapon ay patingin-tingin ako sa labas. Sa loob-loob ko, 'di maalis ang pag-aalala. Anong gagawin ko sa hinayupak? Anong hindi ko kayang gawin? Paano kung lumakas pa't maging dambuhalang tila bato na? 'Di ba magtatapos ang araw na titila din ito tulad ng malakas na ulan sa Pinas? O tuluy-tuloy na akong matabunan ng ekstrangherong kung tawagin ay snow?
Nasa ibabaw ka ng mundong yelo. O kiniskis na yelo para sa halu-halo. Ang langit samantala, ay madilim din tulad ng sa paparating at nakalipas na ulan. Ang kalamnan maging sa'yong talampakan ay nanginginig din na tila laman ng isdang inimbak sa yelo ng ilang buwan.
Naninikip din ang hininga, dahil malamig na hangin nasasagap ng ilong at ibinubuga. May mga bahagi sa katawanan na tila naninigas na, at kailangan nang umabot sa pupuntahan upang mainitan.
Gaya ng nasabi ko na, paborito ko ang tag-init. Kahit nanlalagkit sa singit at kile-kile ayos lang dahil pinakamasarap ang malamig na inuming tubig. Iba pa rin ang halumigmig sa sariling bansa, ang simoy ng Paskong paparating.
Kanina'y payak na ambon na lamang ang sumasalunga, pauwi ako. Napansin kong tapos na nga pala ang paninilaw ng mga puno sa lunsod, na senyales ng paparating na puting unos.#
No comments:
Post a Comment