Marami na daw ang namatay sa lungkot. Nalulungkot ako para sa ibang tao, at para sa sarili.
Kapag tinititigan ko si nanay, alam kong malungkot siya. Naaalala niya si iyong, ang bunso niya anak, baka kung napano na siya ngayong milya-milya ang layo nila ngayon. Malungkot din siguro si tatay, o buryong na sa dinatnang buhay dito sa ibang bansa.
Minsan nasabi ni nanay, mas mabuti pa nga siguro na nasa Pilipinas siya. Dito, hindi niya kailangang problemahin ang lulutuin sa maghapon, ang tangi niyang problema (na mabilis niya ding natututunan) ay maghanda ng kakainin gamit ang mga de-motor sa kusina. Mas magaan ang buhay dito, pero nananabik siya sa kinamihasnang buhay sa Pilipinas.
Dati, madalas din siyang malungkot. Malayo kami sa kanya, at sa tuwing nakatitig siya sa labas ng bahay tuwing gabi, alam kong iniisip niya ang namatay kong kuya bilang pampalipas oras. Kung ilang araw din sa loob ng ilang taon niyang dinadala ito.
Tuwing bumibiyahe ako pauwi mula sa kolehiyo, pakiramdam ko'y dumarating ako upang iligtas siya sa kalungkutang iyon. Lingguhan kung umuwi ako galing U.P., upang kumuha lamang ng allowance at maglaba ng damit.
Sa tuwing ganito, mauupo kami at magkukuwentuhan. Pero mas madalas na siya ang naglalabas ng mga saloobin niya. Tungkol sa asawa, sa bunso naming kapatid, at mga bagong tsismis sa baryo. Ang lagi kong inuungot sa kanya, ay magluto ng gulay na Ilocano, pagkat walang pinakamasarap na dinengdeng kundi ang kay nanay lang.
Malungkot din si Iyong, ang bunso naming kapatid. May panahon sigurong gusto niyang pag-isipan ang mga hindi niya dapat ginawa. Malungkot siya para sa mga anak at asawa, at tinatangay siya ng lungkot na iyon upang takasan sa pamamagitan ng muling pagbubuhay-binata. Marami siyang gusto, at may mga kaya siyang gawin na hindi ko kaya. Doon siya nakakasumpong ng silbi, kay nanay at sa pamilya. Gusto man naming sagutin ang mga tanong niya kung gaano at paano naging miserable ang buhay niya, alam niyang hindi namin iyon kailanman masasagot.
Si Ate Vina, siguro'y narahuyo lamang siya ng hirap ng pagiging titser sa Pilipinas, at ng marangyang buhay sa ibang bansa. Pakiramdam niya siguro'y wala na siyang mababalikan pa. Ano nga naman ang saya? Kahit saan naman makikita yan, huwag lang maging mapaghanap. Gusto na niyang tumanda, gusto na niyang takdaan ang sarili at sundin ang mga gustong mangyari sa buhay. Parang solusyon sa Matematika ang buhay, trabaho+pera+kotse+bahay+pamilya=buhay na marangya. Ekwals saya.
Gaano nga ba kalungkot ang mga tao? At paano sila tinatangay nito patungo sa tiyak na, pagkamatay? Ng buhay at kaluluwa?
Nilalabanan ko ang malungkot, baka ikamatay ko ito. Ngunit sa tuwing gagawin ko ito, mas lalo akong nadadala. Pilit kong iniiwas sa pamamagitan ng mga trabaho sa magdamag. Pero hindi, sa tuwing umuuwi ako'y nakikita ko sa maraming blangkong upuan sa sinasakyang bus ang kawalan. Gusto at ayaw kong mag-isa.
Pamilyar ang ganitong pakiramdam, lalo dati sa tuwing napapatitig ako sa gagad na kisame, bago matulog. Malungkot nga ba ako? Masaya? At tila tinatangay ako upang lumutang kasabay ng mga alalahanin sa buhay na walang kaparis sa lungkot, at saya.#
No comments:
Post a Comment