Sunday, February 27, 2011

Paghihintay

Bakit nga ba ‘pag hindi mo pa mangyari ang pinakaasam-asam mo’y parang lahat na lang ng bagay ay bitin? Para kang nakabitin sa trapeze na sa halip na sa bawat hakbang ay palapit at parang lalong lumalayo sa dulo. Balanse ka nang balanse pero lalo kang parang nabubuwal. Marami ka ring audience na parang hinihintay kang malaglag at bumagsak sa masakit na katotohanang, hindi mo pa kaya.

Pero lagi ka naming may pagkakataon para umulit. Dahil ang tunay mong audience ay ang iyong sarili. Matumba ka’t hindi ikaw ang magpapasya kung sa bandang huli ay lalo kang palalakasin ng bawat lagapak o lulugmukin nito.

Naks, parang dialogue sa pelikula. Hindi naman ako ganito magsulat. :) Trip lang.

Ang totoo niyan, may mga maliliit na pangyayari na kinapupulutan ko ng maliliit ding saya. Simpleng mga bagay na pwedeng bahagi lang ng araw-araw kong buhay. Ang hirap lang, parang nabibitin ang saya ng isang bagay na dapat nang mangyari pero kailangan pa ng kaunting paghihintay.

Ang pagnunursing, hindi naman ang ultimatum na pangarap ko sa buhay. Pakiramdam ko lang, kapag nakatapos na ako’y makakahinga na ako nang maluwag na maluwag na maaari ko na ring bigyan ng espasyo ang iba ko pang gustong mangyari sa buhay ko. Kasi, parang ang pakiramdam ko nga’y nakatungtong ako sa trapeze. Malapit na malapit na ako sa dulo, pero dahil sa inip ko’y parang isang buong habambuhay kong hinihintay.

Ilang buwan na nga lang ba? Tatlo. Sa Hunyo, maaari na akong magtrabaho bilang. At tatlong buwan pa ulit, licensure na.

Aarrgh! Walang kuwenta ang paghihintay na ito. Hindi ito ang ultimatum ng buhay ko! Hindi dito nakasalalay ang habambuhay na kaligayahan! Marami pang puwedeng paghirapan!

Kaunting tiis na lang.

Maaari na ulit akong kumuha ng larawan. Pwedeng maggitara. Gumuhit at magpinta. Magbasa!

Higit sa lahat, mag-organisa. Magmobilisa. Ang totoo niyan, itong huli’y pilit ko nang isinasabay habang tinatapos ko ang pagnanars.

Gusto kong bumalik sa Pilipinas. Humalik sa kanyang mga bundok, simsimin ang matamis niyang papawirin. Hangin! Sumakay ng bus! Ang ulan sa may bintana! Paparating sa bukana!

Ng kanilang mga pusong sinawi ng kahirapan. Silang pinahihirapan ng mga sakit. Ang madama sila ng malapitan, maeksamen ang kanilang karamdaman.

Ah...ilang daang libo nga ba ang rehistradong nars sa Pilipinas na walang trabaho? Kung kahit kalahati lamang ay nagsisilbi sa mga baryo at maralita ng lunsod...

Pansamantala, maghihintay na muna ako.#