Matagal ko nang gustong alayan si kuya ng aking kuwento. Ngunit mas alam niya ang kuwentong ito, 'di pa man nasisimulan.
Dahil siguro magbibisperas na naman ng Nobyembre 1. Tipikal na Pinoy: sa tuwing araw ng mga patay lamang nakakaalala sa lumipas na kaanak, mas nagdidiwang kaysa nagluluksa pagkat ganun ang mga Pinoy. Sa kabilang banda, lagi kong naalala si kuya. May mga panahon pa ring bumabalik ang pakiramdam ng nawalan, hindi lang ng kapatid higit, ng kuya. Ng mas matibay na masasandalan.
Hindi marupok si kuya. Pagkat unang lalaki sa pitong magkakapatid, natural na kamay na bakal ang turing sa sarili. Nasusunod ang gusto, napapa-oo ang lahat dahil siya ang panganay na lalaki. Dinadaan sa tipuno, sa sindak ng boses at sa simpleng katotohanang siya ay matanda, kaya't may sinasabi sa bawat desisyon ng pamilya.
Ang totoo, may mas higit na panganay na lalaki sa kanya. Dangan lamang at namatay sa maagang edad na 3 taon, dulot ng kumbulsyon na 'di agad na naagapan nila nanay sa hirap ng buhay. Siya si Dennis, si Kuya Dennis.
Kapag nagmamarakulyo si kuya, dala madalas ng kalasingan, hinahanap niya si Kuya Dennis. Sinisisi niya ito sa maagang pagkamatay. Nanghihinayang siya sa maaaring nagawa niya upang mapigilan ang pagloloko ni tatay. Iniiyakan niya ito kahit hindi niya naabutan nang buhay, pagkat si Kuya Dennis ang pinaka-panganay sa aming magkakapatid. Tila siya nagluluksa; ngunit pagluluksa 'di dahil sa kuyang namatay kundi sa kinahinatnan ng pamilya.
Malambing si kuya, nasa loob ang bait. Masayahing tulad naming lahat, mapagbiro at may sariling paraan ng pagpapakita ng pagmamahal. Bagama't nakatapos ng marine engineering (o seaman), sa construction worker siya nakadidiskarte ng pera. Sa maliit niyang kita linggo-linggo, ay nailalabas niya ang buong pamilya sa Jollibee. Walang ibang nakakagawa nito sa magkakapatid kundi siya lang. Nagbibigay din upang punan ang mga kulang sa padala nila ate, na kapwa OFW na noon sa Hong Kong.
Alam ko ang saya ng may kuya. Sumusuporta sa mga hilig ko, namimili minsan ng gamit at nanlilibre sa sine. Hindi ko alam kung kahit minsan ba'y napasalamatan ko siya sa bawat pabor na ibigay niya.
Kasabay nito, ay madalas siyang mapaaway, maghamon ng layas sa bahay at malasing. Kaya't takot ang namayani sa akin (sa amin) sa tuwing siya'y ganito.
Naalala ko noong huling araw ko siyang nakitang buhay. Birthday ng isa kong pinsan at umuwi ako mula UP (sa Baguio) pagkatapos ng ROTC. Naalala kong binati niya ako sa Ingles, "There's my brother." Pasuray-suray pa siya sa pinto ng kusina, hindi ko alam kung nasagot ko ba siya. Iyon na ang huli.
Hindi na siya kinagabihan. Si nanay, pagkat siya nga ang may anak, ay may ibang kutob sa sarili. Nang hindi bumalik kinagabihan, madaling araw ay pinaghanap sa mga bahay sa kabilang kalsada. Ang tangi niyang nakuha ay ang tsinelas na gamit ni kuya nang umalis nang nakalipas na gabi.
Alas-onse. Dumating si nanay na umaatungayaw habang nasa banyo ako't naliligo. Jong, jong awanen ni manong mun...nakita da kanu nga natay idya'y pa-yas... (Wala na si kuya mo, nakitang patay sa may ilog). Nanginginig akong lumabas, lito sa dapat isagot o itanong. Lumabas ako ng bahay at sa kalsada'y naglipana ang mga kabaryo. May isang nagtanong kung may kuwintas daw ba si kuya na ganito, at tinuro nga kung saan ang bangkay na nakita.
May inanod na bangkay ilang metro din ang layo mula sa pinagliguan ni kuya. Kaya ipinagtanong pa kung si kuya ba iyon ay dahil alsado na ang katawan ng bangkay, at may mumunting kagat ng isda sa iba't ibang bahagi ng katawan. Lito ang atungayaw ni nanay, ipinagtatanong kung ano ang gagawin sa bangkay.
Sumama ako sa isang tito upang tingnan ang bangkay. Ngunit tumanggi akong lapitan sa mismong pampang kung saan itinabi ang bangkay upang kunan ng awtopsiya. Ang tito ang tumingin at kahit siya'y hindi niya makilala si kuya matapos ang kinahinatnan.
Ako ang naatasang magbalita kay ate, isang tita ang nagkusang magbalita sa mga ate sa abroad, habang ang isa ko pang ate ay walang malay na nasa biyahe pauwi sa amin mula Maynila.
May malaking bukol, mahapdi, mainit na nakakasugat sa lalamunan tuwing pinipigil ko ang iyak. Lalo sa tuwing makikita ko si nanay na tulala, o nasa may pinto, may hawak na larawan ni kuya at tinatawag niya ito ng paulit-ulit. Nang paulit-ulit hanggang mamaos sa magdamag.
Paulit-ulit din, na sa bawat bisitang dumaan sa burol ay ikinikwento ni nanay ang mga huling ala-ala niya kay kuya. Ang mga pagsisisi niya, ang mga panghihinayang ng mga tao sa maaaring nagawa pa ni kuya. Mula noon ay lagi nang gustong nakatitig sa labas ni nanay tuwing maghahapon, at umiinom ng isang bote ng serbesa bilang pampalimot.
Ngayo'y suot-suot ko ang singsing ni kuya, ang tangi kong ala-ala sa kanya. Sa tuwing may magtatanong kung kasal o engaged na ako, sinasabi kong sa namatay kong kuya ang singsing.
Bente-tres anyos siya nang pumanaw, dapat sana'y magbebente-nuwebe siya sa ika-27 ng Nobyembre.
Gaya niyang nagluksa sa panganay naming kuya, naiisip ko pa rin siya at iniiyakan. Hinihingan ng payo o tulong kung nasan man siya ngayon. Pagkat siya'y aking kuya, hanggang-hanggang.#
No comments:
Post a Comment