Thursday, May 31, 2007

Naaalala...



Masarap ang mga ala-ala, parang malamig na ulan na basta bubuhos na lang hanggang malunod ka sa lungkot, sa saya.

Pero masarap ang mga ala-ala, siguro'y kapag ayaw mo nang ngumiti, nakakakiliting ala-ala lamang ang makakapangiti sa'yo.

Masayang mga ala-ala, ng nasa bahay lang. Ng pauwi...

Ang ala-ala ng biyahe...

Maraming ala-ala ng pag-iisa, siyempre...

Yun ang pinakamasakit na mga ala-ala. Na ika'y mag-isa.

Ang iyak ng aking mga tsinelas, sa damuhan sa UP. O dyip na patungong Rotonda...

Ang mainam na yakap ng tubao sa init o lamig....

Ang layo ng nararating ng samyo ng aroma ng kape...

Ah, ala-ala. Masaya.

Tuesday, May 29, 2007

Saturday, May 12, 2007

Sunday, May 06, 2007

Bakpak

Simula nang matuto akong maging tibak, natutunan ko na ding mamuhay sa maliit kong bakpak.

Parang simbolo iyon na isa na akong bagong tao. Kasabay ng ilan ding pagbabago pa sa sarili: nahilig magsuot ng tubao kahit wala namang rali, magsuot ng lontang sira na (levis), tsinelas na sira din, manipis na t-shirt, saka siyempre, bakpak.

Para akong mamumundok anumang oras.

May masarap na pakiramdam ang laging diskusyon, saanman, kahit sa rali. Masarap ang mag-usap tungkol sa personal at panlipunang pulitika. Masarap ang mag-isip tungkol sa simpleng pamumuhay.

May masarap na pakiramdam ang gabi-gabing pag-aayos ng laman ng bakpak. Ng paulit-ulit na pagtutupi ng mga damit, ng pagsisinsin ng mga babasahin, ng pagtatabi ng mga importanteng panlinis ng katawan, sa loob ng bakpak.

Kaya't pag nakita ka ng mundo'y, iisa ang tingin sa'yo ng lahat. Isa kang tibak. Ganito ka mag-isip, kaya't ganyan ka, manamit. Ganito ka ka-tapang, kaya't ganyan ang istayl mo. Bulok.

Wala ka namang gustong patunayan, hindi ka rin naman naghahamon ng debate. May lugar ang mga bagay-bagay sa mundo. Gaya ng mga maliliit, importanteng bagay at gamit sa loob ng bakpak mo. Nakasilid sa dapat nilang pagsidlan.

Kaya't kapag nilabas mo sila isa-isa, ang gusto mo lang sabihin,

"Gusto ko ng simpleng buhay, kaya ako ganito. Lahat tayo ganun ang gusto. Ang diprensya nga lang, ang gusto ko'y unahin muna ang sa mga wala. Kaya't hindi madali. Malay mo, sa ibang pagkakataon, mauna ka pa sa'kin ng ilang hakbang.

Pero sa ngayon, hayaan mo muna akong mamuhay ng ganito. Hindi madali, pero ito ang aking pinili."