Monday, November 27, 2006

RHB entry #1

Parang nalulunod ka sa lungkot na inilulutang sa saya. Naka-drugs kang parang hindi. Tila gusto mong magwala, itapon sa kadulu-duluhan ng mundo ang lahat, ang sarili mo pati. Maiiyak ka, marahil sa sobrang lungkot o saya, sa iyong kababawan. Pero higit sa lahat, sa ganitong state yata higit na naging malaya ka sa isip at kaluluwa.

Sabi ni Gelen*, sobra daw ako sa toma. Mapag-aya, o madaling maaya, o kaya naman nandadaya para lang makatagay.

Depensa ko naman, hindi ako lasenggero. Gusto kong uminom pero hindi araw-araw. Iinom kung kelan nasa mood. Kung may usapan, at hindi ako ang aareglo sa pantoma, sige lang ako. Kung kailangang pumatak, papatak kahit singko.

Usapin ng pera ang dispusisyon ko sa pag-inom. Nung nasa Maynila pa ako't salat na salat ang pera, madalang akong tomoma. Kapag trip lang, pampadulas. Pampamanhid sa kabaliwan ng buhay. Hindi naman pagtakas, lalo kung hindi naman madalas.

Ayoko ng inom sa bar, o disco dahil maingay, at binibilang mo ang boteng kaya ng bulsa mo. Kung mag-uusap kayo'y sigawan. Walang consistency ang ilaw. Madalas malikot, madilim at mapanlinlang sa totoong dama ng kausap. At, mahirap kausap ang cellphone ng kung ilang oras din, habang nag-aapuhap ng mapag-uusapan. Sa kumustahan, at kuwentuhan sa kung anu-anong nangyari kamakailan lang, hanggang dito lang ang nararating ng usapan.

Mas gusto ko ng toma na sa bahay lang, o habang nanunood ng senting pelikula. Mas gusto ko ng inom habang naliligo sa beach o pool. Mas gusto kong uminom ng mag-isa. Mas sanay akong uminom sa bote mismo at hindi sa baso. Tila unti-unting pagkilala sa ispiritu ng beer, habang unti-unti ring humahalo sa'yo ang kalasingan.

May inom kami ni Jopes na sa tindahan lang. Dalawang beses iyon minsan na buryung na buryong kami sa bahay. Maalinsangan at masarap magpalamig sa labas. Alala ko pa nung unang inom namin sa isang tindahan sa Krus na Ligas dahil in-indian kami ni Agatha. Yun pala'y naipit ito sa isa pang inuman bago sa oras ng aming usapan.

Alala ko din yun pagkat duda kami sa anawnsment niya nung gabing iyon, na sila na ng kanyang sinta ngayon. :)

Higit na natatandaan ang mga tomang may komedi. Marami noon nung nasa UP pa ako habang tumatanda kasama ng nagisnang barkada. May naglulupasay sa hagdan, may gustong umakyat sa rebulto ni Bonifacio, may nagda-dive sa mesa, may humihiga sa kalsada, may halatang nanananching at marami pang kakyemehan na sa inom lamang nailalabas.

At siyempre. Ala-ala ng mga inumang nagpapaiyak. (Part two yan)

RHB ang paborito kong inumin. Swabe sa lalamunan lalo kung malamig. Manlalaban ka sa mabilis na pagkalasing. Nakakadalawa lamang ako't lumilikwad na ang aking bituka. May sariling hilo ding nilalabanan ang mga tuhod. Makatatlo ka'y iikot na ang iyong mata sa antok at kalasingan.

Ito ang state na ayaw na ayaw ko sa inuman. Kaya't gusto ko ng inom na may pinagkakaabalahan. Hindi rin epektib sa akin ang pagkanta o videoke, pagkat pumapangit ang boses habang sinasagad ang inom.

Talagang nakakasuka ang pagsusuka. Parang metro mo iyon na tanda ng iyong limitasyon. Hindi alam nila Gelen, ngunit dalawang bote lamang ng red horse ay nasusuka na ako't pilit na pilit ang pag-aktong normal at wala pang tama. Alin sa dalawa, magaling akong uminom o magaling akong umarte.

Pinakamasarap laging inuman kapag si tatay ang ka-one-on-one ko. Tatay at anak, maski paano'y seryoso ang pag-uusap at may pagka-heart-to-heart. Siguro'y kay tatay ko namana ang hilig sa beer.

Pero siya, mapili sa inumin. Gusto pa yung stateside. O basta inuming de-klase kahit hindi siya sanay dito wala siyang dalawang-isip na inumin.

Ah, pag-inom. Nung nakaraan lang, bahagi ng summary ko ng mga gusto kong gawin sa buhay ang uminom ng paborito kong beer---kasabay ng mga simpleng pangarap na magsulat, maggitara, mamuhay sa beach, magbiyahe...

Masama bang gustuhin ang isang simpleng bagay lang? Ang matandang manunulat ngang si Nick Joaquin, kaulayaw ang kanyang paboritong beer habang pinapanawan ng sariling ispiritu.#

Tagay ito kay Kuya, na tiyak na umiinom ngayong araw na kanyang kaarawan.

Friday, November 24, 2006

Oyayi para kay Nanay


Kung babalik lang ang mga taon, kung puwede lang hilahin pabalik ang panahon, siguro'y ginawa ko na.

Mga panahon kung saan higit na nadama ni ina ang saysay niya sa mundong ito. Ang papel ng isang karaniwang nanay na buong puso niyang sinarili hanggang bawat isa sa kanyang mga anak ay magkayapak at kusang maghanap ng kanilang mga pugad.

Siguro'y isa-isa niya kaming tinititigan kapag nakahiga kaming parang hinilerang lumpiya dati sa pagtulog. Siguro'y iniisip niya kung magiging ano kami paglaki. O paano kami kinabukasan kung walang maisalang sa hapag-kaninan. O magpasalamat dahil dumating kaming lahat sa buhay niya.

Tinatapik-tapik niya ang sa may bandang puwitan ko, para lamang makatulog. Minsan may kahalo pa iyong kanta. Kung sa ilang paslit kailangan niyang gawin iyon, hanggang sa siya ang pinakahuling mahimbing. Siya rin ang mauunang magigising kinabukasan, para asikasuhin ang mga ate. Si tatay ang pinakahuli, buhat sa pagtatraysikel sa nakaraang madaling-araw.

Kung ano ang tira sa nakaraang gabi, siya niyang ihahanda sa umagahan. Madalas, tuyo na may kamatis, o pritong itlog at pan de sal, at sinangag. Higit sa lahat, may mainit na kape sa dambuhalang tasa para sa lahat.

Si nanay ang kamay na bakal sa bahay. Namamalo at nanghahabol ng pamalo. Makirot ang kanyang kurot. Basta siya ang bosing sa bahay, hindi si tatay.

Binabaha kami parati pagsapit ng tag-ulan. Doble-doble ang hirap nuon para sa kanya. Kailangang iakyat ang lutuan, ang mga pagkakainan, ang pansamantalang palikuran, kung maaaring ang buong banggerahan ay kaya niyang buhatin siguro'y gagawin niya. At ang kanyang mga halaman, kailangang maiwan at mababad sa baha. Basta't lahat kami ay ligtas na nakasampa sa aming munting dampa hanggang humupa ang baha.

Kapag ganitong umuulan at kahit ang elementarya's binabaha rin, lumalakad siya upang sunduin ako. Malakas ang hangin at ulan, ngunit nasa labas siya ng aming kuwarto hinihintay na matapos ang klase. Kung swerteng masalubong si tatay ay makakalibre kami ng sakay pauwi. Kundi ay lusong kami sa baha, ulanan at malamig na haplit ng hangin hanggang bahay.

Siguro'y ipinagmamalaki din niya ako kahit paano. Sa buong panahon ko sa elementarya at hayskul ay lagi siyang umaakyat sa stage upang magsabit ng medalya. Mas sa kanya ang karangalan at hindi sa akin. Nakakatawa, si tatay ang umaangkin sa minana ko daw na talino niya.

May panahon ding nagloko si tatay. Mabigat na dinala iyon ni nanay. Doon ko natatandaang nagsimula siyang maging sumpungin o magagalitin. Dinadaan sa sigarilyo o beer ang dinadalang hinanakit.

Ngunit noon din siya nagpasyang kumayod nang siya lamang upang itaguyod kami. Nagtinda siya ng balut, katu-katulong ang dalawang ate. Minsan ako ang nagbabantay, dalawang puwesto sa harapan ng botika sa bayan. Pagkat paslit ay nahihiya pa akong gawin ito, na baka makita ako ng mga kaklase at maharap sa tukso.

Hindi ko tuloy matandaan kung paano kami nagkikita kapag umaga na. Darating siya ng madaling araw na, sila ate ang mag-aasikaso sa agahan, at kami naman ay diretso iskwela. Habang lumalaki kami'y naiiwan siyang mag-isa sa pagtitinda. Ang mga ate ay may kanya-kanyang trabaho upang iraos ang pagkokolehiyo. Hanggang lumuwas sila sa ibang bansa at nahinto ang pagtitinda ni nanay.

Lumipas ang mga taon at pati kami'y nasa bansa ngayon.

Sabi niya'y di tulad ng dati, hindi na siya makangiti tuwing umaga. wala siyang halamanang tinutubigan pagkagising. Wala siyang katsismisan sa maliit naming patio dahil hindi uso ang tsismisan dito. Higit sa lahat hindi na niya iniintindi ang aming bunsong kapatid. Ngunit makakapagtiis siya, hanggang dumating ang panahon ng pagbabalik. Narito ang lahat ng kanyang kailangan, mas magaan kung tutuusin ang buhay dito, ngunit wala dito ang mga kailangan niya upang madamang buhay siya sa araw-araw.

Ipapasyal ko si nanay bukas, sa araw ng sweldo ko, kahit hindi siya mamalikmata sa bago niyang makikita.#

Tungkol sa buhay, ano pa nga ba?

Siguro, maraming maraming oras ang nasasayang ng mga tao sa pag-iisip tungkol sa buhay.

Ako, maupo lang ako sa bus, tumutulay na sa isip ko ang kasalukuyan kong buhay. Uminom lang ako ng kape sumasabay sa halimuyak ng caffeine ang mga pinagdaanan ko. Manood lang ako ng korning pelikula nagsesenti ako sa buhay. Lalo pa kapag nakakainom ako ng paborito kong beer (rhb, koda o daglit sa red horse beer).

Kapag nataon na may masayang pag-uusap, yung tipong tila nadadama mo lahat ng senses sa katawan mo, napapaisip ka sa buhay. Ako, medyo alangan akong sumobra sa mga sasabihin, may konting editing pa. Minsan naman kapag ganun kasarap ang usapan, nawawalan ako ng pakialam sa nangyayari sa paligid at parang flash ng kamera, nakikita ko ang bawat eksena ng buhay ko.

Kanina, nagsusumbong ang pamangkin kong lalaki. "Im having a bad dream," humihikbi pa siya. Tinanong ko kung gusto bang nasa kuwarto niya ako hanggang makatulog siya. Um-oo naman. May malamlam, mapag-ala-alang lights na meron siya sa kanyang kuwarto.

Habang nakahiga sa tabi niya, naalala ko ang kaparehong mga ilaw na ganuon. Ilaw ng gasera, ang makislot na ilaw na nabubuhay lamang sa mga bahay na walang kuryente.

Sa dulang, nagsasalo kami nuon nila nanay at tatay, buong pamilya dahil wala pa kaming kuryente. Napapamura ako ngayon dahil wala akong mahagilap na malinaw na ala-ala tungkol diyan, pero tiyak kong minsan tulad ng dati, kumakain kami ng buong pamilya sa harap ng gasera. Ang mga ate, ang kuya, ako, si bunso at sila nanay at tatay.

Ngayon, may kanya-kanya na kaming buhay. Ako, tulad ng dalawa ko pang ate, pilit lumilikha ng sariling buhay.

Nagdadamdam si nanay, dahil si Ate Vina, ang pangatlong panganay na anak, ay nasa ibang probinsya dito sa Canada at tila wala nang balak bumalik pa dito sa Red Deer. Gusto ng unang dalawang panganay na ate, na sana andito kasama namin siya nila tatay at nanay, na bagong salta lamang. Para daw makapagsarili kami, makabili ng bahay o anuman. Sa akin, gustuhin ko man na andito siya, may sarili siyang buhay na kailangan niyang pagpasyahan. Naiinggit tuloy ako sa mga puti minsan, pagkat kusa silang umaalis sa kanlungan ng tahanan pagsapit ng 18 taon, habang tayo'y magkapamilya na't magkasariling apo'y sama-sama pa rin sa iisang bahay.
Paano na nga ba sila nanay at tatay ngayong may tinatahak nang mga sariling buhay ang kanilang mga anak? Alin na ngang pahina ang sunod nilang dapat puntahan? Ah, babalik at babalik sila sa pusod ng luma, munti naming tahanan.

Babalik din naman kami isang araw sa tahanang iyon. Kaming lahat, magulo, maingay ngunit masaya. Masayang-masaya sa mga pinili naming buhay. At pagdating ng panahon na iyon, sila nanay at tatay naman ang mapapaisip ng buod ng pinili nilang buhay...mangingiti sila.

Naiisip kong magsarili na, 2 buwan matapos kaming lumuwas dito. Sabi ko sa girlfriend ko nung isang araw sa email, "I'm happy about myself, gusto ko lang maging simple alam mo un. Kilala mo naman ako diba? kung isusummarize ko lang ang sarili ko that would be: 1. laid back 2. simple 3.anti-social 4.deviant 5.carefree 6.malapit sa maliliit na tao. pagdating sa pagmamahal, i am 1. loyal 2.mapagtiis 3.thoughtful 4.committed. pagdating sa mga gusto kong gawin sa buhay 1.magsulat (my part of reb) 2.maggitara 3.kumanta 4.mag-beach 5.magkape 6.uminom ng beer 7. manuod ng movie.pagdating sa pamilya ko, i can be caring but i can take them forgranted and just mind myself (but most of the time, hindi ko sila matiis) at the same time."

Ang punto, ito ako at ito ang buhay ko, ngayon. Malungkot ang pansamantalang pagkakalayo ng mga pamilya sa totoo lang. Ibang usapin din naman kapag nanay ang nahiwalay upang makapagtrabaho lamang sa ibang bansa, o maski tatay. Ngunit kapag anak ang humiwalay (mag-aral sa malayo, maghanap ng trabaho sa Maynila, mag-OFW muna, mag-seaman etc.) marahil iyon na ang simula ng kanyang pagpalaot.

Kung sa sarili kong anak, siguro magdadamdam din ako. Ilang taon mong kapiling, umiyak sayo't humilig sa balikat mo pagka't siya'y natututo sa sariling mga problema, ngayo'y aalis upang hanapin ang sariling buhay.

Naalala ko tuloy ang linyang "ang anak ay hindi mo anak, siya'y anak ng panahon etc." sa pelikulang dekada sitenta. Siguro nga'y masakit na masakit na tanggapin iyon ng isang magulang. Ngunit dahil ako'y isa pa lamang anak, magpapasya ako batay sa gusto kong kahinatnan ng sarili kong buhay sampung taon mula ngayon.

Ah, buhay. Ang mahalaga'y buhay pa ako't humihinga. Gusto ko lang madamang buhay nga ako't nakakapagpasya.

Simula ngayon, may sumpa ako sa buhay. Ilang taon na nga ako? Beynte-kuwatro. (Inis ako lagi sa mga matatandang nagsasabing batang-bata pa ako). Tatakdaan ko siya kung ano ang dikta ng aking pandama. Ayokong intindihin ang pakiramdam ng malaking pagsisisi ng iba dahil hinayaan nilang may magpaikot ng sarili nilang buhay, ayokong dumating ako sa puntong iyon. May mga nagsasabi ring, may sariling isip ang panahon at mga pagkakataon.

Ha'mo ang panahon na manggulo sa buhay ng may buhay, pagkat yan ang kanyang papel sa buhay. Sa kadulu-duluhan, muli kang mag-iisip tungkol sa buhay mo. Naging mali-mali man ang pasya mo, mas malaki mang bahagi ang malungkot at miserable, posible pa ring may makita kang munting saya.


Ang sabi nga, ang importante ay buhay ka pa't humihinga. Walang huli pagka't di naghihintay ang iyong katapusan.#

Monday, November 20, 2006

Pahimakas ng isang henerasyon

jhong,

saang probinsya? baguio--summer resort yon a : )

kung pakinggan kita, napaka-apologetic mo sa sitwasyon mo. parang ibang-iba ka sa karaniwan, e ang dami namang mahirap na filipino. kung writers naman, at lalo pa nga ba sa filipino, lalo ka nang ordinaryo. kung babasahin mo ang bakgrawn ng maraming manunulat, sa katunayan ay ang major writers sa filipino--edgar reyes, dominador mirasol, atbp.--mga ordinaryong pamilya ang pinagmulan. kahit si f. sionil jose, paborito niyang ikuwento, noong bata pa siya, para lang makapagbasa sa gabi, sa ilaw ng poste siya. etc., etc.

yang pagsusulat, kung talagang gusto, maidaraos iyan. may sinusulat na itatago muna. puwedeng balikan, rebisahin. puwedeng matapos, puwedeng hindi na. posibleng mag-umpisa ng bago--na matatapos at magugustuhan. paulit-ulit ang proseso. puwedeng magustuhan mo, na ikaw lang pala. puwedeng magustuhan ng iba.

maglathala. sumali sa kontes. may kontes na ikaw lang ang may pakontes, ikaw rin ang kasali. kung hindi ggawin ang pagsusulat, paano mapapraktis? paano magiging manunulat.

sa totoo lang, madaling maging manunulat. mas ayoko, mas mahihirapan akong maging sundalo. o embalsamador (mahina ang sikmura ko, at matatakutin ako). maging kargador. maging matadero. maging prosti--mahirap magka-aids.

naroromantisays din naman natin ang pagsusulat, ang maging manunulat. iniuugnay natin sa kahirapan. pero may iba rin namang trabaho, propesyon na kaugnay rin ng kahirapan. hal., metro aide. mas mahirap ang magkalkal sa payatas.

ang sarap ngang magsulat e. syempre, panahon ngayon ng laptop. pero ako, wala akong makinilya sa unang dalawang kuwento ko. kaya sulat-kamay lang.

nitong manalo ako sa manila critics circle, may isang young writer from ust, siya ang nanalo sa novel, english. nangiti ako, dala-dala niya ang notebooks, ordinary lahat, ipinakita niya sa audience. iyon ang kanyang nobela! kuwento niya sa acceptance speech, sa klase niya sa ust, bored na bored siya sa isang subject, at sa subject na iyon, wala siyang ginawa kundi magsulat sa notbuk ng kanyang nobela!

interesting, di ba? iniisip ko, paano kaya hindi siya nahalata ng prof niya? at ang tiyaga niya, sulat-kamay sa panahon ng computer at laptop?!

si rizal, sinulat ang nobela niya malayo sa convenience ng ancestral house nila sa laguna--wala na siyang pera, walang heater ang kuwarto niya sa europe. napunta na ako sa europe, at kahit may heater, ginaw na ginaw ako, kaya alam ko ang feeling ng isang filipino na hindi sanay sa pamatay na winter, kung paano magyelo ang dugo sa isang kuwartong walang heater.

kung tutuusin, sa akin, madaling magsulat, kaysa maging isang sundalong kailangang pumatay ng tao, etsetera, etsetera...

kumusta?

ms fanny/mam fanny : )

Sunday, November 12, 2006

Aking Mundo

kapag nakatanaw ako sa labas ng pinto ng dyip, alam kong gusto ko ang nakikita ko.kuntento ako kahit anuman ang maabutan ng aking tingin.dahil may pamilyar, masarap na pakiramdam na nasa pusod ako ng lugar na malapit saken.

ang ragasa ng tao, sa dyip, sa bus, sa mrt, sa SM, sa UP, sa Recto, sa Quiapo, ang araw-araw na hulas ng kanilang mundo. ng aking mundo. tang 'na maraming tao sa Maynila, niknik ng mga tao sa Maynila, iba iba, pare-parehong mukha. gusto kong sabihin na lahat sila'y may pamilyar na mukha ng taghirap.

nadidinig ko ang iyak ng aking tsinelas dati, kapag nasa UP ako.sasakay ako mula Pantranco, magbabayad ng diyes pesos, madadaanan ang maraming sosyal na putahan, isang mall, ilang botika, at lumalaki na nagiging higante ang mga billboards. unti-unting maninikip sa may parang u-turn sa quezon av kung saan walang Jollibee at nagkalat ang ukayan.kapag umuulan, humuhulas ang patak mula sa itaas ng matarik na overpass.dadaanan ang ilang opisina ng gubyerno na nabubukbok, di maikaila na kahit sila'y inaanay ng mismo nilang pinagsisilbihan.Napocor, children's center, national housing, agri dept, dar, q city hall.

hay philcoa na.ilang saglit pa'y alam mong nasa UP ka na.dati, may masarap na pakiramdam ang pagpasok pasok sa UP.kung saan, alam mong libre ka, welkam ka.wala kang ipag-aalala sa iisipin ng ibang tao.malaya kang sabihin ang isip mo, masigla ang debate na umaabot sa puntong may kanya-kanyang kahon ang mga tao.ang usapin ng malayang isipan, idinudugtong kaagad sa pagiging rebelde.na siyang mali.

maraming masarap gawin sa UP.ang totoo, balak kong mag-aral pagbalik ko 2 taon mula ngayon.kating kati na ako sa maaari kong matutunan, na labas sa kahon.

kapag nakatunganga ako sa kisame bago matulog, dun ako relaks na relaks.nakalapat kasi ang likod sa matigas na sapin sa sahig na kinumutan ng regalong malong.magiging abala ang electric fan maya-maya, dahil masarap ang alinsangan kahit hanggang madaling araw.wala akong pakialam, pero kakanta ako sa saliw ng aking gitara.nagugutom ako pero wala ding pakialam ang aking sikmura pagkat, nasa alapaap ako.

alapaap, wala hindi hihindi sa eraserheads.paulit-ulit man, sa computer, sa gitara, sa banyo o sa kuwarto, masarap pa ring awitin ang etc.

iba't ibang mukha ng taghirap, walang ibang magsusulat tungkol sa kanila kundi kami.kaming pinili na bigyan ng espesyal na espasyo ang kanilang usapin.ah, masarap silang kasalo sa rally o martsa.hindi mo sila kilala, pero ipinakikilala nila sayo ang kanilang digma.nakangiti ka sa kanila, dahil masarap ang ngiting pabalik na nagmula sa walang-wala.yun na lang kasi ang kaya nilang ibigay, at ikaw, kahit walang-wala ka din ay magbibigay ka ng lahat ng iyong lakas, pagod, iyak, frustrations, at saya.

ang totoo, sa sarili mo, nagdududa ka talaga kung matutulungan mo ba sila.kung may patutunguhan ba talaga ang paulit-ulit mong ipinapaliwanag sa kanila.kung hanggang kailan mo kayang balikatin ang hirap ng pinili mong desisyon.pero sa dulo ng mga bagay-bagay, hindi mo sila maiiwan.

hay, magtatapos na ang araw.pero hindi pa ang pakikibaka.sa pansariling buhay at buhay ng iba.gusto ko pa rin namang maniwala,pagkat ano nga ba ang saysay ng nakahubad na si Oble kundi pag-aalay at pag-aalay?