Tuesday, October 24, 2006

Entri #4

Nakikita ko si Tatay, at nakikita ko ay buong pusong pagpupursige at pagsisilbi.

Ngayon, isa siyang bagong tao. O dati na siyang ganito, ngayon lang niya higit na naipapakita. Bumabawi sa mga panahon ng makasariling pagdedesisyon,at pansamantalang pagkawalay sa mga anak.

Magiliw niyang ginagampanan ang papel bilang lolo. Kahit man ang tawag sa kanya'y grandpa, o kaya'y Low-Low, sa himig at bigkas ng mumunti, puting mga dila. Nakikipagtagisan siya ng biro sa mga apo, pauntol-untol niyang nabibigkas ang mga salitang istranghero. Napapa- o whay may san? siya, o kaya'y Dont go der o kaya'y ya ya ya?
Tila siya munting bata na natututo. At natutuwa siya sa ganito, sa bagong nasumpungang mundo.

Kagabi, magiliw din niyang inihimbing ang munting anghel ni ate. Dinuduyan duyan niya ito, at kinakantahan ng oyaying siya lang ang nakakaintindi. At maya-maya pa'y napahimbing niya ang paslit sa kanyang bisig, hanggang sa siya naman ang mahimbing sa hagdan habang hinihintay na dumating ang ate.

Mapayapang pakiramdam ang pagpapatulog sa bata, kahit ika'y mapapahimbing sa oyayi ng kanyang pintig na lumilikha ng mumunting bayo sa iyong dibdib. Naisip ko kung ginawa ba ni tatay sa akin noong ako ang munting paslit, ang iduyan hanggang makatulog. Naalala kong ako ang kanyang paboritong anak na lalaki, pagkat ako ang kanyang junior. Dinala niya ako sa barberya minsan, at nang halos ako'y kalbo na, alam kong umatangayaw ako habang daan pauwi. Naliligo siya sa sapa habang kalong niya ako, nakakarating kami dito gamit ang bulok niyang bisikleta. At dahil kabo siya sa huweteng, marami akong baryang pambili ng kendi, holen, lollipop...

Unti-unti na ring nalalagas ang kung anumang galit sa dibdib ko kay tatay.

Noong nakaraan ay ginigising niya ako ng mas maaga sa aking relo. Minsan nama'y siya mismo ang naglinis ng putik sa gamit kong sapatos sa trabaho.

Sa katunayan, gusto kong abutan niya ang magiging apo niya sa akin. Makikinig ako sa mga payo niya, pero hindi ako papayag na manahin ng anak ko ang pagkamahangin ng kanyang lolo.

Kanina'y napagod si tatay sa unang araw ng kanyang unang trabaho dito. Paano'y apat na oras siyang nagvacuum ng hallway sa isang otel, bahagi ng kanyang training bilang housekeeper. Ngunit apat na oras sa apat na palapag na walang pahinga. Sabi niya'y gustuhin man niyang uminom man lang dahil uhaw siya'y nahiya siyang gawin. Hindi siya makapagtanong ng susunod na gagawin pagkat nahihiya siya. Ilang araw din siyang hindi mapakali. Si ate, agad na sumugod sa otel. Hindi na pababalikin na si tatay matapos ang isang maghapon ng pagtatrabaho nang walang pahinga. Nagsusumbong si tatay sa kotse habang pauwi sila...

Naiisip niya ang kanyang kakulangan, at siguro'y mga pagkukulang. Gusto kong sabihin na husto na tay. Hayaan mo na sila pagka't kayang-kaya natin sila. Tama ang iyong ginagawa. Huwag ka nang mag-alala, ako nang bahala.

Sa kabilang banda, gusto ko ring mahalukay niya ang nasumpungang bagong mundo. Gaano man ito ka-estranghero.

Si tatay, larawan ng nakalipas at isang bagong mukha. Gusto ko nga sanang makisabay kay ate, nang sabihin niyang im so proud of you, kay tatay matapos matanggap sa trabaho. Pagkat yun ang totoo, pagkatapos ng lahat.#

No comments: