Wednesday, September 01, 2010

Sa Ating Ika-3 Taon


Ngayong araw, hinatiran ka ng anak mo ng maraming buko ng bulaklak ng carnation. Umuwi tayo, nanuood ng sine (after ten years), at pizza para sa pamilya. Isang card para sakin na nagsabi ng iyong paggiliw na walang maliw.

Ngunit higit pa, higit pa sa mga bagay na ito ang araw-araw nating selebrasyon ng ating pagmamahal.

Lagi kong pinasasalamatan ang iyong ‘di pagsuko sa simula’t simula pa. Dahil noon pa’y alam ko na sa sarili ko, na mahal kita, ikaw lamang, at handa na akong magpatiwakal. Pinaligaya mo ako sa nakalipas na anim na taon, hanggang sa mga segundong ito, sa mga oras at panahon na parating pa.

Mahal kita nang buong buhay ko, kayo ng ating si Andres. Mas marapat sabihing, salamat sa anim na taon nating pag-ibig. :)

Friday, July 16, 2010

Tatlong bituin at araw


Liwanag ng araw, simoy ng hangin, gintong tubig, magiliw na ngiti sa labi...walang katulad ang nasa Pilipinas.

Kakaibang lungkot itong meron ako sa pagbabalik namin dito sa kabilang ibayo. Lungkot kasi, parang bigla na namang napigtas ang pusod na nagdurugtong sa akin, sa amin, sa Pilipinas. Ang pamilya, mga kaibigan, mga kakilala...

Ang ganda ng Mayon, ng underground river sa Palawan, ang mga isla ng Hundred Islands, ang samyo ng Baguio, ang init, ingay at hagikgikan ng Maynila.

Kung tutuusin, sabi nga, wala ka nang hahanapin pa. Kayat pagdating mo dito sa ibang bansa, kahit kumpleto ka sa lahat, marami ka pa ring nawawala. Nawawala ang iyong pagka-Pilipino. Siguro’y isang kaing na ng kawalan iyon.

Kahit masikip, maputik, maantot, marumi. Kahit maingay, mainit, malubak, mahirap. Ma-kuto, ma-ipis, ma-daga, maraming bata. Walang trabaho, walang makain, walang matulugan, walang masilungan. Brown-out, laging binabagyo, laging nililindol.

May natural na ligaya kang madarama pag nasa sariling bayan. Ah, mahal ko pa rin ang Pilipinas.

Kumportable naman dito sa Canada. Mabait nang kaunti ang gubyerno, malinis ang paligid, maaayos ang buhay. Pero sa isip ko lang, mas feel na feel ang magpapicture na ang background ay ang Mayon kaysa Banff dito.

Kung sabagay, mabilis lamang lumipas ang mga panahon. Magigising na lang kaming nasa Pilipinas na ulit at malay, baka hanggang-hanggang na iyon.#

Saturday, March 13, 2010

Sa Iyong Ika-1 Kaarawan, Anak



Gaya ng ibang magulang, hindi pa rin ako makapaniwala anak. Lumipas na pala ang isang taon, kaarawan mo na. Isang taon na rin akong tatay dahil sa'yo.

Siyempre, marami ka nang kayang gawin ngayon. Tumayo. Maglakad. Manood ng tv. Paunti-unti mong nakakayang mag-isa. Ilang buwan pa, puwede na kitang iwanan.

Akala mo ba madali? Nasa isip kita kada minuto. Gising ka na kaya? Kumain ka na? Napalitan ba ang basang-basa mong diaper? Sinong umaalalay sa'yong pagtae? Hinahanap mo ba ang taytay?

Higit sa lahat ng kakayahang natutunan mo, ang pagkilala sa akin bilang tatay mo. Marunong ka nang ngumawa kapag umaalis ako, sa pagbalik ko naman, naiiyak ka din dahil nakita mo na ulit ako.

Nagpapasunong kang parang iyon lang ang mahalaga sa mundo.

Napapaiyak naman ako sa tuwing sisilip ka sa bintana't kumakaway sa tuwing aalis ako. Kung bakit kailangan pang magtrabaho ng taytay, mag-aral. Kung maaari ko lang saksihan ang unang 354 araw mo sa mundong ito, pero hindi.

Ginagawa ko ang mga ito, para sa'tin anak. Habang maliit ka pa, habang bubot pa ang iyong pag-unawa sa mga bagay. Sana nga'y pansamantala lamang ito. Pagkat gusto rin kitang makilala, gusto kong makilala mo ang mundo. Gusto kitang ipakilala sa mundo.

Parang kailan lang sabi nga sa kanta, pangarap ka namin ng naynay mo. Hindi ka namin pinlano ngunit dumating ka. Ngayo'y mag-iisang taon ka na sa mundo.

Maligayang kaarawan, anak. Maligayang kaarawan, sa aking pagiging tatay.#

Reflection #2

Mrs. X is a quadriplegic but very cheerful and positive about her recovery. She claims to be a victim of medical malpractice which resulted to her severely diminished capacity to live and the reason why she is away from her family.

I choose her as a subject for my health history project for the simple reason that she is Asian like me. Somehow, I get especially attracted to patients who are not from Canada, or from Canada but belong to minority groups. This is not to say that I discriminate among patients; I just think that minorities typically receive lesser privileges in our society.

She says that for two years, she served as a “guinea pig” for medical interns and student nurses. I asked if she still trusts the same system she believes caused her plight and at present caring for her. “I have no choice,” she says. A recent diagnostic test revealed she has made little improvements, which she credits to the hardworking multi-disciplinary team caring for her.

I realized that because medicine is an imperfect science that causes doctors to commit mistakes, nurses are there to care. Caring, holistic caring in particular should then be fundamental to all nurses. It is not learned in school like medical science, but is natural to every human. Unfortunately, uncaring nurses do exist and they are everywhere.

I have become witness to the humility of the nurses working on my assigned unit. They let their hands become “dirty” and to be “there” for the patients. They hold conversation, laugh along, and talk patients through their struggles while remaining vigilant in their conditions. They support each other as they have known each other for years. That is the kind of environment I want to work in and they are the kind of nurse I want to be.

The nurse was having a pleasant conversation with Mrs. X while flushing her g-tube when I walked into her room to start my project. When he left, I proposed to Mrs. X that when I finish school, I want to become her nurse and show her the same level of care. More than ever, I got excited about this prospect.#

Friday, February 26, 2010

Reflection #1

That second practicum day marked a new milestone to my career as a psychiatric nursing student. I was wearing the same scrubs I use at work, a pair of new shoes, a little notebook and a pen in my pocket. I realized for a moment upon entering the nurses’ station for change-of-shift report that I now see things from a different perspective---the perspective of a would-be nurse.

I have been working as an aide for a while. I have sat at many reports but I saw my role as being just an audience to the nurses who primarily discuss the care given. I felt more like an outsider in the very care I was providing to the clients. But now, my task is no longer limited to attending to the clients’ basic personal needs. Instead of doing the care like a mundane everyday routine for the clients, I begin to realize that every step of the care I give has a health reason.

Furthermore on that second day on the unit, I met three male psychiatric aides, also directing the staff, was a male nurse in his 50s. At work and even in class, it had always been female-dominated until then. This gave me somewhat, a sense of pride and belongingness. Alas, I thought, a niche for men in this female-dominated field in healthcare!

As I already have experience in providing personal care, the first part of the day went by smoothly. The only bottleneck in between residents’ care was the low supply on towels to wash the residents. Several residents had to wait because others were using the mechanical lifts. I took these as normal occurrences as not only once did they happen at the facility I work at.

Being on the unit, even for a day and-a-half, has made me see a different side of nurses. That nurses who deliver bedside care still do exist, as evidenced by the nurses on the unit providing total care. My exposure at work, where nurses are bound to their medcarts and do limited bedside care had somewhat blinded me. As what one of the nurses on the unit told me, bedside care is the only way nurses could truly assess, plan, implement and evaluate the care they are providing. I could only agree.

Tuesday, December 01, 2009

Ang linta, bow

Noong Sabado ng gabi, habang nagda-drive papunta sana sa b-day party ng pamangkin, nangyari ang hindi inaasahan. Sumadsad ang harap ni Asyong (palayaw sa una kong sasakyan) sa buntot ng isang pick-up truck. Ang damage, humigit-kumulang apat na libong dolyar.

Dito pa naman, walang nararating ang pakikipag-argumento sa nakabangga. Saka isa pa, dahil “rear-end” collission ang nangyari, ako ang 100 porsyentong may-sala. Pero tingin ko'y may sala din kahit papaano ang nakabangga ko. Kahit balot pa sa yelo ang daan. Wala namang nasaktan, tulog na tulog pa nga ang walong-buwan kong panganay.

Nangyari ito noong Sabado, kahapon naman, ang ate ang nakabangga. Kung ang sakin ang naka-anawns sa buong angkan ko dito, dahil nga nakarating pa rin kami sa b-day party kung saan present lahat ng mga kamag-anakan ko, ang kay ate nama’y sikreto.

Pinatotohanan nito ang utot na kasabihang, “Kung kelan ka nagtitipid saka lumalapit ang gastusin..”

Bagama't hindi naman "traumatic" ang nangyari, heto ang higit na nakaka-trauma.

Mabuti na nga lang may insurance, kung kunswelo ngang masasabi ito. Ang insurance broker ko na isang puti, hindi ko madamang empathic sa sitwasyon. Ang sabi niya, “You’re at fault in this case no matter what…and your insurance premium will increase,” ng halos singkwenta porsyento. Sasagutin ng kumpanya ang pagpapaayos, pero babawiin sa pamamagitan ng pagtaas ng bayarin.

Sinuma namin ang gastusin. Sasagutin ng kumpanya ang apat na libong repair, samantalang sa loob ng 3 taon, halos $1500 sa kabuuan ang itataas ng premium ko. Idagdag pa rito ang $500 na deductible na kailangan kong bayaran agad sa kumpanya para simulan ang pagsasaayos.

Sa ngayon $126 kada buwan ang ibinabayad ko. Sa susunod na Pebrero, kung sa parehong insurance company pa rin ako, ito’y magiging $175. Maglalabas ang kumpanya ng higit apat na libo, pero sa loob ng apat na taon, nagbayad ako sa kanila ng $8,400. Mulala lang magsasabing hindi kumita ang kumpanya sabihin mang gumastos sila.

Para kang nagtatapon ng pera. Kapag umuupa ka, nagagamit mo pansamantala ang bahay. Kung mangutang ka ng kotse, bawi mo sa pagtatrabaho, pag-aaral, pamamasyal. Ang mortgage, sa’yo ang bahay ilang taon man ang abutin sa pagbabayad.

Kung walang aksidente, walang saysay ang insurance. Kaya’t sige, magamit man lang kahit minsan. Kahit sabihin pang dahil dito’y higit nilang masipsip ang karampot na natitira sa akin.

Ang itsura ni Asyong, parang nangiwing kabayo na lubog ang kanang mata. Wasak din ang labi niya. Gusto ko pa rin siyang makita sa dati niyang matikas na ayos, na ang katumbas ay libo-libong pagpapakaalipin sa linta.#

(Ang pangyayari ayon sa pagkakatanda ko: Kagagaling naming mamili ng regalo at tinatahak namin ang daan na dudulo naman sa isang mas malaking kalye. Pula ang traffic light, nag-aantay ang truck upang makaliko pakanan. Pakanan din ang direksyon ko. Huminto ang traffic, nag-go ang protected left, na ibig sabihin ay right-of-way ng mga kakaliwa. Dito pa lamang sana'y lumiko na ang truck dahil hindi naman siya tatamaan ng mga sasakyan na tatahakin ang pinakamalapit na lane sa gitna. Nakapreno ako nang sapat sanang distansya kung lumiko siya. Dumulas lamang si Asyong dahil yelo ang daan).

Sunday, October 04, 2009

Nars blah #1

Si Kuya Ed, si Kuya Ramil, ako. Tatlo kaming mga Pilipino sa klase, pare-parehong mga tatay na. Dalawang taon mula ngayon, pare-pareho din kaming magiging nars, dito sa ibang bansa.

Isang buwan pa lang kami halos magkakakilala. Higit na kuya kesa kaklase ang turing ko sa kanila, tulad din siguro kung sa Pilipinas man kami kumuha ng nursing. Si Kuya Ed, isang chemist sa isang pharmaceutical company, si Kuya Ramil, isang psychiatric aide at ako naman, isang nurse aide dito sa Red Deer.

Tantiya ko’y nasa magkukuwarenta si Kuya Ramil, si Kuya Ed nama’y lagpas na. Ako’y magbebente-otso. Pero hindi lang kami ang mga may kargo na sa buong klase, may halos sampu pang may mga anak na din, ang iba pa nga’y single mom.

Kami ay mga tatay, kung sa atin pa nga, mga padre-de pamilya. May mga kakabit na mabigat na responsibilidad. Dito, nanay o tatay, ang sentro-de-grabidad ng responsibilidad ay maaring nasa nanay lang, nasa tatay lang, o nasa pareho.

Iyon na nga siguro ang pinakadahilan kung paano kami nagpanagpo sa kursong Psychiatric Nursing dito sa Canada. Mga magulang kami na gustong makasiguro sa kinabukasan ng sari-sarili naming pamilya.

Umpisa pa lang ng fall term, masigasig nang magsipag-aral ang dalawa. Laging nangunguna sa mga group activities. Walang kiyemeng magsalita sa klase. Dala siguro maturity. Kung tutuusin, mas maalwan sa oras silang dalawa dahil kapwa malalaki na ang mga anak, saka pawang mga nars din ang mga kabiyak.

Ako nama’y may magpipitong buwan pa lamang na sanggol. Ang aking si Andres, pinupuno ng hagikgik ang buong bahay, ganundin kapagka umiiyak, o umaarte lang. Ayaw ko namang lumipas lang ang kanyang pagkasanggol na wala ako sa tabi nilang mag-ina. Malaking guilt-feeling, ang totoo pa nga niyan, mas tumitibay ang damdamin kong magnursing dahil sa kanila. May purpose kumbaga.

Ang totoo, hindi ko pa mahawakan nang buo ang totoong damdamin ko sa pagna-nursing. May kung anong shame o pagkapahiya sa pride ko, na karaniwang damdamin ng isang may tinapos, pero ngayo’y nagbabalik-eskwela at kumukuha ng nursing. Ang tanging dahilan lang na naiisip ko ay nandito ako sa ibang bansa, at naroon ang oportunidad para sa isang marangal na trabaho.

Wala namang masama sa pagiging aide, ang panganay nga namin na isa ring aide, ang nagpasok sa akin sa ganitong trabaho. Lamang, sa isang journalism graduate sa’tin (sa UP if i may add) na hindi naman kinikilala dito bilang ganun na nga, nakakapambaba.

Parang nakaagos sa rutinaryong buhay ng mga pasyente ang buhay naming mga aide. Mula alas-3 hanggang alas 11, masusuma ko sa tatlong aktibidad ang ginagawa namin: magtayo ng mga residenteng ulyanin mula 3:30 hanggang 4:30 para sa supper (o dinner sa atin). Magpapakain. Pagkatapos ay isa-isang binibihisan, hinuhugasan (ang buong katawan), at inihihiga. Tapos. (Siguro halos 40% sa buong walong oras ay nakaupo kami at nagpapahinga).

Ang biruan namin, kami-kami ang magpupunasan ng puwet kapag dumating ang panahon na kami ang napunta sa nursing home. Iyon ay kung abutan na kami ng pagreretiro na ang tanging alam gawin ay iyon na nga, magpunas ng puwet.

Minsan-minsan, gusto mo sanang mas may magawa ka pa para sa pasyente. Pero dahil
hindi ka naman nurse, hindi mo alam kung paano. Naisip ko, para sa mga nurse sa atin na natengga na sa pagiging aide dito, hindi kaya mas nakakapanghina ng loob iyon? Nurse ka, alam mo ang puno’t dulo ng isang sakit (disease process) pero wala ka ring magawa.

Maraming dahilang alam na halos ng lahat kung bakit maraming mga Pilipinong nars na rehistrado sa atin ang hindi makapagtrabaho dito. Problema sa dokumento, sa pagpasa ng wikang Ingles, lagpas na sa 5-taong pagitan na wala sa pagnanars, etsetera. Marami sila, marami at nakakapanghinayang.

Pero taon-taon din kung dumagsa ang maraming nars mula sa atin na napapadpad sa iba’t ibang ospital upang magsilbi sa mga banyaga dito. Ilan taon pa, kasama na din nila ang kanilang mga pamilya.

Ako, talaga namang dati, malayo sa hinagap ko ang maging nurse. Gusto ko lang magsulat at magrebolusyon , piryud. Pero sino naman ang nagsabing hindi na puwedeng magsulat at magrebolusyon ang isang nurse? :)

Monday, August 24, 2009

Saturday, July 18, 2009

Senti-sentihan

Hindi ako makaisip ng pang-entrang senti. Mahirap mag-isip, lalo sa isang nangangarap pa ring maging manunulat. Pero sisimulan ko na lang..

Sabi nga ng bida sa mga happy-ending na pelikula, “wala na akong mahihiling pa..”

Hindi ako ganun ka-bida, pero masasabi kong sa lagay e, maayos-ayos na ako. May bahay, may kotse, may desenteng trabaho at career, may asawang mapagmahal, may kyut na anak (na lalaki). Ano pa nga ba naman ang mahihiling ko?

Hindi sa gusto kong lumaki ang mata ng mundo sa akin sa kung anumang meron ako sa ngayon. Sinasabi ko lang na, heto na ako, nangyari ang mga nangyari dahil na rin, gusto ko. I made my choice.

Sounds very defensive. Sino ba ang umaaway sa akin, ang ako noon o ako ngayon? Kung sakaling may makakita sa aking kakilala at itanong kung bakit ganito na ako ngayon, ang totoo, sasabihin kong wala namang gaanong nagbago.

Nakatatak na kasi sa akin ang pagiging aktibista. Dati, sa mata ng mga tao, sa UP pa lang, ako iyong tipong anytime ay mamumundok na. I was so confortable with who I was and just whatever I had before, nakatsinelas, naka-blue jeans, t-shirt, madalas may tubao, walang nami-miss na rali, etsetera. Masaya ako sa pakiramdam na, malaya ako at maraming kasama sa gusto kong ipaglaban.

Mahihiya akong makita kahit sino mang kasama ngayon. Kahit paano, may nabago sa akin. Sa ganun nila ako makikita, malayo sa dati nilang kilala. Pero dahil doon din ako nanggaling, alam kong mas malalim ang kanilang pang-unawa. Wala namang nabago sa mga gusto kong mangyari sa mundo, medyo pumurol nga lang ako, sa edukasyon.

Ang mga di tibak ko namang ka-barkada, na malapit din naman sa akin, uhm, siguro'y saka na ako magpapaliwanag kapag mismong sila ang magtanong. Tutal naman, pare-pareho na kaming may mabibigat nang responsibilidad sa mundo. Alam nilang ang aking rebolusyon, personal at pulitikal, ay hindi nakakahon.

Ah..tinitignan ko lamang ang mukha ng aking anak, alam kong gusto ko ng mas maayos na mundo para sa kanya. Sa kabila noon, gusto ko siyang lumaking malapit sa rebolusyon (since, Andres naman ang kanyang ngalan to start with hehe..) Gusto kong manahin niya, hindi ang materyal na yaman (na utang) na meron ako ngayon, kundi ang simpatya sa katulad niyang Pilipino.

Marami akong pangarap, ilan sa kanila'y natupad na, pasasaan ba't ibabalik ako ng aking mga paa (at tsinelas) sa dati nilang tinatahak.#

Wednesday, May 13, 2009

Anak

Alam mo bang hindi ka namin inaasahan ng iyong nanay? Pero ang hindi namin mas napaghandaan, ay ang pag-apaw ng saya at dumating ka..

Ano ba ang saysay ng mundong ito kung wala ka anak?

Siguro'y nakapagsarili pa kaming lalo ng iyong ina. Nakatapos muna ako habang abala ang iyong nanay sa pagtulong sa akin at sa iyong lola't uncle sa atin.

Nakakapag-ipon na sana kami para makauwi sa Disyembre. Unang Paskong makakasama ko, ang pamilya naman ng iyong nanay, ang kalahati ng aking pamilya.

Siguro'y makakapamasyal din kami sa ilang lugar dito sa Canada. Siyempre, magtatag-init dito ngayon. Maganda naman ang panahon para makasagap ng ibang uri ng hangin.

O kaya naman, simulang bumili ng kapirasong lupa sa atin na siyang pagtatayuan ng sarili nating bahay.

O kahit na lang ang paminsan-minsang magkaroon ng oras sa sarili..

Ah anak...mga mumunting pangarap lamang kumpara sa'yo.

Ang iyong mga hikbi, mga pagsibi, munting mga labi, at panimulang ngiti. Mapungay ang iyong mga mata, singkit, matingkad na bilog, maikling mga talukap. Malusog din ang iyong mga pisngi, mapula, maliit mong labi.

Alam mo bang marami ang nakakapansin sa'yo? Namamangha sila sa malago mong buhok. Silang mga puti na napapatanga sa'yo.

Ikaw ang buhay ko, kayo ng iyong nanay. Kayo ang nagbibigay kahulugan sa salitang saysay.#

Thursday, March 26, 2009

At siya'y naging si Andres

Anak ang kyut kyut mo. Mana sa tatay...at nanay :) Tama po ang inyong nabasa, Andres po ang kanyang pangalan sa kabila ng paglaban ng aking pamilya. Payak, tulad ng kanyang pagka-Pilipino. :)


Friday, March 13, 2009

Tuesday, December 30, 2008

Sipat

Kasi, mabilis lumipas ang mga araw.

Kahapon lang, mag-isa ako. Ngayon, magiging tatlo na kami, ng aking mahal, ng aking magiging panganay. Noon lang bente singko akong tao na nasa kalagitnaan ng buhay, noong nakaraang araw lang bente-syete na ako.

Ah, wala akong reklamo. Pagkat ginawa ko naman ang mga pinakamabuti, at maayos din ang naging mga kapalit. Wala naman akong mahihiling pa sa aking present, siguro lang ang patuloy na makaagapay sa araw-araw hanggang maabot ang mga pangarap.

'Di ako umaasa sa pinaka, hindi ako magpapakahirap na abutin ito, gaya ng ibang mga Pilipino dito sa kabilang mundo. Hindi ko sila masisisi, dahil sila'y nangangarap din lang. Ang pangarap ko naman, simple lang. Maging nars, maging mabuting asawa, maging matatag na tatay.

Oo, ang maging nars. Oo, dahil "in-demand". Oo, dahil sa kabilang banda, alam kong magiging mahusay akong bantay para sa aking panganay, asawa, ina at tatay, mga kapatid ko, at ibang mga tao.

Dati pa, alam ko na ang kakaibang kaligayahang nakukuha sa pakikisama, sa kanilang mga walang-wala. Masarap din naman ang magsulat tungkol sa kanilang mga istorya. Hindi ko naman iwinawaglit ang propesyung ito.

Siguro lang, kailangan ding gamutin ang mga sakit na dulot ng kalam ng kanilang sikmura, gaya ng matagalang-gamutan na kailangan sa ugat ng kanilang problema. Kasabay ng pagmumulat sa kanila sa kanilang kalagayan, ang pansamantalang lunas na maaring ibigay sa sari-sari nilang karamdaman sa katawan.

Higit pa rin ang lunas na maibibigay ng habambuhay na pagkamulat, pero doble ito kung maisasalba ang katawang bibigay na sa kahirapan.#

Monday, December 08, 2008

Saturday, November 22, 2008

Taguan

Nasa tiyan ka pa'y gustung-gusto mo nang maglaro anak! haha. Eksayted ka na ba? Konting hintay pa. :)

Friday, November 07, 2008

Muling Pagkikita


Ang totoo, pangalawang beses ka pa lang naming nakita anak. Pero gusto kong malaman mo na noon ka pa namin minahal.

Isang buwan pa lang ang lumipas, pero malaki na ang ipinagbago mo. Madalas na rin naming nararamdaman ang mga pagkislot mo.

Buong-buo ka na, kaunting paglaki na lamang at maaari ka na naming ipakilala sa mundo. Alam na rin naming, magiging junior ka ng ating pamilya. :)

Hayan, sana'y maging maayos ang paglaki mo. Eksayted na yata ang buong mundo sa pagdating mo!

Wednesday, September 03, 2008

Unang Sulyap

Ngayo'y nakita ka na namin, anak.

Pakiramdam ko'y napansin mo kaming nakatingin sa iyo ng iyong nanay, pagkat kumislot kang parang sumipa o dumuyan, parang sinasabi mong "Tatay! Nanay!"

Mga mumunti mong daliri, sa kamay at paa. Ang munti mong katawan. Ang pintig ng iyong puso.

Magkikita tayo ulit, bunso :)

Tuesday, August 05, 2008

Muntig Pintig

Mahal kita nang tanang buhay ko, ngayon pa lang, anak.

Dumating kang parang tala, na sa impis mong liwanag, parang luminaw ang buo kong mundo, ang mundo namin ng iyong nanay.

Ang nanay mo, umaarumbang sa magkakahalong kaba, saya at pagkalito. Maraming nagaganap sa kanya na dala ng iyong pagdating. Mga tanda na may isang ikaw, na magiging bahagi ng aming mundo pagkalipas ng siyam na buwan.

Anak, naiba ang pagtingin ko sa mundo una pa lamang malaman naming paparating ka. Na buhay ako, na bahagi ako ng mundo, na magiging tatay na ako.

Lagi kitang kinukumusta kay nanay mo, sana nadadama mo ang bawat haplos ko sa tuwing hinahaplos ko ang tiyan ng iyong nanay. Sinasabi kong mag-iingat ka anak.

Sa ngayon, siguro'y magdadalawang-buwan ka na. Kung maari lang tuusin ang buo mong edad pero hindi. Pagkat minu-minuto o bawat segundo pa nga, ay lumalaki ka sa milyun-milyong selula na magiging mong mata, ilong, labi, tenga, paa't mga kamay.

Pero alam mo bang nauunang pumintig ang maliit mong puso?

Magpagkatatag ka anak. Ngayong ga-bubot ka pa'y gusto kong malaman mong masaya kami ng iyong nanay sa iyong pagdating.#

Friday, July 25, 2008