Wednesday, May 13, 2009

Anak

Alam mo bang hindi ka namin inaasahan ng iyong nanay? Pero ang hindi namin mas napaghandaan, ay ang pag-apaw ng saya at dumating ka..

Ano ba ang saysay ng mundong ito kung wala ka anak?

Siguro'y nakapagsarili pa kaming lalo ng iyong ina. Nakatapos muna ako habang abala ang iyong nanay sa pagtulong sa akin at sa iyong lola't uncle sa atin.

Nakakapag-ipon na sana kami para makauwi sa Disyembre. Unang Paskong makakasama ko, ang pamilya naman ng iyong nanay, ang kalahati ng aking pamilya.

Siguro'y makakapamasyal din kami sa ilang lugar dito sa Canada. Siyempre, magtatag-init dito ngayon. Maganda naman ang panahon para makasagap ng ibang uri ng hangin.

O kaya naman, simulang bumili ng kapirasong lupa sa atin na siyang pagtatayuan ng sarili nating bahay.

O kahit na lang ang paminsan-minsang magkaroon ng oras sa sarili..

Ah anak...mga mumunting pangarap lamang kumpara sa'yo.

Ang iyong mga hikbi, mga pagsibi, munting mga labi, at panimulang ngiti. Mapungay ang iyong mga mata, singkit, matingkad na bilog, maikling mga talukap. Malusog din ang iyong mga pisngi, mapula, maliit mong labi.

Alam mo bang marami ang nakakapansin sa'yo? Namamangha sila sa malago mong buhok. Silang mga puti na napapatanga sa'yo.

Ikaw ang buhay ko, kayo ng iyong nanay. Kayo ang nagbibigay kahulugan sa salitang saysay.#

No comments: