Monday, May 12, 2008

Panganay

Sana makita mo, anak, kung gaano ko pinaghandaan ang pagdating ng mama mo dito, sa kabilang mundo.

Akala mo madali, pero nadadaan sa pagtitiyaga ang lahat. Saka..konting guts.

Kabadong-kabado ako, gaya nung una akong umuwi sa'ten, nang una kaming magkahiwalay ng milya-milya. Siyempre kasi, ilang buwan ko ding hindi nakasama ang nanay mo. Nagkikita kami at nagkakausap sa tinatawag ngayong, cyberspace.

Naalala kong una niyang sinabing, long hair daw ako. Parang nuong una akong nagpunta sa bahay nila't at sabi ng iyong lola Bebe, na mahaba nga daw ang aking buhok. Kinabukasan ay pinaggupitan ko kaagad, sa sobra kong pagkapahiya.

Kahit magkaganong magkalayo kami, hindi nagbago ang aming pagtingin. Para kaming nagkalayo, kahapon lang. Ng ilang dyip lang ang sakay. Ng ilang oras lang ang lumipas.

Masarap sa buhay, ang pag-uumpisa, mula sa wala. Gusto kong malaman mo yan, pagka't baka dito ka lumaki sa dayuhang bansa, na sagana sa materyal na mga bagay.

Sana makita mo ang aming pag-uumpisa ng iyong mama. Lagi kong inaalo ang mama mo, dangan kasi lagi siyang nag-aalala. Ewan ko ba, kasama naman niya ako. Baka kaya.

O sige, mahimbing ka na. Maya-maya parating na ang iyong mama.

:)