Sunday, September 24, 2006

Ibang Mundo

Lunes ngayon sa Pinas, isang linggo matapos kaming bumyahe upang mangibang-bansa.

Abstrakto pa ang lahat, mula sa kung paano gumamit ng ganto-at-ganung makinarya, at kung saan hahantong itong pangingibang-bayan.

May ibang mundo dito, 180 degri ang pinagkaiba sa alumpihit na lipunang pinanggalingan. Kung paanong nilibot ng sinakyang eroplano ang dagat pasipiko, ganun din ang layo sa mundong sinilangan.

Simula sa de-motor na gamit sa kusina. Walang gasinong lakas na nauubos dahil kuryente ang nagdidikta sa pagtimpla ng kape, paghugas ng pinggan, paglalaba ng damit, at pag-iinit ng pagkain.

Palagay ko'y sanlaksang makina ang nagpapa-ikot sa mga modernong pagawaan ng sanlaksang kagamitang 'di maubos ng mga taga-rito.

Sabi ng mga ate, mabuti't nandito kami. Ngayo'y 'di masasayang ang pagkaing sa tagal na naimbak ay sa basurahan din ang tuloy. 'Di lamang nakapanghihinayang ang pagkain, kundi ang lakas na iniambag para sa lumikha ng mga yon.

Sa umaga, parang ghost town ang buong paligid. Walang tao kang makikita, na nakatambay sa may kanto, o nagti-tsismisan sa umaga. Nakikipagtitigan ka sa mga bahay na walang buhay dahil pare-pareho lamang ang itsura.

Ni ang tanong ng cashier sa department store, "how are you? are you good?" ay malamig pa sa hangin na lalong nag-papaalala sa alinsangan ng buhay sa Maynila.

Kanya-kanya umano ang buhay dito. Malakas ang loob ng mga Pinoy dito, sa kuwento nila ate. Napagkakatiwalaan sa sipag at tiyaga. Kaya umaasenso. Pero ako, pinanabikan ko ang simpatya ng mahirap sa kapwa mahirap sa Pinas.

Nananabik na'ko kahit sa malabusaw na mundo ng mahirap sa Maynila. Kahit ganito, may santalaksang buhay na magkakakapit-kamay sa tanang rebolusyon.

1 comment:

Kat said...

En andyan ka na pala. Ingat ka. Malungkot sa simula, pero kasama mo naman pamilya mo -- kaya kahit paano may saya. Pero oo naman, hahanap-hanapin mo talaga ang Pilipinas. Kapit ka lang. Miss na kita. Ang laki ng utang mo sa akin dahil HINDI KA NAGPAKITA BAGO KA UMALIS!!!

hehehe.

Kailan ang balak mong pag uwi? Sana balitaan mo ako. Lab yu.