Saturday, December 18, 2010
Mag-iisang dekada na
Pakiramdam ko mag-iisang dekada na akong hindi nagsusulat; isandaa’t isang porsyento ng aking lakas ay naibuhos sa pagnu-nursing. Ang magandang balita, tapos na.
Hindi naman tapos na tapos na, tapos na in a sense na tapos na rin ang pinakamahirap na semestre aka Fall Term. At with flying colors. :)
Kaarawan ko din kasi, saka huling araw ng eksamen. Niyaya ko si Kuya Ed, at Kuya Ramil na kumain sa labas. Kuwento-kuwentuhan. Pare-parehang nakahinga sa tila pinakamahaba na yatang semestre sa buhay namin.
Tinanong nila kung ano raw ang balak ko pagka-graduate. Kung tutuusin, isang taon pa naman bago kami makatapos. Sabi ko, gusto ko yata subukin lahat, gaya sa isang pagtatapang-tapangan ng isang bagong tapos.
(Backgrounder: Dito sa Canada, tatlo ang tipo ng mga nars: RN o registered nurse, LPN o licensed practical nurse, at RPN, registered psychiatric nurse. May maliit at malaking kaibhan sa tatlo, ang isa sa pinakamalaki ay sweldo. Magkapareho ang sa RN at RPN, pinakamababa sa LPN. Sa tatlo, pinakamahabang kurso ang RN. Higit lamang ng isang semestre ang RPN sa LPN, yun ay 2-1/2 taon, samantalang 2 taon sa LPN. Ang kinukuha ko ay RPN. Sa pagtatapos ko at pagpasa ng licensure exam, sa paediatrics at maternity lamang ako hindi pwedeng magtrabaho. May mga maliliit na pagkakaiba din sa skills na pwedeng gawin, pero minor na lamang iyon. Isa pang malaking kaibhan, ang RN at RPN ang bossing sa trabaho, sunod lamang ang LPN sa sasabihin ng mga ito. Sweldo at awtoridad, yun ang pangunahin kong basehan.)
Sabi ko gusto ko yatang magtrabaho sa isang oncology unit. Magkahalong psychiatry na iyon at med-surgical. Nade-depress ang mga pasyente, nagdedeliryo (delirium), anxious (praning). Idagdag pa ang sari-saring kumplikasyong dulot ng iba’t ibang klase ng kanser. Kaya ko iyon, huwag ko lang hayaang lunurin ako ng magkakahalong element ng emosyon, mental at pisyolohikal na sakit na dulot ng kanser. Siguro naman, dahil nasa First World ako, mas may pag-asa ang mga tao.
Saan ko ba talaga gusto? Gusto kong makabilang sa mga community health workers.
Kudos pala sa mga bagong-layang Morong 43! Padayon!
Gusto kong umuwi taon-taon sa Pilipinas at mag-alay ng kaunti kong lakas, para madama ang sakit ng karamihan. Gusto kong malaman kung paano nga naiigpawan ng katawang walang laman ang sakit. Siguro’y magiging mas madugo pa iyon kaysa sa mga sakit ng mga narito.
Inspect. Palpate. Percuss. Auscultate. Assess. Diagnose. Plan. Implement. Evaluate.
At marami pang konseptong natutunan ko sa higit isang tao sa nursing. Pero noon pa, alam ko ang ‘di maipaliwanag na damdamin na kasama ang masa. Ang mahawakan lamang ang kamay nila. Ang makita silang ngumiti.
Ngayon siguro’y may katuwang na ang arouse, organize, mobilize.
Ah, yun ang wish ko sa kaarawan ko at sa Pasko. Na sa maliit kong paraan, ‘di iba’t sila rin ang mapagsilbihan ko.
Mabuhay, at padayon sa mga health worker na nag-aalay ng kanilang panahon at buhay para sa masa!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment