Siguro'y hindi niya alam ang pupuntahan, o paano ito puntahan, kaya't palinga-linga siyang tila nawawala, isang matinis na araw sa kahabaan ng kalye Espanya.
No. 4 Sisa St., Espanya, Manila. ang palantandaan ng bahay ay berdeng gate at ang mismong tahanan ay bungad ng pasikot na looban. Magtanong siya kung kailangan, lalo kung abutan siya ng hapon. Babala na karaniwan sa isang bagong salta, mag-ingat sa lunsod.
Ang lunsod sa kanyang paningin ay mas mabait kaysa sa kuwento ng mga bumalik sa kanilang baryo. Niknik ng tao, sala-salabid ang daan, ang hulas ng sasakyan ay tila 'di mapatid na linya ng langgam. Mabaho ang daan, bahain, may dumi ng asong nagkalat sa maraming kanto at ang polusyon ng hangin. Ngunit iba ang dating sa kanya ng Maynila. Isa itong bagong paraiso kumpara sa payak na buhay sa baryo.
Ang kanyang pag-alis ay hindi bago sa kanilang lugar. Sa totoo lang, kilala ang kanilang lugar sa dami ng mga kababaihan at kalalakihang lumuluwas upang magtrabaho bilang kargador, katulong, sales girl, promo girl, at may kilala din siyang pumasok na sa prostitusyon.
Tiyak na hindi siya ang pinakahuli. Na'ron pa sa Minda, ang kababata niya na nagbabalak ding umalis at napangakuan niyang tutulungan oras na maiayos ang buhay sa Maynila.
Namimitig na ang kanyang kalamnan sa likod, sa batok at sa piye. Hawak niya ang isang sobre na naglalaman ng address ng bahay kung saan siya mangangatulong. Lukot pa iyon buhat nang magkapaalaman sa kanyang pamilyang iiwanan. Kahit memoryado niya'y gusto niyang makatiyak.
II.
Gusto na niyang layasan ang pagiging alila kina Mrs. Mijabr, ang bumbay na amo. Sukang-suka na siya, lalo na ang kanyang punong tainga, sa pagluluto ng mga maanghang na pagkain. At magmula nang dumating siya'y hindi pa siya nasusuwelduhan, lumipas ang limang buwan.
Alibugha ang kanyang among babae. Mausisa sa bawat gawin niya, inuungkat maging gawa-gawang kuwento o mga personal niyang lakad. Pinagdududahan ang paglapit-lapit sa kanya ng kanyang mister na talaga namang kaduda-duda, sa agwat pa lang ng kanilang edad na halos beynte.
Naaaliw siya samantala, sa palabirong mga anak ng kanyang amo. Kapwa mabibilog ang kanilang mga mata, kapwa may biloy at kapwa din makapal ang alun-along buhok. Masayahin ang mga bata. Kahit laging nasisigawan ng kanilang tunay na ina'y nakukuha pa ring masayang palipasin ang maghapon kasama siya.
Inihahatid niya sa iskwela ang panganay na walong taong gulang at ang kanyang ama ang sumusundo. Siya at among babae ang abalang naghahanda ng hapunan, upang pagdating ng dalawa'y kakain ang buong pamilya saka magpapahinga. Ngunit siya'y saka pa lamang makakakain matapos na mahugasan ang lahat ng kailangang hugasan mula platito hanggang pinaglutuan. Saka siya kakain ng pagkaing karaniwa'y tira.
Sabagay ayaw niya din naman ang pagkaing bumbay kahit lumipas na ang buwan na pare-parehong putahe ang kinakain ng pamilyang pinagsisilbihan.
III.
Inuuntag siya ni Nindong, matador sa palengkeng madalas niyang puntahan pagkatapos maihatid sa iskwela ang panganay na anak ng kanyang amo.
Sagutin na daw siya pagkat limang buwan na itong nanliligaw ngunit ni meryenda sa labas ay hindi ito mapa-oo. "Dahil ligaw-palengke ang alam mo!" ang lagi niyang isinisagot dito. Natuto na siya kahit paano ng buhay sa lunsod. Ayaw niya ng ligaw na dinadaan sa tawaran. Ayaw niyang isiping mababa na nga siya'y ganun pa rin sa larangan ng pakikipagmabutihan.
Niyayaya siya nitong mamasyal sila at kumain sa labas. Mag-out of town sa Baguio, Tagaytay o sa malapit n beach. O kahit magsimba na lang. Ngunit lagi siyang humihindi.
May isang araw na namalengke siya't muli siyang niyaya ni Nindong na magsimba sila. Kailangan daw niyang magpahinga naman, dahil tila wala itong day-off man lang. Sinabi niyang wala siyang perang magagamit kung lalabas sila. At mahigpit ang kanyang amo.
Subukan daw niya, pagkat birthday ni Nindong at sana'y mapagbigyan siya kahit man lang sa araw na yun. "Titignan ko pero 'di ako mangangako," sabi niya sa lalaking nangakong maghihintay sa isang kitaan.
Dumating ang Linggo ngunit hindi siya nakarating. Ayaw pumayag ng kanyang amo, pagkat araw daw iyon na naroon ang buong pamilya at kailangang nandun siya.
Sumunod na namalengke siya'y wala silang imikan ni Nindong. Ganundin nang sumunod pang araw. Hanggang iba na ang nagtinda sa kanya sa sumunod pang araw.
IV.
Martes ang araw ng kuhaan ng basura sa kalyeng iyon ng Maynila kaya't Lunes ng gabi pa lang ay inilalabas na niya ito.
Kung ilang araw na ring umuulan, laging nangungulimlim ang langit kahit sa gabi. Nagkalat sa estero ang mga basura, may mga asong laging nangangalkal sa mga ito, pala-alsa naman ang iba pang maliliit na dumi't nabubulok na materyal sa bahang nalilikha ng ulan.
Mabaho ang estero, mabaho ang mala-kumunoy na amoy na nanggagaling sa kaloob-looban ng tulad ng bahaging ito ng Maynila.
Sa ulanan niya inilabas ang mga basura. Hindi pa siya nakakalapit dito'y nagdilim ang kanyang paningin sa makapal, matipunong kamay na tumakip sa kanyang mukha, lumingkis sa kanyang mga bewang. Namamalisbis ang sasakyan.
Sinasakmal siya, nararamdaman niya ang bigat ng lalaki sa ibabaw niya. Nakatakip sa kanyang mata ang isang panyo, nakagapos ang kanyang mga kamay. May busal din ang kanyang bibig. Masakit sa likuran na nakasandig siya nang alangan sa malamig, sementadong dingding. Nakahubad siya't tila nalalapnos ang kanyang puwitan sa paulit-ulit na ginagawa ng lalaki.
Nalalasahan niya ang dugo ng kanyang dila sa busal sa pagtatangka niyang sumigaw. Napapaluha siya sa hindi niya maunawaang sakit, napapaigtad siya't sumisipa ang kanyang paa.
Dinadaluhong siya ng lalaki. Garalgal na ito't pagod sa paulit-ulit na ginagawa. Nang maramdamang siya'y nagkamalay ay mas mahigpit ang pagsakmal nito sa kanyang leeg. Kumaripas ang kamay sa mga bahagi ng maselang katawan ng babae. Nalalapnos ang bahaging iyon ng kanyang balat, dahil ngayo'y mas mabilis na dinadaluhong siya ng lalaki. Hanggang ito'y makaraos.
V.
Umaandap-andap ang ilaw sa paroo't parito ng matabang mukha ng doktor sa kailaliman ng gabi sa isang himpilan ng pulis sa Tondo.
Gusto niyang itanong sa doktor kung paano siya nakarating dito, pagkat makislot ang kanyang ala-ala. Magbaba siya ng tingin at nakikita niya ang kanyang mga sugat. Hindi matakpan ang mga iyon ng magulong ayos ng kanyang damit. Hindi siya umiiyak, ngunit panay ang labas ng sipon sa kanyang ilong.
Pinapahiga siya ng doktor, pilit tinitiyak na anuman ang gawin nito ay hindi siya masasaktan. May padaan-daang pulis sa labas ng maliit na klinik.
Natapos ang eksamen, saka siya binigyan ng pangunang-lunas sa kanyang mga sugat.
Nakatakas ba siya? Hindi niya alam. Ngunit naalala niyang pumapara siya ng mga sasakyan sa kahabaan ng C4. Bahagya siyang makalakad sa iniindang mga sakit sa katawan at mga tinamong galos. Nakikita niyang nakalugmok sa tulog ang ilang bata, o pamilya sa kalsadang iyon. Lugmok na tulad niya sa salaulang lunsod.
Hanggang lumuhod siya't tanging kamay na lamang ang bahagyang kumakaway sa lahat ng mapadaan. Nasisilaw siya sa mga sasakyan. Tila ito flash ng kamera na mabilis na nagpapakita ng nangyari.
Dumating ang mga nagpapatrolyang pulis at sumunod na kinunan siya ng statement sa himpilan at inalalayan sa kalapit na klinik upang ipatingin.
Dalawa hanggang tatlong araw pa bago lumabas ang resulta, habang nagsampa na ng kaso ang pulisya upang simulang hanapin ang gumawa noon sa kanya.
Gusto niyang umidlip. O uminom muna ng tubig bago umidlip. Pakiramdam niya'y noon lamang siya nauhaw nang sobra, sa pinakamahaba ring gabi ng kanyang tanang buhay.
VI.
Walong-libo't limandaan. Sahod niya sa anim na buwan nang pagpapa-alila kina Mrs. Mijabr.
Isa-isa niyang tinitiklop ang mga 'di naman gaanong nagamit na damit. Isinisilid niya sa maleta ang ilang bago-bagong piraso na galing sa kanyang amo. Mga ala-ala ng kanyang mga alaga. Samantala, maayos din niyang iiwan ang kuwarto, na pinagkasya lamang sa ilalim ng hagdan.
Isang linggo matapos ang nangyari sa kanya'y pinapaalis na siya ng kanyang mga amo. Alam niyang ayaw ng among lalaki ngunit mapilit lamang ang babae. Noong isang gabi'y naririnig niya silang nagtatalo. Malas umano ang babaeng napagsamantalahan ayon sa kanilang kultura. Walang magawa ang amo niyang lalaki pagkat maging siya'y tauhan lang din sa bahay na yun.
Dama niyang siya'y nakalaya, matapos ang limang buwan ng pagpapa-alila. Malilimutan din siya ng mga musmos pang alaga, pero siya'y hindi sa kanila. Marami siyang ibinilin sa panganay, na alagaan ang kapatid at maging matuwid sa aral. Piliting hindi muna makapangasawa, dahil sa maagang edad ay ipinareha na ng kanyang mga magulang sa kasosyo nila sa negosyo.
Ni hindi siya nalungkot sa pag-alis sa lugar na iyon. Ang mas malaking mundo ng Maynila ang hanap ngayon ng kanyang paa.
VII.
Walang gasinong tao sa terminal ng bus sa Cubao, maghahating-gabi ng Martes. Yakap-yakap niya ang lahat ng naipong gamit buhat nang lumuwas siya sa Maynila.
Nakangiti siya'ng nakatulala, pagkat unang beses siyang nakapamasyal kanina bago tuluyang nagpunta sa terminal. Namasyal siya sa Luneta at Manila Bay, kumain sa isang fast food sa Kalye Kalaw.
Bagong simoy ng hangin, na malaya niyang sinarili. Masigla ang kanyang lakad mula Kalaw hanggang maupo sa isang banda sa palibot ng lawa sa Luneta. Ah, masarap ikuyakoy ang mga paa, habang palinga-linga sa buong paligid. Magkakasintahan ang nakita niyang naroon, magkakapareha na may iisang tagpuan. May pami-pamilya at may tulad niyang nag-iisa lang.
Magaang ang kanyang pakiramdam, hanggang mapagmasdan ang paglubog ng araw sa daungan ng Maynila. Naluha siya, pagkat ngayon lamang niya naunawaan ang ilang bagay tungkol sa sarili. Na siya'y nag-iisang tumitindig sa kagubatan ng lunsod at siya'y lumaya.
Magiliw din ang lambong ng araw sa probinsya, sa isip niya. Alam niyang siya'y magbabalik sa kanilang bayan, nang walang pakialam kung siya ba'y nagtagumpay o hindi. Pagka't kahit paano'y naranasan niya ang ibang klase ng buhay kahit iyo'y 'di pangkaraniwan sa karanasan ng tulad niyang nanggaling sa nayon.
Malambing din naman ang paglubog ng araw sa kanyang bayan. Banayad ang hangin, at kumikislap na ginto ang dagat ng aanihing palay.
Doon niya sisimulan ang bagong buhay.
VIII.
Ang ngalan ng batang lalaki ay Manuel, siya ang ikalawang Manuel sa kanyang pamilya.
Ngunit siya'y naiiba sa unang Manuel na pangalan ng kanyang lolo. Matangos ang kanyang ilong, bilugin ang malalim na mga mata, alun-alon ang buhok at kayumanggi ang kanyang balat. Sa edad na trese ay kakatapos lamang sa elementarya at ngayo'y sa Maynila na magpapatuloy ng aral.
Dala siya ng kanyang ina sa biyahe. Humihilig siya sa kanyang balikat na parang sanggol ulit. Ayaw niyang iniiwan siya ng kanyang ina, maging sa CR tuwing humihinto ang bus.
Ang palikuran sa kanilang baryo, may tapis ng ginayak na kawayan at ang bubong ay pawid. Ngunit ang liguan ay sa ilog o kaya sa batis na inipon sa dike kung saan nakasuksok ang tubo ng kawayan---mga gawang-kamay ng kalalakihan sa kanilang baryo. Puwede ang sabay-sabay na paliligo nilang mga bata.
Ngayon, takot siyang mag-isa. Pinaghihintay niya sa labas ang kanyang ina, at binibilisan niya ang pag-ihi. Ngunit nang sumunod na paghinto ng bus, bumaba sila't muling umuhi, hindi niya nakita agad ang nanay paglabas. Namumula ang nangingitim niyang pisngi pagkat gustung-gusto na niya umiyak. Hindi siya umalis sa kanyang kinatayuan. Hanggang makita niya ang kanyang inang may bitbit na softdrink at nilagang saging.
Nangiti siya't tumakbo na tila sila'y papauwi.
IX.
Ang gusaling 3M ay matao, nakasagad sa maliit na tulay na nagpapakilala sa Quiapo. 3M na ang ibig sabihin ay Mijabr Mini-mart.
Kanina pa inip na inip si Manuel habang hinihintay ang kanyang ina na ngayo'y nakikipag-usap sa guwardiya kung maaari siyang papasukin sa opisina ng may-ari. Ayaw pumayag ng guwardiya, wala umano siyang appointment sa kanilang amo. Itinuturo siya ng kanyang ina, na kanyang sinamantala upang agad na pumasok sa opisina ng may-ari.
Lumipas ang ilang sandali at lumabas ang isang bumbay at kanyang ina. Hindi niya naunawaan ang sinabi ng lalaki, ngunit mahigpit ang hawak nito sa munti niyang mga kamay. Litong mukha ang nakikita niya sa kanyang harapan. Idinikit nito sa kanyang mukha ang kamay ng batang lalaki. Tila sila'y pinagbiyak na bunga at ang agwat lamang ay ilang taon.
Ngayo'y bitbit siyang papasok sa opisina, kasunod ang kanyang nanay. Nalilingunan niya sa likod ang inang nakangiti. Dala-dala ng guwardiya ang kanilang gamit.
Sa loob ng opisina, naratnan niya ang iba pang kahawig niya. Sing-kulay niya't sing-bilog ng kanyang mga mata. Dalawang batang babae kasama ng kanilang ina. Nakangiti sila lahat maliban sa ina, na nakamata lamang sa kanya at parang maiiyak.
Tila sila isang buong pamilya at siya ang bunso, ang hindi lamang kasali ay kanyang sariling ina.
X.
Nadidinig pa niya ang mahinay na yapak pababa ng hagdan, huminto sa tapat ng pinto ng kuwartong iyon na ipinagkasya lamang sa ilalim ng hagdan.
Pabulong na tinatawag ang kanyang pangalan, "Luella? Luella?" sa boses na tila kinakabahan. Nagtakip siya ng manipis na suot pantulog at pinagbuksan ang kanyang amo.
Nagpaubaya siya, sa masikip na kuwartong iyon sa ilalim ng hagdan. Naghahagilap siya ng dahilan ngunit ang tangi niyang naiisip ay alam niyang walang mangyayari sa isinampang kaso ng pulisya, alam niyang matatabunan lamang iyon sa kangkungan ng mga krimen sa lunsod.
Magiliw siyang itinatahan ng papalubog na araw. Hindi niya mapigilang umiyak habang nasa bus papauwi.
Nakikita niya saan man siya tumingin ang mukha ng kanyang anak. Tama ba ang naging pasya niya? Magkikita sila ni Manuel, buwanan siyang dadalaw upang matingnan kung okey ba ang anak. Mahusay ding magsulat ang anak, anuman ang mangyari ay magkukuwento ito sa mga nangyayari sa kanya.
Lalo sa mga unang gabi at araw na kapwa silang hirap makatulog sa kakaisip sa isa't isa.#
*Repost
No comments:
Post a Comment