
Gumaganda na rin ang paglubog ng araw dito sa kabilang bintana ng daigdig.
Sa katunayan, alas nuwebe na ng hapon ay lumulubog pa lamang ang araw. Malamig pa rin siyempre, pero masarap masinagan ng papalubog na araw.
Na laging nagpapaalala, tapos na naman ang isang araw sa buhay mo. Ano bang nagawa mo't hindi nagawa upang sumulong ng konti pag-ikot ulit ng mundo?
Ah, walang oras na pag-isipan iyon. Pagkat pagod ka't tuyo ang isip mo, sa maghapong pagpapakapagod. Kaya't kahit manibalang, masarap na tumameme lang, sa papalubog na araw. Ngumiti, ngumalay, dahil ilang saglit pa, uuwi ka na rin.
Doon sa tinatawag mong pansamantalang tahanan. Kung saan saglit kang magpapahinga.
Kapag nagigising ako ng maagang maaga dahil kailangan kong pumasok, tila pareho lamang ang sikat ng papagising na araw at ang papalubog. Makalat na sigabo, magkaagaw na pula at dilaw, abuhing daigdig. Gusto mong tumingalang ang nakikita ay kisame ng bahay pagkat nakatihaya, at nagpapahinga.
Pero hindi, gising ka na't nakapagkape. Antayin mo na lamang na humapon hanggang makatulog habang gabi.#