Sunday, June 17, 2007

'Tay


Siguro, mahirap ding trabaho ang pagiging tatay.

Si tatay, parang kaibigan ko na ngayon. Parang kabarkada. Ano kayang pakiramdam niya, na marunong na akong tumayo sa sarili kong paa?

Maiging hindi na niya ako kailangan pang asikasuhin. Pero ang mga tatay, katulad ng nanay, siguro'y hindi mapakali sa kahihinatnan ng buhay ng kanilang punla.

Gusto niyang naron siya sa tabi ko sa aking espesyal na araw. Sa araw na iyon, marahil mabubunutan na siya ng tinik. Ah, nakapag-asawa na ang aking anak, ang tangi niyang masasabi.

Ngayo'y hihintayin na lamang niyang makita ang kanyang mga apo. Kanina nga, habang nasa restoran, panay ang asikaso niya sa mga apo kina ate. Father's day iyon, para sa kanya. Pero ang isip niya'y sa mga apo.

Anak kelan ka kaya darating? Huwag kang mag-alala, kakalungin kita kahit malaki ka na. Ang una mong matutunan sa akin ay kung paano ngumiti. Siyempre, eksayted din akong turuan kang maglakad, magsalita.

Natatakot nga akong makita kang madapa, masaktan habang natututo. Pero dahil tatay ako, pagagalitan muna kita. Siyempre galit-galitan lamang naman iyon. Magiging malambing ako sayo pagkaraan.

Hay, ilang taon na lang mag-iisang araw ka na, sa lilim ng iyong magiging nanay. Ilang taon, magsa-siyam na buwan ka na. Kung sana nga'y makikita ko ang bawat mong makita, ang bawat mong madama.

Pero sa ngayon anak, ang unang araw mo sa labas ng mundo, aantayin ko.

Pangako.

No comments: