Tuesday, September 18, 2007
Boracay
Hindi ko inasam na makapunta dito, kung hindi dahil sa "pulot-gata" namin ng aking mahal.
Higit na masarap ang biyahe papunta at pauwi, pagkat parang kinakadkad ang bawat talulot na maghahatid sa amin sa paraisong (demonyo) tinatawag na Boracay. Tatlong sakay, tatlong klase ng sasakyan na inabot lamang ng halos apat na oras ay nakarating na kami sa, kumbaga sa babae, ay mala-porselanang (pagkat makinang nasa malayo pa lang) pasigan ng isla ng Boracay.
Masikip, parang iskwater sa loob, ang mga nagsisiksikang maliliit at malalaking otel at resort na nakapalibot sa Station 1, 2 at 3. Sa gabi, kanya-kanyang paanyaya sila, sa saliw ng buffet, pagkaing seafood, drinks at tugtuging maharot o kaya'y malandi.
Parang nagsasarili ang boracay pagkat narito halos ang lahat ng mga banyagang tao sa mundo. Kahit ang mga Pinoy ay banyaga dahil sila'y hindi naman tagarito, kung hindi dahil sa alok ng trabaho, rangya at alindog ng isla na hindi nila maangkin (dahil wala silang panahon). Sabagay, nariyang naghihintay lamang ang isla sa kanila.
Kami ng mahal ko ay naron para, magpahinga. Sa isang buwang pakikipagtunggali namin sa oras, pagod at pera upang, maging isa.
Kung kami lamang ay masarap mabuhay sandali sa isla. Pero hindi namin katulad ang maraming Pilipino doon, na tagasilbi lamang, ng mga banyaga at ng isla.#
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment