Friday, June 23, 2006

Awiwang

Awiwang – ang tahimik na pananatili ng bangka sa dagat – ang bago kong likhang salita.

Ang bentahe ng Pilipinong gumagamit sa sariling salita, mkalikha ng sandaa’t sanlibong salita mula sa tumpok ng mga lingwahe sa tinubuang lupa.

Ang pakiramdam na nasa dagat ka. Sa isang pisngi ng mundo, sumasalubong sa mga daluyong ang pangamba – na baka tangayin ka sa ilaya at hindi na makabalik pa sa pampang. Sa isang kumpol ng pino, madalas magaspang, itim at mas aliw na puting dalampasigan ng buhangin, ay naron ka’t bahagi ng isang-tinakpan.

Hindi mo ito pag-aari, o ng iba kahit sabihing may papel ang iba para sa patunayan ang kanilang pag-angkin.

Ang mas matindi, pangamba na kitlin ka ng hindi mo nakikita pagsapit mo sa pusod ng dagat. May isang araw, o maraming oras ka upang ariin ang isang malaking tipak ng langit, pero dahil hindi ito ultimo iyo, may ibang malayang makakagamit nito.

Malaya ka sa isang wagas ng pagtatampisaw. Malaya sa tila walang wakas na pag-iyak. Malaya ka sa isang isla.

May pagpipilian sa kabila ng lahat. Ang manatili sa bangka, at hayaang lunurin ng awiwang – awit na karugtong ay payak, tahimik na pahinga sa pusod ng dagat at mundo. Kung yari sa papel ang bangka’y may maliliit na lungkot na puwedeng paandarin at hayaang lunurin sa malalim na dagat.

Kakambal ng awiwang ay ‘di mahagip na sikat ng araw, ang bato’t tila hininga ng higanteng mulalang hangin ng dagat at ang magiliw na imik ng tubig-dagat. Lahat ay mahimbing na umiindayog sa tugtugin ng awiwang.

Panatag at masaya, yan ang pakiramdam ko ngayon. Mas simple ang mga bagay, mas taimtim ang pahinga at mas may paraang upang humanap ng kabuluhan sa mundo.

Yan ako, pansamantala.

Sunday, June 11, 2006

Pag-antabay

At sinabi ko sa sarili: kailangan kong mag-isip, ng makatuturang pag-iisip para muling pumili kung aling landas ang dapat tahakin. Bente-kuwatro anyos na ako nung huling Disyembre...bente kwatro at marami pa rin ang nagsasabing bata pa ako, marami pang mangyayaring mas maaayos kung pipiliin ko.

Ayaw ko pang tumanda, pero gusto ko nang makita kung ano ang kahihinatnan ko. (Lalo, kung ang tutuparin ng mga guhit ko sa palad ang ambisyon na makapgsulat, habambuhay?)

(PS -as in PaiStorbo- kanina pa nagtetext saken ang mga putakteng kumpanya ng langis para lang sabihing magtataas na naman sila habambuhay ng kanilang mga presyo)

Maraming umaasam maging batang muli kahit imposible. Wala kasing katulad ang murang isipan, ang pag-iisip na naguumpisa pa lang. Kung sa panahon ngayon, mahirap na ang maging bata. Hindi umuurong ang panahon, ang pagunlad samantala ay tila may sariling isip na gustong magbigti.

Bente-kuwatro at bumibilang pa. Ilang taon pa ba ng pag-iisip para sa finale?

Ang sabi ng ate, masyado daw akong nag-iisip, bente kuwatro pero hindi akma ang mga sentimyento sa buhay. Ito ang nakukuha ko sa pagiging laid back, imbes na magpahinga at tumunganga, ay namamaga ang isip sa kakagana. Kung may sense ba naman, aywan na lang.

Pero, gusto kong magsilbi. Ng walang inaasahang kapalit. Yun lang piryud. Sa paanong paraan? Iniisip ko pa.

Pwede ninyong panoorin yung motocycle diaries, inspirasyon ng sentimyentong ito

Gusto kong arukin ang kabuluhan ng pag-aalay ng buhay. Bawat hibla ng araw ay ilalaan para sa mga laging nawawalan. Walang oras ang masasayang.

Paano at kailan, saan?

Gusto kong maging doktor o nurse ngayon na. Para may lisensya akong dumama sa sakit, ramdamin kahit ang hinanakit.

Husto ba ang maging manunulat? Sa ngayon, tila kulang pa. Dahil siguro'y bubot pa kahit ang kakayahan at karanasan ko. Sa malaot madali, wala akong makitang sinag at liwanag (usapin ng sino at para kanino ang babasa) sa dulo ng buhay ng may buhay na sinulat...

Masarap pansamantala ang mag-isip, sa dulo nitong tila walang katapusan, umaasa ang pusong may maramdaman naman at kumilala ng ibang nilalang.

Friday, May 26, 2006

Ala-ala, alalahanin

Alam kong mag-aalala pa rin ako,alam kong dadalawin pa rin ako ng mga pangamba.

Ang sabi ko sa sarili,kung kaya mong harapin ang katotohanan, right smack in my face tatalunin ko ang mga ito.

Nay, pasensya ka na't hindi muna kita mauuwian ng gusto kong coffee set para sa'yo,magtiis muna tayo sa luma mong takure at mga pingaw na tasa, masaya tayo kahit kulang ang asukal at matapang ang kape, dahil mainit naman ang tubig na husto lang para tayo makapag-agahan...

Tay, huwag ka munang umasa na mabibigyan kita ng pampusta mo sa iyong panabong,o maibili ka man ng inumin sa gabi-gabing dinadalaw ka rin ng alalahanin at gusto mong magpakalunod sa alak upang mahimbing kapagka...

Panatag ka, ate. Matatag na sandalan ni nanay at ng iyong sarili.Kahit palagi kang humihiling,alam mong dalawa tayong magpupuno sa mga bagay na kaya at gusto natin..

Kapatid ko,may malaki akong pagkukulang sa'yo.Hindi kita magabayan bilang kuya,dahil kasi'y nasanay din akong manginig, matakot ngunit magtiwala sa kapangyarihan ng kuya nating pumanaw na.Pero alalahanin mong nandito lang ako,para sa iyo at sa iyong si...

Mikaela,pamangkin ko.Kahit wala ka pang malay,alam mo nang masaya ang mabuhay sa mundo.Pagbibigyan kita,hanggang sa aking makakaya.Hindi kita matitiis,hindi kita matitikis...

At sa'yo mahal ko,higit kitang kailangan katumbas ng pagpapahalagang ipinapakita mo sa akin.Kaysa sa inaaakala mo,lalong kaparis ka ng kaliwang bahagi ng buhay ko.Tandaan mong nasa tabi mo ako,kailangan mo man o hindi...

Nariyan lang ang pangamba,pero nariyan din kayo...

Isang bukas na liham

Wednesday, May 24, 2006

Hinde

Maaga akong nagising kanina, maski na makislot ang simula ng tulog ko ng nakaraang gabi. Hindi sa problema, tingin ko'y maayos akong bumangon upang humarap sa bagong araw.

'Di katulad ng dati, "stress free" ang umagang iyon. Ang kailangan ko lang gawin, magkape, maligo at pagkatapos ay lumarga. Walang pag-alaala, walang pagmamadali, kahit buntong hininga ay inilibre sa isang araw na hindi kailangang makipagkarera sa oras at trabaho.

Pagkat, wala na akong trabaho. Noong biyernes lang, malungkot na hindi, ang importante'y habang wala pa akong trabaho, ako'y "malaya" sa sarili kong paraan at depinisyon.

Kanina sa counter ng isang maliit na shop sa Philcoa ay tumangging ipamigay ng libre ng ale ang isa piraso ng paper clip, para sa mga papeles na tiket ko upang makahanap ng trabaho... "Baka po mabilang ng kostumer na bibili, makukulangan po ng isa" ang sabi niyang nakangiti. Wala siyang pakialam pagkat siya'y may sariling trabahong inaasikaso at iyo'y siguruhing walang na-'shop lift' sa kanyang mga paninda,na pag-aari ng isang Intsik

Ang ngiti at kaunting konsiderasyon, hindi na kayang hingin ngayon ang kapirasong paper clip na halos P.07 lang ang presyo...(100 piraso sa halagang P7 isang kahon, alangan namang bilhin ko pa ang buong kahon)

Palagay ko'y hindi siya tutulong kahit sa kapatid, kahit isang milyong piraso pa ng clip ang kapalit.

Saturday, May 20, 2006

Alipato*

*gusto ko sanang gamitin ang titulong ito isang araw na masaya akong bumibiyahe pauwi sa amin, kung kailan panatag ang ilaya at masuyo ang paglubog ng araw sa silangan. kahit pa, kailangan ko itong gamitin ngayon, hindi bukas o sa ibang panahon. Pagkat ito'y alipato ng kahapon...

Bagama't buhay ay sumasanib sa dilim ang buhay na mayron ako sa salaulang lunsod.

Mabuti pa nga ang alipato, may tiyak na lugar paitaas, kahit man na sa dulo ng kanilang buhay ay hanggang doon lamang sa aninag ng maikli nilang ningas. Tinatangay sila ng hangin, sa direksyon na wala silang pakialam.

Noon pa'y itinuring ko nang therapy ang biyahe. Malapit o malayo, maligalig o payapa, kahit sandali ay gusto kong naiiwan sa pagitan ng mga singit ng puno, sa madidilim na eskinita, sa mabalukbok na kalyehon, sa banig ng palayan ang mga alalahanin.

Mas madalas kong maisip ang tungkol sa future. Isang bukas na panahong walang sinuman ang eksaktong nakakakita. Sa biyahe, ang alaala ay winawalis at pilit na winawaglit kung masakit, at kasing-linaw ng masayang imahe sa salamin kung maaaliwalas. Sa biyahe, marami tayong mga what if, at sana.

Pero sa dulo ng mundo, ang pagbibiyahe ay may sariling mapa na hindi maiiwasan. Paano kung dead end? O kaya'y bangin? Kung gayon, sa malao't madali, ito ang kanyang direksyon.

May magagawa sa kabilang banda. Lagi't lagi, may hatid na pag-asa ang liwanag na nagmumula sa mga alipato, kahit ito'y pansamantala...


Dala na rin ng kapaguran, gusto ko muna sanang magpahinga. Pero umaasa din akong muling makapagsimula sa isang mas bago, mas makabuluhang mundo. Ano ba kasi sa Filipino ang superficial? Plastik? Sa mas madali, kasinungalingan.

Marangya ito, at nabulag ako. Kung uumpisahan ko sa pinaka, mahabang magulong kuwento. Ang masasabi ko lang, muntik na akong malunod sa isang biyaheng bagama't mapaglaro, maluho ay nakakalunod. At ayokong sa kalaunan ay matangay ako sa isang biyaheng walang saysay, sa aking panahon.

Magulo 'no? Basta.

Go alipato!

(lagom: natapos na sa nakalipas na anim na buwan ang nakakawindang na trabaho bilang business reporter. ngayon ako'y magsisimula ulit, NGAYON na, ngunit hindi sa umpisa.)

Saturday, May 13, 2006

Dear angel...


Hindi masusukat sa bilis
Ng lipad ni Darna
O gilas at tapang
ni Alwina
Kung kapangyarihan man
Ang magdidikta
Walang panama si Sabina
Sa sayang dulot mo
Sa masa?
Kilala mo ba talaga sila?
O isa ka lang artista?
Na nakabalot sa palamuti
Ng iyong mundo
Samantalang patuloy sila
Makikiisa
Sa iyong mga digma.

Friday, May 12, 2006

...at tapos?

sunset 2

Sa istasyon ng MRT, mula Ayala ay naalala kong bumagsak ang unang mga patak ng ulan ng Mayo sa Quezon Avenue. Naalala kong kabilang ako sa mga nagmamadali, sa mga nakipagsiksikan papalabas ng MRT nang ang mahinhing patak ay naging silakbo, pamatay na pananda ng tag-ulan.

Ilan ang nakapayong ngunit mas marami ang hindi handa, na kasama kong lumilim pa muna upang maghintay sa pagkatagal-tagal (habambuhay?)...

Yun na, tapos na nga ang tag-araw, ang pinakamahal ko sa lahat ng panahon. Lumipas nang hindi man lang napansin, umalis nang hindi man lang tinapos ang seryeng ito tungkol sa kanya.

At bago pa tumila, nagdesisyon akong siluin ang ngayo'y mabining ambon, gamit ang isang folder bilang salakot.

Hindi bale, malapit na ang Disyembre.

Friday, April 21, 2006

Takipsilim

Una ko itong "sunset" series

Buhay na buhay ang araw, at mga katawang nakabilad dito, ngayong tag-init. Ang singasing na sikat nito, ang init na tumatagas sa buto at ang alibadbad ng magdamag ay halos magkakapanabay na dumadaloy sa ispiritu ng sinumang nais magwala at kumawala kapiling ang araw.

Tingin ko'y malamyos pa sa hanging Disyembre ang mainit na hangin ng ngayon kapag sumapit na ang gabi. Ang malamig na hangin, nakakapagpabaluktot sa gustong matulog, kung hindi pa Pasko (at kakatwang ideya na masaya habang sumasapit ito)ay hindi ka makumbinsing tumayo sa kama at sumalo sa hapag, makisaya sa pamilya.O, kahit Pasko na'y mas gusto pa nating magsumiksik sa kama at mahimbing.

Kung tag-init nama'y kahit maalinsangan, gumalaw o bumabad, ay masarap. Masayang mag-isa, ayos lang din ang may kasama. Perpekto ang maghapon kahit bumabad lang sa harap ng telebisyon (habang nakababad din sa pool...na may rhb* sa isang kamay...at komiks sa kabila)

Masarap ang buhay..

Ang totoo, paborito ko ang tag-init sa dalawang panahong mayron ang Pilipinas. Ito ang panahon ng mahaba o sumandaling pahinga, mga araw na maikli ang maghapon, malapad ang magdamag, mabilis tumirik ang araw at mabagal habang sumasapit ang gabi.

Palibahasa'y laid back akong tao, nakakapagod ang maghapon at gusto kong sulitin ang bawat sandaling makapagpahinga.

Pahinga, hinga, pahingi, paki-hinga. Kahit ang taong buryong ay umaasam niyan.Pero ako, natural akong tunganga, mahalaga sa akin kahit ang simple, pinakapayak na pahinga.

Umupo sa hagdan, mamaluktot sa mob, humikab sa presscon, sumandal sa puno, humiga sa sunken garden, humilakyab sa dyip, lahat ng paraan at panahon upang mawili sa gitna ng mainit na summer ay gusto kong gawin at walang makakapigil.

Masarap isipin na wala niyan sa States.

itutuloy

Wednesday, April 19, 2006

Krus (na ligas)

Kung may masamang naidulot ang sandaling bakasyon, yun ay ang pakiramdam na sana'y hindi na muna ako bumalik sa gubat ng Maynila.

Yung pakiramdam na hindi mo nalubos ang lahat-lahat sa probinsya. Na hindi mo pa nasino ang mga taong gustong makita, dibale nang umasa ka lang na gusto ka rin nilang makita pa upang pigtasin ang ampaw na panahon.

Liyag ng sandaling bakasyon, marahil dama lahat ng mga taga-probinsyang ang ganito. Parang aringking sa bolang kinapos sa pag-shoot ng Ginebra. Parang maaliwalas na pelikula na open-ending. Parang nasirang tono sa magaling, bet mong singer.

Hindi dismayado, pero siguradong palyado sa rurok ng ligaya, ng isang simpleng bakasyon. Hindi talaga nakakamis ang Maynila para sa mga probinsyanong tulad ko.

Pero hindi,marami pang naghihintay mabalikan..(halimbawa ang blog na to.wahaha!)

Masarap matulog sa kangkungan ng lunsod, matapos ang isang mahabang paglalakbay mula sa ilaya. Mis ko kahit pano ang kama sa Krus na Ligas :)

Kakambal siya ng tiim na pagtulog ng aking lungkot, tuwa at pagod. Kahit siguro ako magutom basta makatulog nang mahimbing, na bagay sa lahat ng walang laman ang sikmura ngunit busog naman sa pala-asang panaginip.

Buo ako sa piling ng kama ko. Naron ang Devisoryang-unan ko,ang SM-bed spread na kulay blue, ang Bohol-malong, at katabi-tabi ko ang cellphone ko (brand new :) Kumpleto ang pag-iral ng buhay, maski pano sa isang kahig na tulog habang lumilipas ang gabi.

Sa pusod ng lunsod, tulog lang ang katapat ng salaulang Maynila. Kaya't langit ang mga lansangan, ang mga bangketa at mga iskenita ng lunsod para sa isang libreng bisyo, puwera na ang istorbong MMDA.

Sa linggo ay muli kaming maglilipat ng lugar. Magiging isang masayang panaginip na lamang ang mga sandaling kapiling ng aking lumang kama.

Friday, March 24, 2006

Sambot

Dumadaan sa maraming ritwal, at libel ng paghahanda ang isang kaluluwa bago niya marating ang sukdulan.

Habang daan, mamamaypay ka muna, Daniel. Dahil kasi'y napagod ka sa pag-iwas sa mga buwitre sa iyong likuran, harapan at paanan habang ikaw ay naglalakbay. Pinili mong iwasan sila, kaysa kastiguhin sa kanilang pagbabalat-kayo.


Palibahasa, mahirap makakita ng gintong panaklong sa iyong unti-unting pagpailanlang.

Nung isang araw, abalang idinudukwang ni Petra ang kanyang litanya laban kay Maria. Sa kabilang linya ang kaibigang si Nena, ay sulsol na ang muwestra'y tila isang maestra at hindi alila. Rigodon ng mga panlalait, palabok ng maiinit na tsika.


Muntik nang lumubog ang araw kaya't pinili ng dalawa na huminga pansamantala.

Pilit ang aliwalas na mukha ni Maria habang papunta sa baile ng bayan kinabukasan.Paano?Naunahan siya ng dalawa kay Manuelito na, mailap pa sa kabayo kung magpakita sa mga nagsusumamo...nang magkita ang tatlo, ulit ay tila bulang napawi si kabayo..ehek si Manuelito.Maaaring normal ang lahat sa kanilang pag-aakala...sa kinang ng napawing bula,ngunit ang bula ay bula pa rin hanggang huli.


Hungkag hanggang sumabog sa kawalan.

Matinik ang daan sabi ni Daniel, at nangako siyang tatapakan ang mga ito upang sa kanyang pagdurugo ay gumapos sa kanyang talampakan ang simoy ng isang malayang nilalang...

PS: Tungkol sa totoong mundo, ito'y kahalintulad nito.Sa kasamaang palad, iiral pa rin ang isang bagong henerasyon (ng mga manunulat?) upang silang nilamon ng dilim ay tuluyang lumaya at kumawala.

Saturday, March 04, 2006

Ang maging tatay sa daang-bakal: Macho man naglalaba rin
Kakambal ng daang-bakal ang mga nagsampirang buhay doon. Isang tagpo ito sa mahabang daan tungo sa ilang.

Pailanlang

Kung nakakapagsalita ang konfeti---kung maihuhulma nito ang hugis ng lipunan sa araw na iyon, ang hitsura marahil ay ganito: pailanlang ngunit pababa, dausdos, tila masayang manlalakbay patungo sa pagkakawatak-watak, o tila paghihiwa-hiwalay tungo sa pangmatagalang pagkakaisa.

Lalatag ang mga konfeti, dadapo saanman dalhin ng kanilang hangin. Ang kaninang isinaboy ngayo'y pulutong ng kalat sa kahabaan ng kalye. Pero ito's ekstra-ordinaryong dumi, ang pagsaboy nito ay kawangis ng tuwa, ng luha, ng tagumpay at ng pighati - ng rebolusyon- sa Edsa.

Sa kabila ng umaatungayaw na mob, abala naman kami ni Priam sa mga ambus interbyu. Partner kami sa shipping section ng Malaya, pero ngayo'y ibang dagat ang tumatangay sa amin---ang ngalit na mob na lumilikha sa alon ng atungayaw na sambayanan.

Kanina'y dinispers sa mas malawak na kalye ng Edsa ang mga militante, ilan ang nasaktan, hinuli at iditine ng mga pulis, alinsunod sa bagong kautusan ng kanilang presidente sa araw ding iyon.

Ito na nga ba ang pangatlong Edsa? Ang martsa sa Ayala, larawan ng atungayaw na sambayanan na nais likhain ang susunod na sigwa, ay natapos nang nakatirik na ang buwan. Karaniwan kapag bagong taon, ang kahabaan ay nagsisilbing langit para sa mga mahilig sa party. Ngayon ito'y magsisilbi kapuwa sa mga blue collars at sa mga hindi nakakaintindi niyon.

Ang mga sumugod sa Ayala -hapo, pagod ngunit palaban pa- ngayo'y isa isa nang umuuwi hindi upang magpahinga. Paano nga ba ang matulog na ang isang mata'y kailangang dilat dahil sa pangil ng idineklarang bagong polisiya?

Gayunpaman, darating ang umagang silang mga dilat ang mga mata'y hindi mamamatay ng ganon na lamang. Hindi, hangga't hindi idinuduyan ng isang bagong liwayway ang kanilang pagtulog.

Wednesday, February 22, 2006

Tekat

Syeyring (?) kami ni ate kat(rina acupanda) ng mga angas sa 'di matuluy-tuloy, di matupad-tupad na mangarap na maging fiction writer.Laman sa pagitan ng aming kulitan ang pangako at walang kapararakang pag-asam na makapagsulat.

Pero ngayon, siguro'y pakabang ginagalugad ng kanyang sinakyang eroplano ang Vegas. Ilang taon na di naman sabi niya, na hindi sila nagkikita ng tatay niya at ngayong nabigyan ng pagkakataon, bakit hindi?

Ang isang bagong lugar, kapwa mabigat na pasanin at factor para piliin natin na umalis,maglakbay,bumalik,umalis ulit at humanap pa ng ibang masisilungan.

Malawak ang mapa ng Amerika, o Las Vegas na lang kung ikukumpara sa mapang nabuo niya sa sarili: isang buwan munang makikipagtitigan sa buhay na meron sa isang dayuhang lugar,saka siya magdedesisyon ano ang kayang gawin sa hindi.Ang tiyak, mahusay siyang magsulat at pinaghandaan na niya ang mga materyal dito pa lang.Isang portfolio para sa sarili na sisikapin niya matapos sa dulo ng kanyang pakikipagbuno sa Amerika.

(Siguro'y...siya at si Aubrey lamang ang dalawa mga babaeng napagbubuksan ko ng malupit na pangarap na makapagsulat.Ng lalim kung paanong sairin ako ng mga pagkakataon at panahon sa paghahanao ng oras na harapin ito.)

Maiiyak siya at matatawa, pero alam niyang tama sa ngayon, na pumalaot para makapiling ang ama.Sa takot marahil,bahagi ng kanyang biyahe ang dalawang-isip na tumuloy pa.Naghihintay man ang Amerika,alam niyang matagal na rin siyang hinihintay sa sariling bansa, ng isang tulirong panahong umuungol ng pagbabago.

Ang pag-alis at pagbabalik ay dalawa sa maraming bagay na mahirap asahan at madalas kaysa hindi, masakit sa isip at sa puso ang tama.Tuloy,nagiging paborito ko ang linyang So what's the glory in living...Doesn't anybody ever stay together anymore...And if love never lasts forever Tell me what's forever for...

Wala namang nagsabing may habambuhay talaga.May pangakong napapako pero may pangako ring natutupad.Sa sarili at sa mahal,buhay man ang katumbas.

Sense, meron ba?

Siguro mas pipiliin ko na lang magsulat sa Filipino.Naman kasi, marami nang nagsusulat sa Ingles.At ang toxic na trabaho ko, ang moda ay Ingles so, bakit pako mag-i-ingles?O aminin ko na lang na kahit sa UP pako nag-aral, bobo din naman talaga ako sa dayuhang salita gaya ng maraming Pilipino na umaasang umasenso sa simpleng paggamit ng Ingles.

Antagal tagal ko nang gustong magsulat.Yung ganto lang.Walang pakialam dahil sigurado ako wala din namang makikialam.Gusto ko at para sa akin, malalim na dahilan yun para tayo magpatuloy.

Galit nga ko minsang sumulat.Paano, pakiramdam ko nauubusan nako ng panahon, maraming factor sa totoo lang.Nawawalan ako ng panahon,o wala nang panahon sa akin ang pagsusulat.Parang ggrr.Alam mong kulong pero hindi mo kaya sa ngayong pakawalan.Alin ba kasi?Yun na.Hindi mo kilala ang demonyong kung tawagin ay angst.O angas.

(Hala,siguro mas maraming angas sakin ang taong lumikha ng blog.Okey kung ganun.At nagpapasalamat ako sa kanya.)

Hay,baka lang kasi, lamunin ng gulo ng Maynila ang lahat ng masarap sa pagsusulat.Kahit pa sabihing ang Maynila ay gubat, ang maruming dagat kung saan ang lahat ng karumal-dumal ay may lugar para sa pagsusulat.Tulad ko?At lahat ng batang manunulat ng ating panahon.

Pero may pero.Sa kabilang banda,wala namang masama na patuloy na umasa.Wala din namang masama na piliin ang pagsuko, kung ito ang talagang kahahantungan nito.Ang mabuti,may paraan, at may magagawa.

Hindi pa naman huli.Ang lahat ay darating sa huli pero hindi sa ngayon.

Panimula

Ang pagsisimula/panimula ang isa sa pinakamahirap
Katumbas nito ay parang panganganak..

Na babae lang ang tanging nakakaalam?
O higit pa.

'Ta niyo?Wala akong masabi...tinatangay ng lumubog nang araw ang mga salita
Siguro'y ganun na nga. Ang pagsisimula ay katumbas lamang ng pagtatapos
Na mahirap pakawalan.

Ang pag-asam na ay masulat o masabi.Sa dulo ng dila.
Ay mailap na palaka.Kaya't manatili, mag-antabay

Hanggang sa susunod na posting? :)

Ito po ang aking blog.Bow.

Wehehe.