Gusto ko pa ring magtayo ng mulat na pamilya. Salamat sa aking mahal, at ibinalik niya sa piktyur ng mga pangarap namin na makapagpundar ng isang pamilyang pula.
Dati kasi, buhat nang dumating ako dito sa ibang bansa, hindi ko man lamang napansin, na kasabay nang nabago ng mga sitwasyon ang pangarap kong iyon. Basta't kumportableng buhay may-pamilya, ayos na sa akin ang simpleng ganuon lang. Na lahat-lahat ng ginagawa ko sa present, ay dahil sa ganuon na nga, ideal family.
Salamat naman, at muling binuhay ng pulang kasabihang, "simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka," sa isip ko ang pagbubuo ng ibang uri ng pamilya.
Nakikita ko naman sila ate, de-bahay, de-kotse, ubos-yaman para sa kanilang mga anak. Parang klasrum din pala ang pagpapamilya. Kailangang tumingin sa bintana, lumabas kung kailangan, para makita na ang ganitong isip sa pagpapamilya ay bunga din ng 'di matuwid na sistema.
Kasi 'di ba nga naman, parang sinasabi na upang maging masaya ang pamilya, kailangang isandaang porsyento ng lakas ang gugugulin para maging kumportable. Kung salat sa materyal na pangangailangan, parang hindi na makakatayo ito. Paano naman kaya ang pag-igpaw sa sarili para sa iba, ang pagpapalaki ng mga anak na may malasakit sa kapwa at sariling bayan?
Tayo pa namang mga Pilipino, dahil sanay sa hirap, handang kalimutan ang lahat ng kinalakhan, masabi lang sa bandang huli, na tayo'y nakaangat.
Masaya namang tignan ang pamilya nila ate. Mukhang fulfilled naman sila bilang mga magulang. Pati mga asawa nila'y pawang mga perfect husband. Nahahawa din sila ng aming pagka-Pinoy pagkat nasasanay na nakikisalo sa isang malaking pamilya.
Masaya na nga siguro sila sa ganuon lang..
Sino nga naman ako para magsalita? Ako nga'y narito at nagpapaka-lasing sa hatid na oportunidad ng ibang bansa. Sa katunayan, parehong daan din naman ang tatahakin ko para maihanda ang sarili sa pagtatayo ng sarili kong pamilya.
Pero lagi namang may lugar ang mapulang digma para sa mga gusto pang mag-alay. Lalo pa kung sa oras na iyon, ang punla ay naipasa na sa susunod pang henerasyon. #
No comments:
Post a Comment