Noong Sabado ng gabi, habang nagda-drive papunta sana sa b-day party ng pamangkin, nangyari ang hindi inaasahan. Sumadsad ang harap ni Asyong (palayaw sa una kong sasakyan) sa buntot ng isang pick-up truck. Ang damage, humigit-kumulang apat na libong dolyar.
Dito pa naman, walang nararating ang pakikipag-argumento sa nakabangga. Saka isa pa, dahil “rear-end” collission ang nangyari, ako ang 100 porsyentong may-sala. Pero tingin ko'y may sala din kahit papaano ang nakabangga ko. Kahit balot pa sa yelo ang daan. Wala namang nasaktan, tulog na tulog pa nga ang walong-buwan kong panganay.
Nangyari ito noong Sabado, kahapon naman, ang ate ang nakabangga. Kung ang sakin ang naka-anawns sa buong angkan ko dito, dahil nga nakarating pa rin kami sa b-day party kung saan present lahat ng mga kamag-anakan ko, ang kay ate nama’y sikreto.
Pinatotohanan nito ang utot na kasabihang, “Kung kelan ka nagtitipid saka lumalapit ang gastusin..”
Bagama't hindi naman "traumatic" ang nangyari, heto ang higit na nakaka-trauma.
Mabuti na nga lang may insurance, kung kunswelo ngang masasabi ito. Ang insurance broker ko na isang puti, hindi ko madamang empathic sa sitwasyon. Ang sabi niya, “You’re at fault in this case no matter what…and your insurance premium will increase,” ng halos singkwenta porsyento. Sasagutin ng kumpanya ang pagpapaayos, pero babawiin sa pamamagitan ng pagtaas ng bayarin.
Sinuma namin ang gastusin. Sasagutin ng kumpanya ang apat na libong repair, samantalang sa loob ng 3 taon, halos $1500 sa kabuuan ang itataas ng premium ko. Idagdag pa rito ang $500 na deductible na kailangan kong bayaran agad sa kumpanya para simulan ang pagsasaayos.
Sa ngayon $126 kada buwan ang ibinabayad ko. Sa susunod na Pebrero, kung sa parehong insurance company pa rin ako, ito’y magiging $175. Maglalabas ang kumpanya ng higit apat na libo, pero sa loob ng apat na taon, nagbayad ako sa kanila ng $8,400. Mulala lang magsasabing hindi kumita ang kumpanya sabihin mang gumastos sila.
Para kang nagtatapon ng pera. Kapag umuupa ka, nagagamit mo pansamantala ang bahay. Kung mangutang ka ng kotse, bawi mo sa pagtatrabaho, pag-aaral, pamamasyal. Ang mortgage, sa’yo ang bahay ilang taon man ang abutin sa pagbabayad.
Kung walang aksidente, walang saysay ang insurance. Kaya’t sige, magamit man lang kahit minsan. Kahit sabihin pang dahil dito’y higit nilang masipsip ang karampot na natitira sa akin.
Ang itsura ni Asyong, parang nangiwing kabayo na lubog ang kanang mata. Wasak din ang labi niya. Gusto ko pa rin siyang makita sa dati niyang matikas na ayos, na ang katumbas ay libo-libong pagpapakaalipin sa linta.#
(Ang pangyayari ayon sa pagkakatanda ko: Kagagaling naming mamili ng regalo at tinatahak namin ang daan na dudulo naman sa isang mas malaking kalye. Pula ang traffic light, nag-aantay ang truck upang makaliko pakanan. Pakanan din ang direksyon ko. Huminto ang traffic, nag-go ang protected left, na ibig sabihin ay right-of-way ng mga kakaliwa. Dito pa lamang sana'y lumiko na ang truck dahil hindi naman siya tatamaan ng mga sasakyan na tatahakin ang pinakamalapit na lane sa gitna. Nakapreno ako nang sapat sanang distansya kung lumiko siya. Dumulas lamang si Asyong dahil yelo ang daan).