Saturday, September 29, 2007
Hello, Canada
Ah, ibang-iba talaga ang umaga dito sa ibang bansa. Iba na ang salubong ng umaga sa Canada.
Kuha ko ito, gamit ang aking camera, sa unang araw ng pagsasarili namin ni tatay, dito sa Canada.
Ang bago naming lugar ay basement na akala ko nung una'y maliit, madilim at dahil basement nga, na tulugan lamang at hindi talagang tirahan. Na siya kong ipinagkamali.
Ang totoo, masaya ako sa itinatakbo ng mga pangyayari. Ikinasal kami ng aking mahal, nagsarili kami ni tatay ng lugar, at kaunting pagsisikap pa at panahon, siguro'y magiging maayos din ang aking *karera. (Pakitignan: The Many Faces of Boracay, The Haven for Tourist, Bulatlat.com)
*Pinaka-madaling trabaho yata ang pagiging potograper. Kahit wala pa akong subok, may ibang himig ang nakikita mo ang ganda ng iyong kuha at kasabay nuon, na naikukuwento mo ng maikli (sa pamamagitan ng caption) ang ibig sabihin ng kuha mo.
Gusto kong maging isang photojournalist. Gusto kong maging isang environmental-photojournalist. Gusto kong maging activist, habang-buhay.
Hindi naging madali ang paglipas ng isang taon, ng ilang taon. Marami-rami ding umaga (karamiha'y panget) ang kailangang harapin.
Mula sa basement, lumalagos sa maliliit na pagitan ng blinds ang sikat ng araw. Ah, dito pala ang direksyon ng pagsikat nito. Kaysarap isipin, dahil masarap maghanda ng almusal, masarap mag-almusal, masarap maglinis. Ang malambing, gintong sikat ng araw.
Kulang na lang si nanay. Kanina'y tinawagan namin siya ni tatay, pagkat kinailangan daw na ipa-tsek up sa doktor dahil sa mag-iisang buwan nang ubo. Umuwi siyang luhaan, sumaya lamang nang muling makita ang mga apo sa Pilipinas at makapunta sa aking kasal. Sa sulat pa nga niya kay tatay, naghihinanakit at hindi na raw gusto pang bumalik dito.
Pero, nag-iiba ang simoy ng hangin. Kanina'y ok na daw siyang makabalik, para naman meron kaming tagaluto, tagasaing, tagalaba ni tatay.
Pero sa tingin ko'y magiging maayos sila ni tatay, kahit sila lamang dalawa. Si tatay, tila ngayon lang ipinapakitang kaya niyang maging nanay, kung noon na nagkataong wala ang nanay. Nakakapagluto, nakakapaghugas, gumigising sa akin kapag kailangang maghanda sa trabaho. Na hindi niya nagagawa noon.
Higit sa lahat, mas pinaninindigan niya ngayong siya'y may naiiwan pang responsibilidad, sa aming bunsong kapatid. Lalo kay nanay (at sa isa pa niyang asawa).
Kaya kanina'y ibinili ko siya ng polo-shirt. Gusto daw niyang bilhin, kaso kulang siya sa pera. Sabi ko, "Ako na 'tay."
Ang bagong lugar na ito, na may hatid na bagong araw kada umaga. Masaya, malaya.#
Tuesday, September 18, 2007
Boracay
Hindi ko inasam na makapunta dito, kung hindi dahil sa "pulot-gata" namin ng aking mahal.
Higit na masarap ang biyahe papunta at pauwi, pagkat parang kinakadkad ang bawat talulot na maghahatid sa amin sa paraisong (demonyo) tinatawag na Boracay. Tatlong sakay, tatlong klase ng sasakyan na inabot lamang ng halos apat na oras ay nakarating na kami sa, kumbaga sa babae, ay mala-porselanang (pagkat makinang nasa malayo pa lang) pasigan ng isla ng Boracay.
Masikip, parang iskwater sa loob, ang mga nagsisiksikang maliliit at malalaking otel at resort na nakapalibot sa Station 1, 2 at 3. Sa gabi, kanya-kanyang paanyaya sila, sa saliw ng buffet, pagkaing seafood, drinks at tugtuging maharot o kaya'y malandi.
Parang nagsasarili ang boracay pagkat narito halos ang lahat ng mga banyagang tao sa mundo. Kahit ang mga Pinoy ay banyaga dahil sila'y hindi naman tagarito, kung hindi dahil sa alok ng trabaho, rangya at alindog ng isla na hindi nila maangkin (dahil wala silang panahon). Sabagay, nariyang naghihintay lamang ang isla sa kanila.
Kami ng mahal ko ay naron para, magpahinga. Sa isang buwang pakikipagtunggali namin sa oras, pagod at pera upang, maging isa.
Kung kami lamang ay masarap mabuhay sandali sa isla. Pero hindi namin katulad ang maraming Pilipino doon, na tagasilbi lamang, ng mga banyaga at ng isla.#
Subscribe to:
Posts (Atom)