Saturday, July 18, 2009

Senti-sentihan

Hindi ako makaisip ng pang-entrang senti. Mahirap mag-isip, lalo sa isang nangangarap pa ring maging manunulat. Pero sisimulan ko na lang..

Sabi nga ng bida sa mga happy-ending na pelikula, “wala na akong mahihiling pa..”

Hindi ako ganun ka-bida, pero masasabi kong sa lagay e, maayos-ayos na ako. May bahay, may kotse, may desenteng trabaho at career, may asawang mapagmahal, may kyut na anak (na lalaki). Ano pa nga ba naman ang mahihiling ko?

Hindi sa gusto kong lumaki ang mata ng mundo sa akin sa kung anumang meron ako sa ngayon. Sinasabi ko lang na, heto na ako, nangyari ang mga nangyari dahil na rin, gusto ko. I made my choice.

Sounds very defensive. Sino ba ang umaaway sa akin, ang ako noon o ako ngayon? Kung sakaling may makakita sa aking kakilala at itanong kung bakit ganito na ako ngayon, ang totoo, sasabihin kong wala namang gaanong nagbago.

Nakatatak na kasi sa akin ang pagiging aktibista. Dati, sa mata ng mga tao, sa UP pa lang, ako iyong tipong anytime ay mamumundok na. I was so confortable with who I was and just whatever I had before, nakatsinelas, naka-blue jeans, t-shirt, madalas may tubao, walang nami-miss na rali, etsetera. Masaya ako sa pakiramdam na, malaya ako at maraming kasama sa gusto kong ipaglaban.

Mahihiya akong makita kahit sino mang kasama ngayon. Kahit paano, may nabago sa akin. Sa ganun nila ako makikita, malayo sa dati nilang kilala. Pero dahil doon din ako nanggaling, alam kong mas malalim ang kanilang pang-unawa. Wala namang nabago sa mga gusto kong mangyari sa mundo, medyo pumurol nga lang ako, sa edukasyon.

Ang mga di tibak ko namang ka-barkada, na malapit din naman sa akin, uhm, siguro'y saka na ako magpapaliwanag kapag mismong sila ang magtanong. Tutal naman, pare-pareho na kaming may mabibigat nang responsibilidad sa mundo. Alam nilang ang aking rebolusyon, personal at pulitikal, ay hindi nakakahon.

Ah..tinitignan ko lamang ang mukha ng aking anak, alam kong gusto ko ng mas maayos na mundo para sa kanya. Sa kabila noon, gusto ko siyang lumaking malapit sa rebolusyon (since, Andres naman ang kanyang ngalan to start with hehe..) Gusto kong manahin niya, hindi ang materyal na yaman (na utang) na meron ako ngayon, kundi ang simpatya sa katulad niyang Pilipino.

Marami akong pangarap, ilan sa kanila'y natupad na, pasasaan ba't ibabalik ako ng aking mga paa (at tsinelas) sa dati nilang tinatahak.#

No comments: