Nung isang araw ko lang nalaman na kasama na sa listahan ng mga binura laban sa aktibismo si Kanor, isang kakilala.
Pangalawang tagapangulo siya ng Bayan-Pangasinan. Nabaril nung Pebrero pa at sa ospital na binawian ng buhay, sa gitna ng kumplikasyon. Lagpas limang buwan bago nakarating sakin ang balita.
Kung paano? Sinu-surveillance ng militar ang tagapangulo ng Bayan-Pangasinan, Fr. Terry. Lumabas sa ilang report sa internet na siya naman ngayon ang mainit sa mata ng militar sa Pangasinan, matapos na patayin si Apo Jose, tagapangulo ng kilusang magsasaka sa probinsya, at kanyang pangkalahatang kalihim.
Nung isang buwan ay dinukot si Jay, organisador ng Piston, sa Pangasinan. Inilabas siya kasama ng tatlong iba, matapos ang ilang araw na torture sa kamay ng militar sa Pampanga.
Iba pag kakilala ang biktima ng pamamaslang. Dati, tila istadistika lang sa dating ng mga pangalawang itinumba ng punglo. Ngayo'y oras-oras na nakikipagtitigan sa bala ang mga kasama. At ang pangamba sa buhay, ngayo'y ramdam ng kahit 'di personal na kakilala.
Nabubuhay ako sa panahong maraming dapat isulat, maraming humihingi ng hustisya dahil hindi sila magawaran ng umiiral na estado ng mga buhong at palalo. Kung nakakamatay lang ang mura.
Si Kuya Kanor, masayahin dahil tabatsoy. Eksentriko sa istilo ng pamumuhay. Pero tibak pa rin ang turing. Si Apo, matibay na sandigan ng mga magsasaka sa Pangasinan.
At si Fr. Terry, na pangalawang tatay ko sa turing. Nang batiin ko siya ng happy fathers' day nung nakaraang taon, ganito ang kanyang sinabi sa text, "Salamat po sa pagbati. Ingat lagi."
"Ingat lagi, mga kasama. Walang ibang salalayan ng ligtas na pagkilos kundi tayo at ating mga sarili...
No comments:
Post a Comment