Saturday, March 13, 2010

Sa Iyong Ika-1 Kaarawan, Anak



Gaya ng ibang magulang, hindi pa rin ako makapaniwala anak. Lumipas na pala ang isang taon, kaarawan mo na. Isang taon na rin akong tatay dahil sa'yo.

Siyempre, marami ka nang kayang gawin ngayon. Tumayo. Maglakad. Manood ng tv. Paunti-unti mong nakakayang mag-isa. Ilang buwan pa, puwede na kitang iwanan.

Akala mo ba madali? Nasa isip kita kada minuto. Gising ka na kaya? Kumain ka na? Napalitan ba ang basang-basa mong diaper? Sinong umaalalay sa'yong pagtae? Hinahanap mo ba ang taytay?

Higit sa lahat ng kakayahang natutunan mo, ang pagkilala sa akin bilang tatay mo. Marunong ka nang ngumawa kapag umaalis ako, sa pagbalik ko naman, naiiyak ka din dahil nakita mo na ulit ako.

Nagpapasunong kang parang iyon lang ang mahalaga sa mundo.

Napapaiyak naman ako sa tuwing sisilip ka sa bintana't kumakaway sa tuwing aalis ako. Kung bakit kailangan pang magtrabaho ng taytay, mag-aral. Kung maaari ko lang saksihan ang unang 354 araw mo sa mundong ito, pero hindi.

Ginagawa ko ang mga ito, para sa'tin anak. Habang maliit ka pa, habang bubot pa ang iyong pag-unawa sa mga bagay. Sana nga'y pansamantala lamang ito. Pagkat gusto rin kitang makilala, gusto kong makilala mo ang mundo. Gusto kitang ipakilala sa mundo.

Parang kailan lang sabi nga sa kanta, pangarap ka namin ng naynay mo. Hindi ka namin pinlano ngunit dumating ka. Ngayo'y mag-iisang taon ka na sa mundo.

Maligayang kaarawan, anak. Maligayang kaarawan, sa aking pagiging tatay.#

3 comments:

Kat said...

Happy birthday Andres!

Tuloy kayo umuwi this year En?

en en said...

yep ate, june 5 hanggang july 14 kami. sana nga makapahinga kami paguwi namin. kita tayo ha :)

Anonymous said...

tuloy-tuloy naman pala ang pagsusulat mo, kuya en. :) napakaemosyunal na iyong mga tatay entries. pero pinakanagustuhan ko ang aksidente ni asyong. puwede mo kasi itong palawigin bilang isang kritiko sa insurance system at kung paano pinagkakakitaan ang mga nabiktima, o kung paano sila lalong binibiktima. bet na bet! :) --detganda