Si Kuya Ed, si Kuya Ramil, ako. Tatlo kaming mga Pilipino sa klase, pare-parehong mga tatay na. Dalawang taon mula ngayon, pare-pareho din kaming magiging nars, dito sa ibang bansa.
Isang buwan pa lang kami halos magkakakilala. Higit na kuya kesa kaklase ang turing ko sa kanila, tulad din siguro kung sa Pilipinas man kami kumuha ng nursing. Si Kuya Ed, isang chemist sa isang pharmaceutical company, si Kuya Ramil, isang psychiatric aide at ako naman, isang nurse aide dito sa Red Deer.
Tantiya ko’y nasa magkukuwarenta si Kuya Ramil, si Kuya Ed nama’y lagpas na. Ako’y magbebente-otso. Pero hindi lang kami ang mga may kargo na sa buong klase, may halos sampu pang may mga anak na din, ang iba pa nga’y single mom.
Kami ay mga tatay, kung sa atin pa nga, mga padre-de pamilya. May mga kakabit na mabigat na responsibilidad. Dito, nanay o tatay, ang sentro-de-grabidad ng responsibilidad ay maaring nasa nanay lang, nasa tatay lang, o nasa pareho.
Iyon na nga siguro ang pinakadahilan kung paano kami nagpanagpo sa kursong Psychiatric Nursing dito sa Canada. Mga magulang kami na gustong makasiguro sa kinabukasan ng sari-sarili naming pamilya.
Umpisa pa lang ng fall term, masigasig nang magsipag-aral ang dalawa. Laging nangunguna sa mga group activities. Walang kiyemeng magsalita sa klase. Dala siguro maturity. Kung tutuusin, mas maalwan sa oras silang dalawa dahil kapwa malalaki na ang mga anak, saka pawang mga nars din ang mga kabiyak.
Ako nama’y may magpipitong buwan pa lamang na sanggol. Ang aking si Andres, pinupuno ng hagikgik ang buong bahay, ganundin kapagka umiiyak, o umaarte lang. Ayaw ko namang lumipas lang ang kanyang pagkasanggol na wala ako sa tabi nilang mag-ina. Malaking guilt-feeling, ang totoo pa nga niyan, mas tumitibay ang damdamin kong magnursing dahil sa kanila. May purpose kumbaga.
Ang totoo, hindi ko pa mahawakan nang buo ang totoong damdamin ko sa pagna-nursing. May kung anong shame o pagkapahiya sa pride ko, na karaniwang damdamin ng isang may tinapos, pero ngayo’y nagbabalik-eskwela at kumukuha ng nursing. Ang tanging dahilan lang na naiisip ko ay nandito ako sa ibang bansa, at naroon ang oportunidad para sa isang marangal na trabaho.
Wala namang masama sa pagiging aide, ang panganay nga namin na isa ring aide, ang nagpasok sa akin sa ganitong trabaho. Lamang, sa isang journalism graduate sa’tin (sa UP if i may add) na hindi naman kinikilala dito bilang ganun na nga, nakakapambaba.
Parang nakaagos sa rutinaryong buhay ng mga pasyente ang buhay naming mga aide. Mula alas-3 hanggang alas 11, masusuma ko sa tatlong aktibidad ang ginagawa namin: magtayo ng mga residenteng ulyanin mula 3:30 hanggang 4:30 para sa supper (o dinner sa atin). Magpapakain. Pagkatapos ay isa-isang binibihisan, hinuhugasan (ang buong katawan), at inihihiga. Tapos. (Siguro halos 40% sa buong walong oras ay nakaupo kami at nagpapahinga).
Ang biruan namin, kami-kami ang magpupunasan ng puwet kapag dumating ang panahon na kami ang napunta sa nursing home. Iyon ay kung abutan na kami ng pagreretiro na ang tanging alam gawin ay iyon na nga, magpunas ng puwet.
Minsan-minsan, gusto mo sanang mas may magawa ka pa para sa pasyente. Pero dahil
hindi ka naman nurse, hindi mo alam kung paano. Naisip ko, para sa mga nurse sa atin na natengga na sa pagiging aide dito, hindi kaya mas nakakapanghina ng loob iyon? Nurse ka, alam mo ang puno’t dulo ng isang sakit (disease process) pero wala ka ring magawa.
Maraming dahilang alam na halos ng lahat kung bakit maraming mga Pilipinong nars na rehistrado sa atin ang hindi makapagtrabaho dito. Problema sa dokumento, sa pagpasa ng wikang Ingles, lagpas na sa 5-taong pagitan na wala sa pagnanars, etsetera. Marami sila, marami at nakakapanghinayang.
Pero taon-taon din kung dumagsa ang maraming nars mula sa atin na napapadpad sa iba’t ibang ospital upang magsilbi sa mga banyaga dito. Ilan taon pa, kasama na din nila ang kanilang mga pamilya.
Ako, talaga namang dati, malayo sa hinagap ko ang maging nurse. Gusto ko lang magsulat at magrebolusyon , piryud. Pero sino naman ang nagsabing hindi na puwedeng magsulat at magrebolusyon ang isang nurse? :)
1 comment:
Bonjour, langay-langayan.blogspot.com!
[url=http://viagramasbarata.fora.pl/ ]comprar viagra en espana[/url] [url=http://escialis.fora.pl/ ]comprar cialis [/url] [url=http://cialisespana.fora.pl/ ]vendo cialis online[/url] [url=http://cialises.fora.pl/ ]comprar cialis online[/url] [url=http://cialismedica.fora.pl/ ] cialis en espana[/url] [url=http://cialissinreceta.fora.pl/ ]comprar cialis en espana[/url]
Post a Comment