Gusto kong batiin ka sa napili mong buhay. Nakakainggit ka, natutunan mong ngumiti nang punung-puno ng kabuluhan – pagkat nalaman mong ika’y talagang para sa kanila. At marami silang nakangiti din sa’yo, na hanggang sa huli ay nagsilbi sa kanila. Naging isa sa kanila.
Hanggang alaala na lamang ako. Kakatwa. Kahit napakalayo ko’y napakalapit ng mga alaala ko sa’yo. Ang bilugan mong mukha, ang palaintindi mong mga mata, at payapa mong ngiti. Isa kang ate, kapatid, kaibigan, kalambingan, pamilya, kaiyakan, kasama. Kasama.
Siguro’y iyon na nga. Kahit wala ka na’y nariyan ka sa maraming mukha ng masa. Ika’y mukha ng kanilang pighati, pag-asa. Kung gusto kitang makita at mas makilala, kailangan lamang humakbang ako sa mga landas na tinahak mo. Kailangan ko lamang tumingin sa kanilang mga mukha at alam ko nang buhay ka at nariyan. Buhay ang iyong pinaglaban.
Kulang na kulang ang taas-kamaong pagpupugay para sa’yo. Hindi kasya ang mapulang pagtangis na kaya ko lang ipaabot sa bahaging ito ng mundo. Pero hindi ka naman naghanap ng kapalit. Pagkat alam mo kung paano ang mag-alay ng walang hinihintay.
Kaya’t hindi paalam, kundi padayon sa iyong naiambag!
Isang araw ay dadalaw ako kung saan ka nila nakilala. Makikinig, mapag-iisip, mapapangiti dahil sa kanilang mga mukha, alam kong nakangiti kang patuloy na nakikibaka!