Saturday, June 07, 2008
Pagsibol
Panay na panay ding umuulan ng mahinhin dito, ngayong panahon na ng "spring".
Nakakasenti din, lalo kong naalala ang mga panahon na ginugol ko sa Baguio. Halos magkasing-lamig dito, pero hindi kasing-kuntento sa Baguio. Masarap magkape, masarap mag-usap, masarap um-istambay, masarap mag-isip-isip.
Naisip ko tuloy na marami na rin narating ang malikot kong mga paa. Mga lugar na parang mga dating tahanan ko na.
Napalapit na din sa akin ang lugar na ito. Payak na buhay, tahimik na paligid. Malungkot sa malungkot, sanayan lang din siguro na nauuwi sa pagkagusto.
Lalo pa ngayong kasama ko na ang aking mahal...lalo akong panatag.
Napapadaan ang bus sa isang burol kung saan tanaw ang isang pisngi ng Red Deer, matapos kong ihatid si Aubrey sa trabaho. Napapangiti ako't dahil narito ako.
Saka ko naiisip na sa kabila ng lahat, pansamantala lamang naman ang lahat ng ito. Uuwi pa rin naman ako, kami, sa dati naming tahanan. At iyo'y isang malapit-malayo pang paglalakbay.#
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment