Friday, July 16, 2010
Tatlong bituin at araw
Liwanag ng araw, simoy ng hangin, gintong tubig, magiliw na ngiti sa labi...walang katulad ang nasa Pilipinas.
Kakaibang lungkot itong meron ako sa pagbabalik namin dito sa kabilang ibayo. Lungkot kasi, parang bigla na namang napigtas ang pusod na nagdurugtong sa akin, sa amin, sa Pilipinas. Ang pamilya, mga kaibigan, mga kakilala...
Ang ganda ng Mayon, ng underground river sa Palawan, ang mga isla ng Hundred Islands, ang samyo ng Baguio, ang init, ingay at hagikgikan ng Maynila.
Kung tutuusin, sabi nga, wala ka nang hahanapin pa. Kayat pagdating mo dito sa ibang bansa, kahit kumpleto ka sa lahat, marami ka pa ring nawawala. Nawawala ang iyong pagka-Pilipino. Siguro’y isang kaing na ng kawalan iyon.
Kahit masikip, maputik, maantot, marumi. Kahit maingay, mainit, malubak, mahirap. Ma-kuto, ma-ipis, ma-daga, maraming bata. Walang trabaho, walang makain, walang matulugan, walang masilungan. Brown-out, laging binabagyo, laging nililindol.
May natural na ligaya kang madarama pag nasa sariling bayan. Ah, mahal ko pa rin ang Pilipinas.
Kumportable naman dito sa Canada. Mabait nang kaunti ang gubyerno, malinis ang paligid, maaayos ang buhay. Pero sa isip ko lang, mas feel na feel ang magpapicture na ang background ay ang Mayon kaysa Banff dito.
Kung sabagay, mabilis lamang lumipas ang mga panahon. Magigising na lang kaming nasa Pilipinas na ulit at malay, baka hanggang-hanggang na iyon.#
Subscribe to:
Posts (Atom)