Friday, October 27, 2006

Daniel

Matagal ko nang gustong alayan si kuya ng aking kuwento. Ngunit mas alam niya ang kuwentong ito, 'di pa man nasisimulan.

Dahil siguro magbibisperas na naman ng Nobyembre 1. Tipikal na Pinoy: sa tuwing araw ng mga patay lamang nakakaalala sa lumipas na kaanak, mas nagdidiwang kaysa nagluluksa pagkat ganun ang mga Pinoy. Sa kabilang banda, lagi kong naalala si kuya. May mga panahon pa ring bumabalik ang pakiramdam ng nawalan, hindi lang ng kapatid higit, ng kuya. Ng mas matibay na masasandalan.

Hindi marupok si kuya. Pagkat unang lalaki sa pitong magkakapatid, natural na kamay na bakal ang turing sa sarili. Nasusunod ang gusto, napapa-oo ang lahat dahil siya ang panganay na lalaki. Dinadaan sa tipuno, sa sindak ng boses at sa simpleng katotohanang siya ay matanda, kaya't may sinasabi sa bawat desisyon ng pamilya.

Ang totoo, may mas higit na panganay na lalaki sa kanya. Dangan lamang at namatay sa maagang edad na 3 taon, dulot ng kumbulsyon na 'di agad na naagapan nila nanay sa hirap ng buhay. Siya si Dennis, si Kuya Dennis.

Kapag nagmamarakulyo si kuya, dala madalas ng kalasingan, hinahanap niya si Kuya Dennis. Sinisisi niya ito sa maagang pagkamatay. Nanghihinayang siya sa maaaring nagawa niya upang mapigilan ang pagloloko ni tatay. Iniiyakan niya ito kahit hindi niya naabutan nang buhay, pagkat si Kuya Dennis ang pinaka-panganay sa aming magkakapatid. Tila siya nagluluksa; ngunit pagluluksa 'di dahil sa kuyang namatay kundi sa kinahinatnan ng pamilya.

Malambing si kuya, nasa loob ang bait. Masayahing tulad naming lahat, mapagbiro at may sariling paraan ng pagpapakita ng pagmamahal. Bagama't nakatapos ng marine engineering (o seaman), sa construction worker siya nakadidiskarte ng pera. Sa maliit niyang kita linggo-linggo, ay nailalabas niya ang buong pamilya sa Jollibee. Walang ibang nakakagawa nito sa magkakapatid kundi siya lang. Nagbibigay din upang punan ang mga kulang sa padala nila ate, na kapwa OFW na noon sa Hong Kong.

Alam ko ang saya ng may kuya. Sumusuporta sa mga hilig ko, namimili minsan ng gamit at nanlilibre sa sine. Hindi ko alam kung kahit minsan ba'y napasalamatan ko siya sa bawat pabor na ibigay niya.

Kasabay nito, ay madalas siyang mapaaway, maghamon ng layas sa bahay at malasing. Kaya't takot ang namayani sa akin (sa amin) sa tuwing siya'y ganito.

Naalala ko noong huling araw ko siyang nakitang buhay. Birthday ng isa kong pinsan at umuwi ako mula UP (sa Baguio) pagkatapos ng ROTC. Naalala kong binati niya ako sa Ingles, "There's my brother." Pasuray-suray pa siya sa pinto ng kusina, hindi ko alam kung nasagot ko ba siya. Iyon na ang huli.

Hindi na siya kinagabihan. Si nanay, pagkat siya nga ang may anak, ay may ibang kutob sa sarili. Nang hindi bumalik kinagabihan, madaling araw ay pinaghanap sa mga bahay sa kabilang kalsada. Ang tangi niyang nakuha ay ang tsinelas na gamit ni kuya nang umalis nang nakalipas na gabi.

Alas-onse. Dumating si nanay na umaatungayaw habang nasa banyo ako't naliligo. Jong, jong awanen ni manong mun...nakita da kanu nga natay idya'y pa-yas... (Wala na si kuya mo, nakitang patay sa may ilog). Nanginginig akong lumabas, lito sa dapat isagot o itanong. Lumabas ako ng bahay at sa kalsada'y naglipana ang mga kabaryo. May isang nagtanong kung may kuwintas daw ba si kuya na ganito, at tinuro nga kung saan ang bangkay na nakita.

May inanod na bangkay ilang metro din ang layo mula sa pinagliguan ni kuya. Kaya ipinagtanong pa kung si kuya ba iyon ay dahil alsado na ang katawan ng bangkay, at may mumunting kagat ng isda sa iba't ibang bahagi ng katawan. Lito ang atungayaw ni nanay, ipinagtatanong kung ano ang gagawin sa bangkay.

Sumama ako sa isang tito upang tingnan ang bangkay. Ngunit tumanggi akong lapitan sa mismong pampang kung saan itinabi ang bangkay upang kunan ng awtopsiya. Ang tito ang tumingin at kahit siya'y hindi niya makilala si kuya matapos ang kinahinatnan.

Ako ang naatasang magbalita kay ate, isang tita ang nagkusang magbalita sa mga ate sa abroad, habang ang isa ko pang ate ay walang malay na nasa biyahe pauwi sa amin mula Maynila.

May malaking bukol, mahapdi, mainit na nakakasugat sa lalamunan tuwing pinipigil ko ang iyak. Lalo sa tuwing makikita ko si nanay na tulala, o nasa may pinto, may hawak na larawan ni kuya at tinatawag niya ito ng paulit-ulit. Nang paulit-ulit hanggang mamaos sa magdamag.

Paulit-ulit din, na sa bawat bisitang dumaan sa burol ay ikinikwento ni nanay ang mga huling ala-ala niya kay kuya. Ang mga pagsisisi niya, ang mga panghihinayang ng mga tao sa maaaring nagawa pa ni kuya. Mula noon ay lagi nang gustong nakatitig sa labas ni nanay tuwing maghahapon, at umiinom ng isang bote ng serbesa bilang pampalimot.

Ngayo'y suot-suot ko ang singsing ni kuya, ang tangi kong ala-ala sa kanya. Sa tuwing may magtatanong kung kasal o engaged na ako, sinasabi kong sa namatay kong kuya ang singsing.

Bente-tres anyos siya nang pumanaw, dapat sana'y magbebente-nuwebe siya sa ika-27 ng Nobyembre.

Gaya niyang nagluksa sa panganay naming kuya, naiisip ko pa rin siya at iniiyakan. Hinihingan ng payo o tulong kung nasan man siya ngayon. Pagkat siya'y aking kuya, hanggang-hanggang.#

Tuesday, October 24, 2006

Entri #4

Nakikita ko si Tatay, at nakikita ko ay buong pusong pagpupursige at pagsisilbi.

Ngayon, isa siyang bagong tao. O dati na siyang ganito, ngayon lang niya higit na naipapakita. Bumabawi sa mga panahon ng makasariling pagdedesisyon,at pansamantalang pagkawalay sa mga anak.

Magiliw niyang ginagampanan ang papel bilang lolo. Kahit man ang tawag sa kanya'y grandpa, o kaya'y Low-Low, sa himig at bigkas ng mumunti, puting mga dila. Nakikipagtagisan siya ng biro sa mga apo, pauntol-untol niyang nabibigkas ang mga salitang istranghero. Napapa- o whay may san? siya, o kaya'y Dont go der o kaya'y ya ya ya?
Tila siya munting bata na natututo. At natutuwa siya sa ganito, sa bagong nasumpungang mundo.

Kagabi, magiliw din niyang inihimbing ang munting anghel ni ate. Dinuduyan duyan niya ito, at kinakantahan ng oyaying siya lang ang nakakaintindi. At maya-maya pa'y napahimbing niya ang paslit sa kanyang bisig, hanggang sa siya naman ang mahimbing sa hagdan habang hinihintay na dumating ang ate.

Mapayapang pakiramdam ang pagpapatulog sa bata, kahit ika'y mapapahimbing sa oyayi ng kanyang pintig na lumilikha ng mumunting bayo sa iyong dibdib. Naisip ko kung ginawa ba ni tatay sa akin noong ako ang munting paslit, ang iduyan hanggang makatulog. Naalala kong ako ang kanyang paboritong anak na lalaki, pagkat ako ang kanyang junior. Dinala niya ako sa barberya minsan, at nang halos ako'y kalbo na, alam kong umatangayaw ako habang daan pauwi. Naliligo siya sa sapa habang kalong niya ako, nakakarating kami dito gamit ang bulok niyang bisikleta. At dahil kabo siya sa huweteng, marami akong baryang pambili ng kendi, holen, lollipop...

Unti-unti na ring nalalagas ang kung anumang galit sa dibdib ko kay tatay.

Noong nakaraan ay ginigising niya ako ng mas maaga sa aking relo. Minsan nama'y siya mismo ang naglinis ng putik sa gamit kong sapatos sa trabaho.

Sa katunayan, gusto kong abutan niya ang magiging apo niya sa akin. Makikinig ako sa mga payo niya, pero hindi ako papayag na manahin ng anak ko ang pagkamahangin ng kanyang lolo.

Kanina'y napagod si tatay sa unang araw ng kanyang unang trabaho dito. Paano'y apat na oras siyang nagvacuum ng hallway sa isang otel, bahagi ng kanyang training bilang housekeeper. Ngunit apat na oras sa apat na palapag na walang pahinga. Sabi niya'y gustuhin man niyang uminom man lang dahil uhaw siya'y nahiya siyang gawin. Hindi siya makapagtanong ng susunod na gagawin pagkat nahihiya siya. Ilang araw din siyang hindi mapakali. Si ate, agad na sumugod sa otel. Hindi na pababalikin na si tatay matapos ang isang maghapon ng pagtatrabaho nang walang pahinga. Nagsusumbong si tatay sa kotse habang pauwi sila...

Naiisip niya ang kanyang kakulangan, at siguro'y mga pagkukulang. Gusto kong sabihin na husto na tay. Hayaan mo na sila pagka't kayang-kaya natin sila. Tama ang iyong ginagawa. Huwag ka nang mag-alala, ako nang bahala.

Sa kabilang banda, gusto ko ring mahalukay niya ang nasumpungang bagong mundo. Gaano man ito ka-estranghero.

Si tatay, larawan ng nakalipas at isang bagong mukha. Gusto ko nga sanang makisabay kay ate, nang sabihin niyang im so proud of you, kay tatay matapos matanggap sa trabaho. Pagkat yun ang totoo, pagkatapos ng lahat.#

Entri # 3

Marami na daw ang namatay sa lungkot. Nalulungkot ako para sa ibang tao, at para sa sarili.

Kapag tinititigan ko si nanay, alam kong malungkot siya. Naaalala niya si iyong, ang bunso niya anak, baka kung napano na siya ngayong milya-milya ang layo nila ngayon. Malungkot din siguro si tatay, o buryong na sa dinatnang buhay dito sa ibang bansa.

Minsan nasabi ni nanay, mas mabuti pa nga siguro na nasa Pilipinas siya. Dito, hindi niya kailangang problemahin ang lulutuin sa maghapon, ang tangi niyang problema (na mabilis niya ding natututunan) ay maghanda ng kakainin gamit ang mga de-motor sa kusina. Mas magaan ang buhay dito, pero nananabik siya sa kinamihasnang buhay sa Pilipinas.

Dati, madalas din siyang malungkot. Malayo kami sa kanya, at sa tuwing nakatitig siya sa labas ng bahay tuwing gabi, alam kong iniisip niya ang namatay kong kuya bilang pampalipas oras. Kung ilang araw din sa loob ng ilang taon niyang dinadala ito.

Tuwing bumibiyahe ako pauwi mula sa kolehiyo, pakiramdam ko'y dumarating ako upang iligtas siya sa kalungkutang iyon. Lingguhan kung umuwi ako galing U.P., upang kumuha lamang ng allowance at maglaba ng damit.

Sa tuwing ganito, mauupo kami at magkukuwentuhan. Pero mas madalas na siya ang naglalabas ng mga saloobin niya. Tungkol sa asawa, sa bunso naming kapatid, at mga bagong tsismis sa baryo. Ang lagi kong inuungot sa kanya, ay magluto ng gulay na Ilocano, pagkat walang pinakamasarap na dinengdeng kundi ang kay nanay lang.

Malungkot din si Iyong, ang bunso naming kapatid. May panahon sigurong gusto niyang pag-isipan ang mga hindi niya dapat ginawa. Malungkot siya para sa mga anak at asawa, at tinatangay siya ng lungkot na iyon upang takasan sa pamamagitan ng muling pagbubuhay-binata. Marami siyang gusto, at may mga kaya siyang gawin na hindi ko kaya. Doon siya nakakasumpong ng silbi, kay nanay at sa pamilya. Gusto man naming sagutin ang mga tanong niya kung gaano at paano naging miserable ang buhay niya, alam niyang hindi namin iyon kailanman masasagot.

Si Ate Vina, siguro'y narahuyo lamang siya ng hirap ng pagiging titser sa Pilipinas, at ng marangyang buhay sa ibang bansa. Pakiramdam niya siguro'y wala na siyang mababalikan pa. Ano nga naman ang saya? Kahit saan naman makikita yan, huwag lang maging mapaghanap. Gusto na niyang tumanda, gusto na niyang takdaan ang sarili at sundin ang mga gustong mangyari sa buhay. Parang solusyon sa Matematika ang buhay, trabaho+pera+kotse+bahay+pamilya=buhay na marangya. Ekwals saya.

Gaano nga ba kalungkot ang mga tao? At paano sila tinatangay nito patungo sa tiyak na, pagkamatay? Ng buhay at kaluluwa?

Nilalabanan ko ang malungkot, baka ikamatay ko ito. Ngunit sa tuwing gagawin ko ito, mas lalo akong nadadala. Pilit kong iniiwas sa pamamagitan ng mga trabaho sa magdamag. Pero hindi, sa tuwing umuuwi ako'y nakikita ko sa maraming blangkong upuan sa sinasakyang bus ang kawalan. Gusto at ayaw kong mag-isa.

Pamilyar ang ganitong pakiramdam, lalo dati sa tuwing napapatitig ako sa gagad na kisame, bago matulog. Malungkot nga ba ako? Masaya? At tila tinatangay ako upang lumutang kasabay ng mga alalahanin sa buhay na walang kaparis sa lungkot, at saya.#

Monday, October 23, 2006

Pren



Pare, pre, pare ko, tol, etc. Gasgas na sabi-sabi pero totoo naman kasi, na masarap magkaroon ng kaibigan.

Mapili ako pagdating sa kaibigan, yung totoong kaibigan. O mas, barkada. Kasa-kasama. Higit sa anupaman, kaibigang ang turing ay tila kapatid na rin. Madali sa akin ang makibagay, pero ang hindi ang makipagkaibigan.

Loner ako, anti-social lalo na kapag bago sa akin ang isang mukha, isang lugar, isang panahon. Mahirap yun, sa totoo lang. Pero sanay na din kasi, mahirap makatagpo ng taong simpleg mga bagay lang ang nakakapagpaligaya sa kanya sa buong mundo. Mahirap makatagpo ng taong kayang sumilip sa labas ng bintana ng tren kasabay mo at kumaway sa daluyong ng buhay.

Nung hayskul, may itinuring akong bestfriend. Madali akong ma-insecure, natural sa akin ito. Nangibang-bansa siya tulad ko, magkita kami ngayon panibagong pagkakakilanlan na naman. Pero simpleng mga buhay at simpleng mga pangarap lang ang nagbigkis sa amin, habang unti-unti namang nagiging problematiko sa paligid ng aming mundo.

Ang dalawa ay naging tatlo, o apat pa nga. Si Mark, si Moises at ako (si Nemesio ahaha!). Napapa-oo namin ang buong klase sa tibay ng aming samahan. Magkakasama din kami sa school paper, sa mga project at iba pang mga lakad. Minsa'y nasasabit sa kanya-kanyang grupo, pero kapag nagsama ay tiyak na riot. Masarap ang humalakhak, masarap ang may kaibigan.

Sa UP, ang barkada ay pagtakas. Pailanlang sa magdamagang inom, tawanan at iyakan. Na masarap balikan sa tuwing magsasama. Ngayo'y malayong-malayo na ako sa kanila, maging sila'y tiyak kong may sarili nang buhay na inaasikaso.

Paglabas ng akademya, kaibigan pa rin ang nakapagpasaya sa mahirap na buhay tibak. Mga tibak din, kaya't ang problema sa pagkilos ay inihahabi sa mangilan-ngilang pagtakas sa gawain. O isinasabay sa gawain.

Minsan pagkatapos ng isang mob, nagkayayaan kami ni Agatha at Jopes na kumain muna saglit. Iyon na ang simula ng pagkakaibigang nauwi sa mas malalim pang pagsasamahan. Takot nga ng isang nakatatanda, na baka bumuo kami ng "saturday night group" na labas (at labag pa nga) sa termino ng paggampan.

Ngayon pilitin ko ma'y dapat akong mag-isa. Isang bagong bagong mundo ang meron ako ngayon. (Bukod sa mahirap ang umingles nang umingles). Malungkot ang kumain nang mag-isa, maglakad pauwi nang mag-isa at lumibot sa mall nang mag-isa. Sanayan lang, tol, ika ni Jopes.

Mabibilang lang sa mga daliri ng kamay ang itinuring kong kaibigan, pagkat simple lang ang pinili kong mundo. Kuntento akong isipin na sila ang higit kong kinailangan sa buhay.

Para kina Mark, Moises, Misael, Kris, Ervin, Mur, Maps, Henry, Leigh, Jun, Carlito, Dang, Shane, Mafe, Jopes, Agatha.

Monday, October 16, 2006

First Snow

Sa bahaging ito ng mundo, 'di lang mahirap ang gumising sa isang natural na tamad. Ang naninigas na ugat, lalong maninigas, habang dumadapo ang santalaksang tinatawag na snow pagkatapos na pagkatapos ng taglagas.

Pero kailangang salubungin sa nakakapanginig na lamig ng umaga ang hinayupak. Ni hindi ko inasahan, hindi ko man lang napaghandaan. Ganun marahil ang pakiramdam ng ekstra-ordinaryo---hindi mo pilit masalubong dahil, iyon na nga nilalamig ka na. Wala kang maisip na iba dahil ang utak mo, naghahalukipkip din sa nginig. At kamay pati, 'di mapakaling makatagpo ng mainit na bahagi ng katawan.

Naisip kong magpayong. Bakit hindi? Sa science class, ulan din naman ang snow. Ang diperensya lang, ang mga butil na dapat sana'y tubig ay yelong bumabalot sa buong paligid. Natutunaw din at nakakapamasa sa katawan. Kung nagkataong mayron ako, mabilis pa sa alas-kuwatrong nakatingala yun sa langit, mapagtawanan man.

Namumutiktik sa puti ang paligid. Dumaan ang kotse't maski sa sinag ay mumunting tila mumo ng kanin ang bumabagsak. Puting kanin! At mga magsasaka, siguro'y hindi na sila kailangan pang magbabad sa linang upang makapag-ani. O tanging suyod na panghagod sa mga kakanin sa umaga, tanghalit gabi.

Habang maghapon ay patingin-tingin ako sa labas. Sa loob-loob ko, 'di maalis ang pag-aalala. Anong gagawin ko sa hinayupak? Anong hindi ko kayang gawin? Paano kung lumakas pa't maging dambuhalang tila bato na? 'Di ba magtatapos ang araw na titila din ito tulad ng malakas na ulan sa Pinas? O tuluy-tuloy na akong matabunan ng ekstrangherong kung tawagin ay snow?

Nasa ibabaw ka ng mundong yelo. O kiniskis na yelo para sa halu-halo. Ang langit samantala, ay madilim din tulad ng sa paparating at nakalipas na ulan. Ang kalamnan maging sa'yong talampakan ay nanginginig din na tila laman ng isdang inimbak sa yelo ng ilang buwan.

Naninikip din ang hininga, dahil malamig na hangin nasasagap ng ilong at ibinubuga. May mga bahagi sa katawanan na tila naninigas na, at kailangan nang umabot sa pupuntahan upang mainitan.

Gaya ng nasabi ko na, paborito ko ang tag-init. Kahit nanlalagkit sa singit at kile-kile ayos lang dahil pinakamasarap ang malamig na inuming tubig. Iba pa rin ang halumigmig sa sariling bansa, ang simoy ng Paskong paparating.

Kanina'y payak na ambon na lamang ang sumasalunga, pauwi ako. Napansin kong tapos na nga pala ang paninilaw ng mga puno sa lunsod, na senyales ng paparating na puting unos.#

Friday, October 13, 2006

Friday, October 06, 2006

Maging Tatay


Ilang taon ko na din siguro kinimkim to: tagong muhi sa tatay ko. Ngayon ko na lamang higit pang nakita dahil sa kabilang banda, ngayon naman ako natutuwa sa kanya.

Siguro'y binulag ako ng pagtanggap kong may sarili din siyang buhay na dapat niyang piliin. Nagkamali man, ang lahat ay bahagi ng sarili niyang pagpapasya.

Ang madalang kong maramdaman, ginusto man niyang ipadama noon, na may tatay ako ay naipapakita niya sa mga apo. Palibhasa'y malayo sa kinamihasnang buhay sa Pilipinas kaya't walang ibang pagpipilian kundi akuin ang papel ng mga anak sa pagbabantay sa mga apo.

Habang ang kanilang nanay ay nasa trabaho. Ginagawa ang lahat maialis lamang sa mga bata ang pagkawalay sa nanay. Nagpapasuso din (sa bote) ng gatas kung kailangan. Nagpapakain ng ekstraherong mga pagkain (yogurt, cereal, spaghetti) sa umagahan, tanghalian o hapunan.

Limang apo, na pulos may dugo at anyong dayuhan. At dilang dayuhan! Kahit bali-balikong Ingles ay ikinatutuwa ng mga bata at nauunawaan pa nga. Tuloy, baka hindi siya masabik sa naiwang dalawang apo sa Pinas.

Kalong ko kanina ang sanggol pang anak ni ate. Masarap magpatahan ng baby, nakikipamangka sa mga musmos na pintig ng puso niya. Marahan din ang dampi ng munti niyang kamao sa dibdib ko. Masintang ilaw, magiliw na indak at disimuladong oyayi at mahimbing siya sa piling ko, hanggang dumating ang kanyang nanay.

Ang lundo ng pagiging tatay. Hayskul ko pang pinagpapantasyahang maging tatay. Ang mapuyat sa gabi, magpalit ng diaper, magbiyahe sa bus kalong ang anak. Ang umiyak at mamatay para sa karugtong na buhay. Magiging bahagi siya ng buhay ko, ng buhay namin ng aking mahal, sa hinaharap at hanggang wakas pa.

Maningning na talinhaga ng pagmamahal na wagas.

Sunday, October 01, 2006

Ika-1 ng Oktubre, dosmilsais

I run the house today, like in the past days. Gray, pointed clouds give dim lights. This makes houses here more like un-alive. And so a few machines that sort out life easier. That’s what they do; this is what this place does to people. Into the winter, they go cold and rusty, like their hearts who had numbed to listen to people. Colder it is going to be right after October.

Subok lang kung marunong ba ako sumulat sa Ingles. Not so bad I guess. (Syet na malagkit)

Pagtatangka yan na ilarawan ang mundo dito, sa kabilang ibayo. Kung sa bayang pinanggalingan ay mainit na tila bulkan, dito’y malamig na abong papawirin ang nagpapadilim.

Ilang linggo pa’y babagsak ang kinagigiliwan ng lahat, lalo ng mga tao sa bayang pinanggalingan. ‘Di ba’t munting pag-ulan ng yelo lamang ay nababalita na sa TV sa Pinas? Kung dito’y hagupitin ng bagyo ang mga punong pino at mga tao’t kanilang ari-arian, tiyak na malaking balita.

Sa atin ay normal na pala-bagyo. Ang bagyong Milenyo, tila tagibang. Damit na sukat sa mga bagong dugo ng aking panahon na unti-unti, maski sa magkabilang dulo, ay nagiging manhid o palamasid.

Marami ang nagigising sa bagyo, na inaaararo ang kanilang bubong, o mismong bahay ang nahuhukay ng malakas na kaaway. Kailagan pa ba nito upang malinaw na makita na sa langit, sandamakmak na kontradiksyon ang naglalaban.

Ang sigwa ng buhay, ‘di mo alam kung ‘san ka tatangayin. Ngayon na’ron ka, bukas nasa kabila. Buti’t ang mga Pinoy, natural na kapit-sa-patalim. Palibhasa’y habang buhay na ‘atang pinagdadamutan kaya’t ang paglaban ay dugo ang kailangang kapalit.

Maraming ibig-sabihin ang unang araw ng Oktubre. Sa Pilipinas, maski ang nakatanghod sa mantika ay binabago ang ugali, ng bahay at buhay dahil paparating ang Pasko, sa paghihintay na makatanggap ng regalo. Pagkalipas ng unang araw, umpisa na ng ratsada ng buhay ko dito sa kabilang ibayo.

Ang tanong na kailan, o hanggang kailan ang pinakamatagal sagutin, pagkat siya din ba’y naghihintay? Lilipas naman ang Oktubre, at darating tayo sa paroroonan.