Thursday, October 13, 2011

Dear Sis R./Rain/Tudo

Gusto kong batiin ka sa napili mong buhay. Nakakainggit ka, natutunan mong ngumiti nang punung-puno ng kabuluhan – pagkat nalaman mong ika’y talagang para sa kanila. At marami silang nakangiti din sa’yo, na hanggang sa huli ay nagsilbi sa kanila. Naging isa sa kanila.

Hanggang alaala na lamang ako. Kakatwa. Kahit napakalayo ko’y napakalapit ng mga alaala ko sa’yo. Ang bilugan mong mukha, ang palaintindi mong mga mata, at payapa mong ngiti. Isa kang ate, kapatid, kaibigan, kalambingan, pamilya, kaiyakan, kasama. Kasama.

Siguro’y iyon na nga. Kahit wala ka na’y nariyan ka sa maraming mukha ng masa. Ika’y mukha ng kanilang pighati, pag-asa. Kung gusto kitang makita at mas makilala, kailangan lamang humakbang ako sa mga landas na tinahak mo. Kailangan ko lamang tumingin sa kanilang mga mukha at alam ko nang buhay ka at nariyan. Buhay ang iyong pinaglaban.

Kulang na kulang ang taas-kamaong pagpupugay para sa’yo. Hindi kasya ang mapulang pagtangis na kaya ko lang ipaabot sa bahaging ito ng mundo. Pero hindi ka naman naghanap ng kapalit. Pagkat alam mo kung paano ang mag-alay ng walang hinihintay.

Kaya’t hindi paalam, kundi padayon sa iyong naiambag!

Isang araw ay dadalaw ako kung saan ka nila nakilala. Makikinig, mapag-iisip, mapapangiti dahil sa kanilang mga mukha, alam kong nakangiti kang patuloy na nakikibaka!

Wednesday, September 21, 2011




Inosente

Makinang, ginintuan ang korte
Ng iyong katawang parang ngumingiti
Sumasabay, kumakampay sa alon
Ng iyong kamusmusan

Huwag ka muna sanang magtanong
Basta't magtampisaw ka, makipag-ulayaw
Walang muwang din naman sila
Dagat, hangin, araw

Sige anak, damhin sana
Ng iyong kamay, mata't, paa
Walang malay, walang takot
Ang iyong kainosentehan.

Tuesday, August 02, 2011

Tag-init, 2011







I. Parang batis din ang agos ng mga inaasahang pagbabago. Nakadalawang buwan na din akong undergrad nurse. Ilang buwan pa lang nakakaraan para akong nasisiraan ng ulo sa pag-iisip kung kailan kaya mangyayari ito. Bigla'y myembro na ako ng unyon ng mga nars dito, may halos 40 akong shift sa loob ng 3 buwan, at iba pang alok na magtrabaho sa mga sulok na lugar dito. Siyempre, magaang sa pakiramdam ang alam mong may naitatabing pera kahit konti, may natitira kahit konti sa sweldo at hindi butaw na aabot sa sunod na sweldo. Ok naman. Hindi rin basta-basta ang yunit na pinagtatrabahuhan ko. Brain injury. Rehab. Gusto ko pala ng ganito: unti-unting nagiging "persona" ang mga pasyente habang nakikilala mo sila hanggang sa sila'y ma-discharge. Gusto ko rin ng magkahalong personal at nursing care (sa una'y mga simpleng pang-araw-araw na gawain, pagkain, pagtae, pagtulog, pagligo. Ang ikalawa nama'y pagbibigay ng gamot, catheterization, intramuscular injection etc.) Nakikilala mo rin ang pamilya, lalo sa ganitong tipo ng rehab. Isang buwan na lang, balik iskwela na naman. Bago matapos ang taon, magtatapos na din ako, pagkatapos ng halos 4 na taong pagbubuno sa aral, trabaho, pamilya..

II. Long-trip sa loob ng limang araw sa mga pakiwal ng mga bulubundukin ng Alberta. Apat na gabing sa tent lamang kami natutulog. Ok naman. Pahinga. Bonding. Gastos. Stress sa pagda-drive. Maraming maraming litrato! Malaking diprensya kung sa Pinas ang mga tanawin. Puro bundok at ke-lalayo ng agwat. Sa Pinas ay sari-sari ang makikita. Iba-iba ang pagkain. Samu't sari ang mga tao. Karaniwang mainit, pero mayroon ding malamig. Dito'y kabaliktaran.

Thursday, May 26, 2011

Sunday, February 27, 2011

Paghihintay

Bakit nga ba ‘pag hindi mo pa mangyari ang pinakaasam-asam mo’y parang lahat na lang ng bagay ay bitin? Para kang nakabitin sa trapeze na sa halip na sa bawat hakbang ay palapit at parang lalong lumalayo sa dulo. Balanse ka nang balanse pero lalo kang parang nabubuwal. Marami ka ring audience na parang hinihintay kang malaglag at bumagsak sa masakit na katotohanang, hindi mo pa kaya.

Pero lagi ka naming may pagkakataon para umulit. Dahil ang tunay mong audience ay ang iyong sarili. Matumba ka’t hindi ikaw ang magpapasya kung sa bandang huli ay lalo kang palalakasin ng bawat lagapak o lulugmukin nito.

Naks, parang dialogue sa pelikula. Hindi naman ako ganito magsulat. :) Trip lang.

Ang totoo niyan, may mga maliliit na pangyayari na kinapupulutan ko ng maliliit ding saya. Simpleng mga bagay na pwedeng bahagi lang ng araw-araw kong buhay. Ang hirap lang, parang nabibitin ang saya ng isang bagay na dapat nang mangyari pero kailangan pa ng kaunting paghihintay.

Ang pagnunursing, hindi naman ang ultimatum na pangarap ko sa buhay. Pakiramdam ko lang, kapag nakatapos na ako’y makakahinga na ako nang maluwag na maluwag na maaari ko na ring bigyan ng espasyo ang iba ko pang gustong mangyari sa buhay ko. Kasi, parang ang pakiramdam ko nga’y nakatungtong ako sa trapeze. Malapit na malapit na ako sa dulo, pero dahil sa inip ko’y parang isang buong habambuhay kong hinihintay.

Ilang buwan na nga lang ba? Tatlo. Sa Hunyo, maaari na akong magtrabaho bilang. At tatlong buwan pa ulit, licensure na.

Aarrgh! Walang kuwenta ang paghihintay na ito. Hindi ito ang ultimatum ng buhay ko! Hindi dito nakasalalay ang habambuhay na kaligayahan! Marami pang puwedeng paghirapan!

Kaunting tiis na lang.

Maaari na ulit akong kumuha ng larawan. Pwedeng maggitara. Gumuhit at magpinta. Magbasa!

Higit sa lahat, mag-organisa. Magmobilisa. Ang totoo niyan, itong huli’y pilit ko nang isinasabay habang tinatapos ko ang pagnanars.

Gusto kong bumalik sa Pilipinas. Humalik sa kanyang mga bundok, simsimin ang matamis niyang papawirin. Hangin! Sumakay ng bus! Ang ulan sa may bintana! Paparating sa bukana!

Ng kanilang mga pusong sinawi ng kahirapan. Silang pinahihirapan ng mga sakit. Ang madama sila ng malapitan, maeksamen ang kanilang karamdaman.

Ah...ilang daang libo nga ba ang rehistradong nars sa Pilipinas na walang trabaho? Kung kahit kalahati lamang ay nagsisilbi sa mga baryo at maralita ng lunsod...

Pansamantala, maghihintay na muna ako.#