Mahal kita nang tanang buhay ko, ngayon pa lang, anak.
Dumating kang parang tala, na sa impis mong liwanag, parang luminaw ang buo kong mundo, ang mundo namin ng iyong nanay.
Ang nanay mo, umaarumbang sa magkakahalong kaba, saya at pagkalito. Maraming nagaganap sa kanya na dala ng iyong pagdating. Mga tanda na may isang ikaw, na magiging bahagi ng aming mundo pagkalipas ng siyam na buwan.
Anak, naiba ang pagtingin ko sa mundo una pa lamang malaman naming paparating ka. Na buhay ako, na bahagi ako ng mundo, na magiging tatay na ako.
Lagi kitang kinukumusta kay nanay mo, sana nadadama mo ang bawat haplos ko sa tuwing hinahaplos ko ang tiyan ng iyong nanay. Sinasabi kong mag-iingat ka anak.
Sa ngayon, siguro'y magdadalawang-buwan ka na. Kung maari lang tuusin ang buo mong edad pero hindi. Pagkat minu-minuto o bawat segundo pa nga, ay lumalaki ka sa milyun-milyong selula na magiging mong mata, ilong, labi, tenga, paa't mga kamay.
Pero alam mo bang nauunang pumintig ang maliit mong puso?
Magpagkatatag ka anak. Ngayong ga-bubot ka pa'y gusto kong malaman mong masaya kami ng iyong nanay sa iyong pagdating.#